Kapwa excited sina Anjo Yllana at Eugene Domingo sa
pagsasamahan nilang bagong show sa GMA-7, ang Cool Center "Hello, it's me!"
na magsisimula nang mapanood ngayong Sabado, March 14.
Ang Cool Center "Hello, it's me!" ang nag-iisang comedy radio talk show sa telebisyon kung saan magsasanib puwersa ang galing sa pagpapatawa nina Anjo at Eugene. Sa show na ito ay maaaring tumawag ang kahit sinong manonood mula sa lahat ng panig ng Pilipinas para makipagkulitan kina Anjo at Eugene, makipagkilala, makipag-love match, manghingi ng payo, o kaya'y makipagpalit ng gamit sa inyong paboritong artista.
Walang script at live na mapapanood ang Cool Center kaya talagang masusubukan ang bilis at talas ng pag-iisip at pagpapatawa ng dalawa nating radio jocks on TV.
Magkakaroon din ng special guest celebrity every week na mai-interview nina Anjo at Eugene. May chance ding ang caller mismo ang makapag-interview sa paborito niyang artista. May mga resource persons din para tumulong kina Anjo at Eugene sa pagsagot sa tanong ng mga callers.
AMI ANJO, AMI EUGENE. Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang mga hosts ng Cool Center "Hello, it's me!" na sina Anjo at Eugene during the presscon ng show na ginanap kamakailan sa 17th Floor ng GMA Network.
Sa presscon nga ay biglang nakaisip ang dalawa ng "terms of endearment" nila sa isa't isa para sa show na ito. Ami ang tawagan nila, short for amigo at amiga.
Unang tinanong ng PEP kina Anjo at Eugene kung ano ang impression nila sa isa't isa since first time nilang pagsasama ito sa isang show? "Ako isang word lang hot," patawa ni Anjo.
Sumegunda pa ng biro si Eugene, "Ako rin, isang word lang hotter." Aniya, "Ako kasi matagal ko nang napapanood si Anjo. Gusto ko yung pelikula niya yung kasama niya si Jaclyn Jose, yung Itanong Mo Sa Buwan. Napakahusay niya roon. Tapos naging komedyante rin siya, napakahusay. Tapos nag-host na siya. So, lagi siyang nandiyan at alam kong magaling siya. Kaya nga noong sinabi na siya ang makakasama ko, na-excite ako kaagad. Kasi masarap naman yung makasama ko lalaki naman. Kadalasan kasi ang kasama kundi bakla, babaeng bakla, o babae rin. Ngayon ang sarap ng kabatuhan ko yung ganyan tulad ni Anjo. Okay siya actually."
Para naman kay Anjo, akala niya noong una ay lalaki ang tinutukoy na Eugene
Domingo na magiging co-host niya.
"Ako naman, funny kasi. Sinasabi niya nga sa akin one year pa lang daw siya sa showbiz. Tapos binibiro niya ako, grabe one year pa lang ako sa showbiz sikat na ako. Sa katunayan, ang totoo niya, the first time na marinig ko na si Eugene Domingo yung makakasama ko ay hindi ko pa siya nakakatrabaho. I don't know her personally. Dahil sa GMA naman, hindi ko siya nakasama. So, ang unang impression ko, yung Eugene lalaki. Tapos yun nga first time ko siyang nakita, hindi ko alam kung paano ko sasabihin yung sikreto ko. Baka ma-offend siya. So, hindi ko rin nasabi sa kanya. Hanggang nagkasama nga kami sa baba dito sa GMA, nakausap ko siya. Pero bago yun hinahanap ko yung driver ko. Tapos sumigaw ako ng Eugene. Yun ang sikreto ko. Kapangalan niya yung driver ko," natatawang salaysay ni Anjo.
Pinagpatuloy naman ni Eugene ang pagkukuwento kung paano sila naging close ng
kanyang co-host. "So, yun nga tapos ang sabi ko sa kanya, o sige magtawagan na
lang tayo," biro pa ni Eugene. "Masarap lang na katulad niya ang kasama ko rito
sa show. Hindi naman namin pinipilit na close na kami agad, mag-bestfriends na
kami agad. Hindi ganun. Kasi nga live yung show namin, kaya dun na lang
magkakaalaman talaga kung okey kami as a tandem."
Ayon pa kay Anjo, "Yun nga dahil live kami, kaya hindi ko masyadong tinatanong ng personal si Eugene. Gusto ko kasi dun ko siya makilala sa show. At habang kinikilala ko siya ay nakakasabay namin yung mga manonood sa pagkilala namin sa isa't isa. So, parang nagiging kabarkada na rin namin yung mga viewers."
Hindi kaya magkaroon ng sapawan since pareho silang magaling na komedyante?
"Sa tingin ko, hindi naman. Malakas ang kutob ko na magbibigayan kami. Twice pa lang kaming nagkakasama, first noong brainstorming, tapos nung pictorial. At saka ngayon pa lang ulit dito sa presscon. Pero noong pictorial pa lang very comfortable na kami sa isa't isa. Mukhang wala kaming magiging problema ni Eugene pagdating sa sapawan. Unless gamitin niya itong pagkakataon na magtakaw sa mic," natatawang wika ni Anjo.
"Hindi totoo yan, hindi totoo yan!" natatawang tanggi ni Eugene. "Hindi naman kami magsasapawan pero kung hindi ako agree sa iyo, hindi ako agree sa iyo, di ba? Kung hindi ka agree sa akin, e, di hindi ka agree sa akin. Ganun lang yun. Hindi naman pwedeng pareho lang kami lagi ng opinyon, syempre magkakaiba rin. Pero I don't think na magsasapawan kami."
THE CHALLENGE. Ano ba ang challenge sa kanila ng bagong show na ito?
"Ang challenge sa amin dito ay mapa-rate namin ito na magkaroon ng malaking audience share. Kasi number one, it's experimental, wala pang ibang ganito. Number two, live kami. And number three, first time naming magsasama ni Ami Eugene. Siyempre, kasama na rin kung paano namin mabibigyan ng kasiyahan ang mga manonood natin pati na yung mga callers ng show," paliwanag ni Anjo.
"Tama yung mga sinabi ni Ami Anjo. Isa pa sa challenge sa amin ay dapat lagi kaming aware kung ano ang isyu, kung ano ang hot. Ano ang pwede naming i-share sa mga audience na interesting. Yung lagi lang sila ang mapapasaya, yung ganun. Enjoy lagi. Tatawag sila, matutuwa sila, matututo sila, ganun. So, kailangan lagi kaming aware at conscious sa kung ano ang bago," dagdag paliwanag pa ni Eugene.
Marami sa kanyang mga shows ay support lang si Eugene. Ano kaya ang feeling niya na may big show na siyang ganito?
"Thankful ako. Very, very thankful sa lahat ng blessings, sa pagkakataon na makasama si Anjo, syempre mas beterano na siya sa akin sa industriya. At saka thankful dahil isa na naman itong paraan para makapagpasaya ako ng mga kababayan natin. Yung maibalik sa kanila yung suporta. Sila naman ang pakikinggan mo. Sila yung pasisiyahin mo deretso, rekta, tatawag sa iyo. Doon ako excited," ani Eugene.
Para naman kay Anjo, big break din sa kanya ang show na ito dahil matagal-tagal na ring hindi siya nagbibida talaga sa sariling niyang show.
"I think this is a big break nga for me kasi nga as you know yung mga sitcom kasi medyo nawawala na. In fact dito sa GMA, isa lang ang sitcom ngayon, yung Ful Haus. Tapos yung iba parang gag show na. So, big break for me ngayon kasi nga ang forte ko sitcom e, pero ibinigay pa rin nila ito sa akin. At sana maging successful yung show. Hopefully, tumagal din yung tandem namin ni Eugene, hindi lang dito sa show na ito, parang Mel & Joey," sabi ni Anjo.
Since gusto nilang tumagal yung tandem nila, posible kayang mag-carry on ito sa movie?
"Sana nga oo. Pero big time na iyon. Tiyak magde-demand na si Eugene ng mas malaking talent fee niyan, siyempre pati na rin ako," biro ni Anjo.
"Oo, at saka yung may love team, may ganun-ganun," singit ni Eugene. "Kasi magaling siyang artista, e. Marami rin ang nakaka-miss sa kanya na lumabas na bilang artista na may character talaga na iba na hindi natin nakikita. Pero sa ngayon ito muna, yung mga totoong character namin ang mapapanood nila o mapapakinggan nila dito sa Cool Center."
PILOT EPISODE. Ayon sa dalawa, kaabang-abang daw ang pilot episode nila sa March 14 dahil tampok bilang una nilang celebrity guest ay ang controversial ngayon na si Jomari Yllana. Ayon kay Anjo, hindi raw talaga nagpapa-interview ngayon si Jomari lalo na tungkol sa hiwalayan nila ni Pops Fernandez. Pero para sa show ay ginamit na ni Anjo ang pagiging magkapatid nila upang mahingan si Jomari ng pahayag tungkol sa breakup nila ni Pops gayundin sa bago nitong pinagkakaabalahan ngayon na pagpo-produce ng mga concert. Napabalita kasi na si Jomari ang magpo-produce ng concert ng American Idol Season 7 Top 2 na sina David Cook at David Archuleta, patin na rin daw ang concert ni Britney Spears.
Isa pang aabangan daw sa pilot episode ay ang pakikipagpalit ni Marian Rivera ng kanyang shoes na may personal autograph sa isang maswerteng caller.
Sa mga gusto raw maging part ng show at maging caller, tumawag lamang sa 981-1936 to 38.
Mapapanood ang Cool Center "Hello, it's me!" tuwing Sabado ng gabi after ng Imbestigador
sa GMA-7, simula March 14.