Mainit pa ring pinag-uusapan ang Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Law, lalo na’t sinimulan na kahapon, Oktubre 3, ang pagpapatupad ng naturang batas.
Nagkataong nakausap at nahingan ng reaksiyon ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Aurora Representative Juan Edgardo “Sonny” Angara tungkol sa naturang batas kahapon sa Emerald Garden restaurant sa Roxas Boulevard.
Nangyari ang interview matapos siyang mag-file ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) sa Comelec para sa kanyang pagtakbo bilang Senador sa May 2013 elections.
Kasama niyang nag-file ng COC ang kanyang amang si Senator Edgardo Angara. Nagbigay-suporta rin ang asawa ng kongresista na si Tootsy Echauz-Angara at ang staff nilang mag-ama.
Si Congressman Sonny ang isa sa may-akda ng Cybercrime Prevention Law, pero pabor daw siya sa pagbabago nito.
Paliwanag niya, “Yung Cybercrime, aminado naman ang lahat pati ang mga kritiko na kailangan natin iyan dahil maraming masama pong nangyayari sa Internet.
“Nagkakaroon ng child pornography, yung child prostitution na ginagamit po yung Internet.
“Pero doon sa mga kontrobersiyal na probisyon, dapat maging bukas ang Kongreso para sa pag-amyenda nito dahil hindi naman tayo perpekto na katulad ng ibang tao ay nagkakamali rin.
“Ang importante ay aminin at gawan ng paraan.”
Ang sinasabi ni Congressman Sonny na kontrobersiyal na probisyon ay yung tungkol sa online libel.
“Sa akin kasi, yung online libel ang medyo [hindi ako pabor]… ang naging parusa po kasi diyan I think lampas po ng anim papunta ng labindalawang taon, e. Medyo istrikto po.
“Nakikita ko po na medyo strict dahil ang uso ngayon o ang trend worldwide is yung dini-decriminalize na, hindi na ginagawang krimen o ang parusa na lang po sa libel ay…
“Kunwari may vinerbally abuse ka o sinabihan mo ng hindi totoo, ang parusa lang diyan usually ay multa na lamang at hindi na kulong.
“Yun na lang siguro ang dapat tingnan.”
RUNNING FOR SENATE. Ano ang naka-inspire sa kanya para ituloy ang kanyang political career at tumakbo sa mas mataas na posisyon bilang senador?
“Well, yung fact na marami tayong natutulungan, nakikita ko yun.
“Kahit yung munting pasalamat lang sa akin, nakaka-inspire na yung ganun, e.
“Yung nabigyan ko ng scholarship for example, yung iba hindi nagpapasalamat. Pero yung one out of fifty na nagpasalamat, nakakatuwa, nakakataba ng puso yun, e.
“Pakiramdam mo, you made a difference in that person’s life at saka parang umiba ang tahak ng kanyang landas dahil sa iyo, malaking bagay iyon.
“Gusto kong madagdagan pa yung mga taong natutulungan ko.”
Anong aspeto ang gusto niyang pagtuunan ng pansin?
“Sa edukasyon, kailangan may reporma ang sistema ng edukasyon.
“Sa ngayon kasi, maraming graduates ang hindi nakakakuha ng trabaho.
“Marami rin ang high school graduates na hindi na nakaabot sa kolehiyo dahil sa hirap ng buhay.
“So, finding ways and means na matulungan po sila.”
HELPING THE ENTERTAINMENT INDUSTRY. Pagdating naman sa showbiz industry, hindi na raw bago para kay Congressman Sonny ang pagtulong dito.
“Well, sa akin, ipinasa namin yung batas doon sa pagbabawas ng local amusement tax sa entertainment dahil patung-patong, may national tax tapos may local government unit tax pa.
“So, binawasan namin para may maitulong pa ng konti. Kasama namin diyan sina Congressman Irwin Tieng, Roi Golez, Teddy Casiño.
“Tapos ipinasa rin po natin yung Heritage Law [RA 10066 or National Cultural Heritage Act], yung pinoprotektahan po yung creation ng mga artist.
“Dito naman siguro, kung paano pa natin mapapalago po yun dahil yung lahat ng talento natin, nakikita natin halos lahat umaalis [papuntang ibang bansa].
“I’m not speaking of our local actors, ha, kasi mataas po ang mga sahod ng actors and actresses po dito.
“Pero ang sinasabi ko, yung behind-the-scene talents tulad ng mga animator, yung mga cinematographer...
“Siguro mababa yung industry standard kaya umaalis sila para sa mas magandang alok.
“So, yun ang gusto natin to find a way… nagagawa kasi ng Singapore, e.
"Kunwari may ginagawa siyang parang Silicon Valley, lahat po ng mga creative na tao ay nahihikayat nilang pumunta doon dahil binibigyan ng insentibo yung mga negosyo, yung mga nagtatayo ng creative industries.
"Siguro yun, kaya nating gawin dito.
“Unang-una, mas malaki ang populasyon natin, mas marami tayong talento.
“Imbes na magpunta ng Singapore o Hong Kong, dito na lang.
“At saka lahat ng pinagtatrabahuhan nila is not a Filipino company, foreign company, e, so sayang yun dahil hindi nabibigyan kredito yun na produktong Pilipino.
“Like yung sikat na video games, ang nagtatrabaho riyan mga Pilipino e. Sayang, di ba?”
HOSTING EXPERIENCE. May mga pulitiko na pinapasok ang showbiz para mas mapalawak pa ang kanilang exposure sa publiko o kung hindi naman ay dagdag karanasan at credential.
Hindi niya ba naisip subukan ang showbiz?
“Wala, walang nag-offer e,” biro ni Congressman Sonny.
Pero may experience na raw siya sa TV hosting noon.
“Nasubukan ko actually mag-host sa Channel 4, morning show iyon, partner ko si Issa Litton. Nasubukan ko dati for one week, masaya,” sabi ni Congressman Sonny.
Bakit one week lang?
“Pero in-invite nila akong bumalik. Sabi ko, ang layo, e, kasi Makati pa ako nakatira. Tapos ang aga pa ng call time.”
Kung sakaling may mag-offer ng hosting job ulit at pasado sa kanya ang lahat ng conditions, tatanggapin niya ba ito?
“I will consider it.”
Anong klase ng show ba ang gusto niya?
“Gusto ko yung may public service involved. Kahit entertainment, basta may variety.
“Ayoko nung nag-a-act, kahit talk show yung ganun, gusto ko yun.”
CELEBRITY ENDORSER. Si Sarah Geronimo ang naging celebrity endorser ng kanyang amang si Senator Angara noong tumakbo ito sa pagka-senador.
Posible kayang si Sarah din ang kunin niyang endorser ngayong siya naman ang tumatakbo sa pagka-senador?
“We’ll see po dahil alam naman natin na si Sarah, noong in-endorse niya yung father ko in 2007, rising star pa siya noon.
“E, ngayon, hindi natin maipagkaila na one of the biggest stars in showbiz ngayon, e, as an actress and singer.
“Naging kaibigan na rin ng pamilya si Sarah, pero siyempre nandiyan pa rin yung problema sa schedule, yung kontrata.
“Siyempre hindi na biro yung makapasok sa schedule ng isang Sarah Geronimo.”
Kung hindi puwede si Sarah, sino ang artistang posibleng kunin niyang endorser?
“Well, kinuha na namin si Julia Montes dahil pasok po siya doon sa adbokasiya po namin sa senior citizens.
“Si Julia po ay pinalaki ng kanyang lola dahil ang magulang po ni Julia ay pipi.
“So, ang nagpalaki kay Julia at hindi niya nakakalimutan ay yung kanyang lola, mahal na mahal niya po yun.
“So, tamang-tama kasi ang adbokasiya po namin dito sa Kongreso is mahalin po natin yung ating mga senior citizen sa pamamagitan po ng mga benepisyo sa ilalim po ng senior citizens discount [RA 9994 or Expanded Senior Citizens Act of 2010].”
SENATOR DAD. Isa na sa mga beterano sa pulitika ang kanyang ama ni Congressman Sonny na si Senator Angara. Paano naman siya nai-inspire sa kanyang ama?
“Hindi na through words but through actions. Pinapanood ko na lang yung ginagawa niya at nakikita ko talagang mahusay, e.”
Kumusta naman ang relasyon nilang mag-ama?
“Okay, very good. Pero hindi siya yung karinyoso.
“Kumbaga, cariño brutal yung father ko, e. Mahilig na pagsabihan ka niyan.
“Nung grumadweyt ako dati sa college, e, Top 20. Sabi niya, ‘Bakit hindi ka Top 10?’ Ganun. Ganun yung mga hirit, e.
“Pero naging inspirasyon yun, e, para we work harder.”
Meron na ba silang hindi napagkasunduan pagdating sa pulitika?
“Meron na kaming magkaibang desisyon noong araw... noong impeachment ni GMA [dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo] for example.
“Sabi niya, ‘Alam mo, pagka bumoto ka doon sa impeachment, baka madamay ang Aurora, hindi makakuha ng proyekto pag inipit ka ng Presidente.’
“Sabi ko, ‘Hindi, paninindigan ko ito, naniniwala ako rito. Kailangan sagutin po ni GMA...' Yung panahon po ng Hello Garci iyan.”
Paano nila sine-settle ang ganitong diskusyon?
“Kailangan maganda ang usapan, kailangan ipaliwanag mo sa kanya. At kung maganda naman ang paliwanag, naiintindihan niya.”
Pagkatapos ng tatlong termino niya bilang kongresista, nabawasan na ba ang pressure sa kanya sa pagiging anak ni Senator Angara?
“Definitely, nabawasan na dahil kahit paano mayroon na tayong sariling nagawa, may sarili na akong achievements.
“So, hindi na tayo masyadong kabado sa isyu na iyon.”
Bukod sa mga batas na nauna na niyang nabanggit sa panayam na ito, kabilang din sa mga legislative accomplishments ni Congressman Sonny ay ang mga sumusunod:
Magna Carta of Women, Kindergarten Act, Simplified Net Income Tax Reform Act, Salary Standardization Law III, Rationalizing The Night Work Prohibition on Women Workers…
Health Worker’s Day Act, Renewable Energy Law, Tourism Act, Legitimation of Children Born To Parents Below Marrying Age…
Real Estate Investment Trust Act, University of the Philippines Charter, Civil Aviation Act of 2008, Credit Information System Act, Pre-Need Code…
Extending the Implementation of the Lifeline Rate, Personal Equity and Retirement Account Act, Financial Rehabilitation and Insolvency Act, at Documentary Stamp Tax Exemption.
POLITICAL DYNASTY. Dahil nga nasa Senado na ang kanyang ama at ngayon ay susubukan niyang pasukin din ito, kaya hindi maiwasan na may mag-akusa ng political dynasty sa kanila.
Ano ang masasabi niya rito?
Sagot ni Congressman Sonny, “Well, may iba’t ibang klaseng dinastiya tulad ng may iba’t ibang klase ng tao.
“Ang importante ay nangingibabaw diyan yung kakayahan ng pulitiko, hindi lang yung pangalan, hindi lang yung kamag-anak, hindi lang yung pagiging sikat.
“Hindi sapat po iyon para maging mahusay na serbisyo publiko.”
Wala naman daw siyang nakikitang masama sa political dynasty kung ginagamit naman ng mga pulitiko sa kabutihan at pagtulong sa mga tao ang kapangyarihan ng kanilang pamilya.
Sabi ni Congressman Sonny, ang importante ay ang legacy na iiwan nila sa mga tao.
“Importante yung legacy kahit wala na kayo diyan [sa puwesto], may naiwan kayo para sa publiko. Pinaganda ninyo po yung buhay nila.
“At hindi lang kayo ang kumbaga nakinabang o benepisaryo ng paninilbihan ninyo kundi ang mga tao mismo.”
So, para sa kanya, hindi negatibo ang implikasyon ng political dynasty?
“Negatibo kung ang sasabihin ng isang tao na iboto ninyo ako dahil ganito ang pangalan ko.
“Hindi negatibo kung may K [karapatan] naman yung dinadala mong pangalan, may kakayahan, may puso’t at damdamin doon sa ginagawa niya.”