Kasalukuyang nasa ibang bansa ang award-winning filmmaker na si Brillante Mendoza. Una, sa Israel, para sa isang retrospective screenings ng kanyang mga pelikula. Mula roon ay nagtungong Australia si Brillante, para sa film festival na dito'y kalahok sa main competition ang Lola.
Bago umalis ay nakausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal), last May 20, sa Rockwell Power Plant Cinema 2, kaugnay ng paglulunsad ng ilang infomercials na bahagi ng proyektong "Kapit Bisig Para Sa Ilog Pasig."
Tampok sa infomercials ang ilang maiikling footage na nagpapakita ng kasalukuyang kalagayan ng paligid sa mga lugar na binabaybay ng ilog-Pasig (tulad ng Estero de Paco sa Maynila), at mayroong mga maiikling mensahe ukol dito ang mga kilalang news and entertainment celebrities tulad nina Karen Davila, Kim Atienza, Coco Martin, Zaijan "Santino" Jaranilla, CNN Hero Efren Penaflorida, at mismong si direk Brillante.
May screening din ang Lola (2009), isa sa dalawang premyadong obra ni Mendoza noong isang taon. Napiling ipalabas ang pelikula, na ang malaking bahagi ay kinunan sa lugar na nakalubog sa malaking baha, dahil may kaugnayan ang konsepto at mensahe nito sa advocacy project ukol sa pagsagip sa Ilog Pasig bilang mahalagang environmental concern.
"Ang Lola ay tungkol din sa tubig, in a different way," paliwanag ni Brillante, na siya ring nagsilbing production designer ng pelikula. "In an environment na napaka-vulnerable, everytime there's rain, there's always flood. Water is a basic element in the film. And we're talking about the Pasig river, so maganda siyang i-connect."
Bukod sa ipinalabas na pelikula at mga infomercials na dinirek ni Brillante, kabilang din sa programa ang infomercial na sinulat at dinirek ni Lisa Harney, isang award-winning BBC and Discovery Channel direktor. Na-involve si Ms. Harney sa project, bilang isang environmentalist at heart.
"I'm inspired by environmental projects and believe it's important for people to value their environment. It's healthy for them, healthy for everyone. It's time to give back to nature!" sabi ni Harney sa naturang event.
SEA OF GARBAGE. Si Gina Lopez-Roy, ang managing director ng ABS-CBN Foundation, ang punong nagtataguyod ng proyektong Kapit-Bisig Para Sa Ilog-Pasig. Malaon nang sinimulan ang proyekto, bilang advocacy project din ni dating Unang Ginang, Amelita "Ming" Ramos noong '90s.
"When we started it, I had six million pesos. That was what Ming Ramos gave me," banggit ni Ms. Gina. "In a span of a year, I think we've invested close to P350 to P400 million pesos."
Malaki rin daw ang improvement ng ginagawang paglilinis sa ilog-Pasig, lalo sa mga lugar na ginawa nang tapunan ng mga basura at toxic wastes; a "sea of garbage," simula sa Estero de Paco at karatig-lugar.
"We're doing well. Pinoy, e!" sambit pa ni Ms. Gina.
Sa parte naman ni Direk Brillante, nahikayat daw siyang mag-participate sa proyekto, at maglaan ng tulong sa pamamagitan ng pagdidirek ng infomercials, dahil lubos siyang naniniwala sa layunin ng project.
"Actually, nu'ng una, I wasn't really aware about this project," sabi ni Direk Brillante. "But when she [Gina Lopez] talked to me and gave me a tour, we went to [the affected areas], and I saw na gano'n talaga siya kalala. I believe in the project, so, why not share, di ba?"
Ms. Gina agreed with the award-winning director. "God gave him a gift. I wouldn't ask him for money, I'll ask for his talent."
MENTORING NEW DIRECTORS. Bukod sa pagdidirek ng infomercials, tinanggap din ni Brillante Mendoza ang task na pagte-train ng mga baguhang direktor na boluntaryong nakiisa upang ilaan ang kanilang nalalaman sa paggawa ng documentary film na lalong makakatulong sa paglikha ng kamalayan sa publiko ukol sa proyekto.
Si Direk Brillante ang namuno sa isinagawang tour sa mga estero, at mentoring ng mga bagong direktor, para sa binabalak nilang gawing dokumentaryo.
"Mahaba ang proyektong ito," ani Brillante. "It's gonna be a seven-year project. So kailangan namin ng lahat ng tulong. Kailangan, every now and then, we have to show something to the people, to make them aware that something is going on, what we're doing now and the improvement that are being done, especially about Ilog Pasig."
Kasabay ng infomercial launch ang pagiging jury member sana ni Brillante Mendoza sa nakaraang Cannes International Filmfest (kung saang festival siya nanalong best director, last year, para sa multi-award-winning film niyang Kinatay).
In an earlier interview, naitanong naman kay Direk Brillante ang dahilan ng pagliban niya sa pagiging Cannes Filmfest jury. Obvious na nagkaroon ng conflict sa natanguan niyang pagpunta sa infomercial launch at mentoring activity, at pagiging jury member (sana) ng Cannes Filmfest sa taong ito.
"I also like to be a judge-member of the jury sa Cannes... but... baka sa ibang year na lang. Anyway, nagre-retrospective pa rin ako, in other festivals. Nagdya-judge pa rin ako [in other countries' festivals] kapag free ako."
ON BUHOS (DOWNPOUR). Tinanong din ng PEP si Direk Brillante tungkol sa isa pang proyekto na sangkot din siya, ang Buhos (Downpour) docu-film, na kanyang dinirek, bilang pakikiisa niya sa advocacy on climate change ng tumakbong Vice-President na si Loren Legarda.
Bago mag-eleksiyon naibalita ang pagpapalabas ng documentary, pero, at the last minute, ay hindi muna ito itinuloy upang maiwasan ang usap-usapang gagamitin ni Legarda ang docu-film at ang advocacy sa kanyang kampanya.
"Aalis si Loren. Magbabakasyon," banggit ni Direk Brillante. "Hindi naman apektado ng pagkatalo niya ang climate change advocacy. Actually, ang dami niyang [Loren] gustong gawin. Gusto nga niya, mag-shoot na kami, e. Meron siyang about El Niño, resettlement programs... gusto pa rin niyang tumulong.
"Kahit papa'no, naapektuhan siya [ng pagkatalo sa eleksiyon], pero itong ginawa namin... nu'ng napanood niya, sabi niya, idi-distribute niya sa mga schools. Nagpapa-kopya [cd burn] siya ng mga copies, na ibibigay niya for free sa mga schools, both public and private, elementary and high schools," pag-inform pa rin ni Direk Brillante.