Bihira na ngayong makitang magkakasama ang mga miyembro ng all-male group na Boys R Boys (BRB).
Pero ayon sa isa sa mga miyembro nito na si Alex Castro, hindi pa disbanded ang kanilang grupo.
Sa katunayan, nakita pa ng entertainment media na nag-perform si Alex kasama ang mga kasamahan sa BRB na sina Markki Stroem at Bryan Termulo sa nakaraang Christmas Party na inihanda ng ABS-CBN para sa media noong nakaraang linggo.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Alex kamakailan, sinabi niya na buo pa rin naman ang kanilang grupo kahit hindi na sila masyadong nakakapag-perform sa weekly show na ASAP 2012, kung saan sila unang nakilala.
Ani Alex, “Siguro nag-lie low muna yung group kasi mayroong mga nagpo-promote ng album.
“Siguro nagkaroon na rin ng desisyon ang ASAP—minsan wala, minsan paiba-iba rin ang segment.”
Gayunman, siniguro ni Alex na may komunikasyon pa rin silang magkakagrupo.
“Nagkakausap kami sa text, nagtatawagan kami minsan.
“Kapag may raket naman kasi nagkakasama pa rin kami, e.
“Minsan nakakakuha pa rin kami ng raket na kami ang magkakasama.
“Pero sa amin, walang magkagalit sa amin, lahat kami magkakaibigan.”
GETTING BUSY FOR THE ELECTION. Nabanggit din ni Alex na maaring maging dahilan din ang parating na eleksiyon para hindi makitang magkakasama muli ang mga miyembro ng BRB.
Magiging abala na kasi si Alex sa kanyang pangangampanya para maging vice mayor ng Marilao, Bulacan sa halalan sa susunod na taon.
“Sobrang busy na,” paglalarawan ni Alex.
“Siyempre, may mga projects tayo na binibigay na matagal na nating ginagawa at continuous pa rin. Sa awa naman ng Diyos, maayos ang campaign natin.”
Sa mga hindi nakakaalam, bago naging artista si Alex ay aktibo na siya sa pagiging public servant.
Nag-umpisa siya bilang chairman ng Sangguniang Kabataan sa loob ng limang taon. Nagsilbi naman siya bilang konsehal sa loob ng anim na taon o katumbas ng dalawang termino.
Bagamat maituturing na bata pa pagdating sa pulitika, hindi naman nababahala si Alex sa bagong posisyong kanyang nais na makuha.
Ayon sa 27-year-old actor-politician, “Siguro dahil sa experience natin, siguro ito yung dahilan kung bakit tayo yung napili.
“Kasi, hindi naman ito puwede na ako lang ang may gusto, e.
“Gusto ko pero gusto rin ng mga kababayan ko, gusto rin ng mga kapartido ko, gusto rin ng mga taong nasa likod ko.
“Sa awa ng Diyos, gusto naman ng lahat ng mga taong sumusuporta sa akin.”
Dagdag pa niya, handa na raw siyang gawin ang anumang tungkulin na ginagampanan ng isang vice mayor.
“Ang tagal ko na itong gusto,” sabi ni Alex.
“Siyempre, simula noong nag-umpisa ako, hanggang natapos na rin yung term ng vice mayor namin—yung mayor na ka-tandem [ko ngayon].
“Then, yung mayor namin ang aming adviser.
“Si Mayor, sabi niya, baka gusto ko raw sa position.
"Bilang mapagkatiwalaan ka sa position na ganyan, maganda po para sa akin. Kumbaga, nakakataba po ng loob.
“Ang gusto lang naman talaga namin is mapagpatuloy ang mga nasimulan na naming proyekto.”
NOT LEAVING SHOWBIZ. Bagamat magiging abala na siya sa pulitika, hindi naman naiisip ni Alex na makakaapekto ito sa kanyang showbiz career.
Para sa kanya, tamang time management lang ang kailangan para mabalanse ang oras sa pagitan ng pulitika at showbiz.
Ayon kay Alex, “Siguro kung vice mayor, medyo mababawasan na rin ang pagtanggap ng projects.”
“Marami naman tayong public officials na nag-aartista rin.
“Ang kaibahan ko lang po, ako ay public servant na naging artista.
“So, nakapag-adjust naman na tayo.
“Siyempre, nakita naman nila ang track record ko, na kahit nakapasok na tayo sa showbiz, e, tuluy-tuloy pa rin ang mga proyekto natin para sa taongbayan.”
Nakatulong kaya kay Alex ang pagiging artista sa pagiging pulitiko niya?
“Hindi ko po naiisip na nakatulong. Pero siguro, in a way, mas nakilala ako,” sagot niya.
“Pero ano rin po, e, may part din na disadvantage, kasi kailangan maipakita mo na hindi ka showbiz lang, e.
“Hindi ka sa TV lang nila nakikita, kundi nakikita ka nila as kung sino ka dati.
“So, ‘yon ang naging challenge sa akin.
“Sa awa naman ng Diyos, mas nakikilala na ako as [public servant].”
Sa huli, tinanong ng PEP kung nakikita niya ang sarili na iiwanan ang showbiz para mas makapag-focus sa kanyang political career.
Sagot ni Alex, “Lahat naman po posible. Depende talaga kung ano ang magiging calling mo. Pero for now, focused din talaga ako sa public service.”