Magkahalong kaba at excitement ang nadarama ngayon ni Danielle Castano, 2008 Bb. Pilipinas-World, as she awaits the showing of the historical indie film titled Ang Paglilitis Ni Andres Bonifacio. Ito ay isa sa limang full-length films competing sa Director's Showcase category ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival. Gaganapin ang 6th edition ng Cinemalaya mula July 9-18, 2010, sa Cultural Center of the Philippines (CCP).
Ang pelikula'y mula sa direksiyon ng batikang filmmaker na si Mario O'Hara, na siyang pumili kay Ms. Castano para sa mahalagang papel, bilang Gregoria de Jesus o Oryang, ang tinaguriang "Lakambini ng Katipunan" noong mga huling taon ng ikalabing-siyam na siglo (19th century).
"May halong kaba at excitement, kasi ito yung... 'first' na talagang may role ako," nakangiting banggit ng 20-year-old charmer nang ma-interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kamakailan. Napili ang beauty queen-turned-actress mula sa mahigit 100 Cinemalaya 2010 aspirants. "Kailangan ko talagang i-focus yung sarili ko sa role," sabi pa ni Danielle.
ORYANG. Mabilis ang mga pangyayari mula nang mag-audition at makapasa si Danielle sa CCP. Matapos ang eleksiyon, nagsimula't nagtuluy-tuloy hanggang matapos ang shooting ni Danielle, kasama ang dalawang aktor na gumaganap sa pinaka-pangunahing papel ng kuwento, sina Alfred Vargas bilang si Gat Andres Bonifacio at Lance Raymundo, bilang si Heneral Emilio Aguinaldo.
"Hindi madali ang role; [in fact] sobrang hirap talaga, kasi ang tagal-tagal nang panahon na nangyari ang kuwento," komento rin ni Danielle. "Kailangan kong alamin kung paano si Oryang maglakad, magsalita... kasi iba naman ako. I'm so different from Oryang then..."
Sa aspeto ng personalidad niya, at ng bibigyang-buhay na Binibini, o Lakambini, nagkaroon ng konting pag-aalinlangan si Ms. Danielle, kung magiging epektibo nga ba siya sa gagawin. Paano naitawid ng glamorosa at sopistikadang babae na gampanan ang isang maybahay ng kilalang bayani na nabuhay mahigit isandaang taon na ang nakakalipas?
"Yeah, parang...si Oryang hindi naman gano'n," naisip daw ni Danielle. "Galing kasi si Oryang sa mahirap na family. Very raw siya. Parang ibang-iba ang character. Kaya challenging talaga for me, kasi ito yung first.
"Pero, ever since talaga, pine-pray ko... I always go to auditions 'pag pinapupunta ako. And then, ipinatawag ako for CCP auditions, 'tapos yun, pumunta ako. Nandu'n si Direk Mario O'Hara." And the rest, as they say, is history.
DREAM COME TRUE. Kilala na si Danielle Kirsten Muriel Castano ng mga Pinoy bago pa siya mapapanood sa papel ng isang historical figure na naging kabiyak ng dakilang Supremo ng Katipunan na si Andres Bonifacio.
Noong 2008, si Danielle ang nakoronohang Bb. Pilipinas-World, matapos mag-resign ang unang napiling si Janina San Miguel. Si Danielle ang first-runner up nang taong 'yon, pero dahil sa pagre-resign ng controversial winner, kay Danielle napunta ang pagkakataong kumatawan sa bansa sa Miss World pageant na ginanap sa South Africa.
Kung "dream come true" para kay Ms. Danielle ang pananalo ng korona sa Bb. Pililipinas, gayundin nga ang pagkakapili sa kanya, bilang Gregoria de Jesus sa nasabing pelikula.
"Of course, a dream come true!" masaya ngang lahad pa ni Danielle. "Siyempre, nag-audition ako, nagbunga yung pagod ko, lahat!"
Matapos ang kanyang reign sa Bb. Pilipinas, in 2009, hindi nagtuluy-tuloy ang pagiging fashion and ramp model ni Danielle. Karaniwan na sa mga nananalong beauty queen ang maging modelo, dahil ito ang linya nila. Mayroong nagiging artista sa pelikula, at kabilang dito si Danielle.
"Ang gusto ko po talaga, acting," pagtatapat niya. "Simula po nung bata ako, talagang gusto ko na pong maging artista."
Sa shooting ng Ang Paglilitis Ni Andres Bonifacio, naging magaan ang pagtatrabaho para kay Danielle dahil napaka-supportive daw sa kanya ng kanilang direktor na si Mario O'Hara.
"Mga simpleng advice na binibigay niya sa akin sa set, like, kung may itatanong ako tungkol sa script, or anything, 'wag daw akong magdalawang-isip na lumapit sa kanya, para tanungin siya...'" Kaiba sa mga nakilalang direktor, likas ngang mahinahon at mapagpaumanhin ang beteranong filmmaker.
REPLACEMENT FOR ANGEL LOCSIN. Nang makausap ng PEP si Direk Mario O'Hara noong nagsisimula pa lang siya ng proyekto, nabanggit niya na gusto niya na si Angel Locsin ang gumanap sa papel ni Gregoria de Jesus.
Nang hindi umayon ang pagkakataon para si Angel Locsin ang gumanap sa nasabing papel, si Danielle Castano ang pumalit. Siya man ay personal choice ni O'Hara para maging si Oryang.
Bilang kapalit ni Angel Locsin, sabi ni Danielle, "Tuwang-tuwa po ako. And I'm very happy na napili ako ni Direk, kasi it's once-in-a-lifetime na makatrabaho si Mario O'Hara, dahil kilala siyang filmmaker, na magaling talaga.
"Sa showbiz, hindi naman puro laro and stuff like that," palagay rin ni Danielle. "We have to be focused sa work... and sa script, talagang I had to read the script and, you know, to really understand kung ano yung story. Kailangan isipin ko why I'm doing the role of Gregoria de Jesus; na ako si Gregoria de Jesus."
Conscious si Danielle sa maaaring sabihin ng makakapanood sa kanya. Ang gusto niya, ang maging comment o reaksiyon ng mga tao, kapag napanood siya sa kanyang pagganap ay, "Hindi naman si Danielle yan, e... si Gregoria de Jesus yan!"
"Kasi yan yung para sa role ko," sabi pa niya. "Ang pagganap sa papel ni Gregoria de Jesus ay hindi lang para sa taong manonood, kundi para sa bansa rin."
GOALS AND EXPECTATIONS. Asked kung ano ang kanyang mga ninanais at inaasahan para sa kanyang sinimulang career sa show business, sabi ni Danielle, "Wala akong expectations. Siguro, let's say, katulad ng buhay, merong mga ups and downs, siguro gano'n din. Since I'm just starting, I don't really know.
"Gusto kong umangat sa mga abilities ko," pagtukoy naman ni Ms. Danielle sa kanyang mga layunin, o goals, bilang isang artista. "Na maging successful. Hindi lang kilala ako. Gusto kong magkapangalan."
Ang huling sinabi ni Danielle ay makahulugan. Bagama't kilala na siya ngayon, bilang isang dating beauty queen, nananatili ang kanyang pangalan sa aspetong 'yun, o sa lumipas nang panahon ng kanyang pagre-reyna sa napagwagiang timpalak.
Sa larangan ng sining, nariyan ang mga pagpupunyagi para sa popularidad at kaukulang respeto sa larangan. Ano nga ba ang mas pipiliin ni Danielle (between popularity and fame or critical acclaim)?
"Both," tahasang sabi niya. "Pero, siyempre, if ever mangyari, in the future, na magkaroon ako ng name or anything, dapat matuto pa rin akong makisama sa tao. At kung ano ang pinagsimulan ko, kailangan kong makisama. Kung paano ako nagsimula, ganoon pa rin ako. Na hindi ako magbabago."
Nagsisimula pa lamang si Danielle Castano, pero nais niyang ipaabot na rin ang pasasalamat sa magandang pagkakataong dumating sa buhay niya, bilang artista sa pelikula.
"Nagpapasalamat ako...kay God, na binigyan ako ng ganitong opportunity. Kay Direk Mario O'Hara, sa mga cast, and, sa mga tumulong sa amin sa paggawa ng indie na ito."
Bukod sa pagiging bahagi ng Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio para sa 2010 Cinemalaya, natapos na ring mag-shoot si Danielle ng mga bagong TV commercials na nakatakda pa lang ipalabas.
Gaganapin ang 6th edition ng Cinemalaya mula July 9-18, 2010, sa Cultural Center of the Philippines sa Pasay City.