Huling season na ng Daisy Siete ang Adam Or Eve. Pagkatapos ng pitong taon and 26 seasons ay tuluyang nang namaalam na ang isa sa paboritong panoorin sa GMA Dramarama Sa Hapon.
Pero hindi mawawala ang Sexbomb Dancers sa bakuran ng GMA-7 dahil mapapanood pa rin sila sa bagong reality dance show ng Focus E, Incorporated at ng GMA-7 na Danz Showdown: The Search For The Next Sexbomb Dancer.
Ayon sa namamahala ng Focus E at manager ng Sexbomb Dancers na si Ms. Joy Cancio, isang panibagong programa ito na isu-showcase ang husay sa pagsasayaw ng Sexbomb Dancers, pero this time ay sila na ang uupo bilang mga tagapagturo at huhusgahan ang husay ng mga sasaling contestants.
Nagpapasalamat si Joy na muli silang pinagkatiwalaan ng GMA-7 at nananatili silang Kapuso despite of the rumors na lilipat na raw sila ng ibang TV station.
"Gusto ko lang naman linawin ang mga balitang lumabas na kami raw ay lilipat sa ibang TV station. Ako na ang nagsasabi na wala naman kaming offer para lumipat. Nakakahiya naman sa mga taga-roon dahil baka isipin nila na ginagamit nila ang station nila.
"Ang totoo ay papatapos pa lang ang last season ng Daisy Siete ay nakikipag-meeting na ako for a new show. Ito na nga itong Danz Showdown na isang reality-dance competition kunsaan ang mananalo ay mag-uwi ng premyo na aabot sa P500,000 at magiging miyembro ng Sexbomb Dancers."
In na in nga ngayon ang mga dance-reality shows sa telebisyon kaya bagay na bagay nga ang konspeto na ito sa Sexbomb Dancers.
"Naisip namin na gumawa ng ganitong klaseng dance contest dahil usung-uso sa iba't ibang bansa ang mga dance-reality contests, 'di ba? Tulad nga ng So You Think You Can Dance, America's Best Dance Crew at 'yung Dancing With The Stars.
"Tayo pa namang mga Pinoy, bukod sa hilig nating kumanta, mahilig din tayong sumayaw. And since ang expertise naman talaga ng Sexbomb ay ang pagsasayaw, bakit hindi na lang 'yun ang maging concentration namin. Tapos may mga umalis na nga sa ilang members ng Sexbomb, so tamang-tama lang na may mahanap kaming mga bagong dancers na papasa sa panlasa ng grupo," paliwanag pa ni Joy.
Natutuwa si Joy na magiging isa sa judges ng Danz Showdown ay ang kanyang kapwa dancer and choreographer na si Ms. Maribeth Bichara.
Nakilala si Maribeth na isa sa mga mahusay na dancer-choreographers during the '80s and '90s. Sikat nga noon ang dance group niya na VIP Dancers na parating kasama ni Ms, Vilma Santos sa musical-variety show nito na Vilma!
Si Maribeth din ang madalas na kuning choreographer para sa dance numbers sa mga awards nights at kung anu-ano pang showbiz events.
Hindi naman daw nahirapan si Joy na ma-convince si Maribeth na maging part ng show dahil nais din daw nitong maging bahagi ng isang programa na may kinalaman sa kanyang paboritong gawin, ang pagsasayaw.
"I want to say thank you nga kay Maribeth dahil pumayag siyang to be one of the judges together with Rochelle Pangilinan at ang mga dance showdown masters na sila Aira Bermudez, Sunshine Garcia, Che-Che Tolentino, Sandy Tolentino at Mia Pangyarihan.
"Sinabi nga ni Maribeth sa akin na she is honored to be part of a show na magbibigay importansya sa kanyang passion which is dancing. Aware nga siya na ibang-iba na ang styles ng pagsasayaw ngayon. Kami kasi ni Maribeth, galing kami sa '80s at iba ang pagsasayaw noon unlike ngayon na talagang fusion na siya ng kung anu-anong steps.
"Very open naman kami ni Maribeth sa mga changes sa pagsasayaw ngayon. Inaaral din namin lahat 'yan para alam namin ang mga uso ngayon."
Ang pinaka-goal nga ng Danz Showdown ay ang matulungan ang bawat contestant na maabot ang kanilang mga pangarap.
"During the auditions nga sa iba't ibang lugar, nagugulat ako sa turnout kasi ang dami palang mga girls diyan na ang pangarap ay ang maging isang professional dancer.
"Talento kasi ang pagsasayaw na bigay ng Diyos sa atin. If you have what it takes to be a good dancer, matutulungan namin sila. Pero marami ngang daraanan na mga pagsubok para maabot mo ang pangarap na iyon.
"Tulad nga ng Sexbomb Dancers, hindi overnight ang naging success nila. Maraming hirap na pinagdaanan ang mga 'yan, maraming umiyak sa kanila pero hindi sila nag-give up dahil may mga gusto silang marating.
"Kaya proud ako sa kanila dahil nandoon ang determination na mag-succeed sila sa pinili nilang trabaho. Kahit na may mga pasaway, nandiyan pa rin ako para suportahan sila," ngiti pa ni Joy.
NO BAD BLOOD. Wala ngang sama ng loob si Joy sa ilang dating members ng Sexbomb Dancers na umalis sa kanyang poder. Alam niya na may ibang plano ang mga ito sa kanilang buhay.
"Sa totoo lang, wala akong galit kina Jopay [Paguia], Aifha [Medina], Evette [Pabalan] and the rest sa pagkalas nila sa grupo. Kasi alam ko na may iba silang gustong gawin. Bakit ko naman sila pipigilan, 'di ba?
"Siyempre, hindi mawawala 'yung malulungkot ka kasi nga sa tagal nang pinagsamahan namin, one big family na kami. Alam ko ang mga ugali nila, mga hinaing nila, mga problema nila sa buhay. Naging nanay, tatay, lola at kapatid na ako sa kanila. Kaya hindi maiwasan na malungkot ako kasi may mga umalis.
"On my part naman, I did the best I can para mabigyan ko sila ng trabaho. Walang makakapagsabi na pinabayaan ko sila. Gagawa at gagawa ako ng paraan para may mapagkakitaan sila.
"Kaya sinabi ko naman sa kanila na kung saan sila masaya at kung may gusto pa silang marating, yun ang gawin nila. Hindi ako magiging hadlang sa mga gusto pa nilang pangarapin. I always pray for them na maging successful."
This July na magsisimula ang Danz Showdown: The Search For the Next Sexbomb Dancer. Ang host nito ay ang bad boy of the dance floor na si Mark Herras at Sexbomb Girl Izzy Trazona. Anchor host naman ang model na si Presley Benini.
Bukas ang naturang dance contest para sa mga babae na ang edad ay 15 to 18 years old. Pipili ng 400 hopefuls mula sa nationwide audition nito at mati-trim down ito sa 40 contestants lamang. Out of the forty ay may maiiwan na 5 top contestants. Sa limang matitira, isa ang tatanghalin na grand winner.
Tatakbo for three months ang Danz Showdown at dadaan ang lahat ng mga makakasali sa 5 waves of competition. Mapapanood nga ng marami ang mga mahihirap na challenges na daraanan ng bawat contestant mula sa national pre-selection process hanggang sa final showdown in Manila.
Ang matatanghal na winner ay mag-uuwi ng P250,000 in cash at P250,000 worth of contract with Focus E, Incorporated. Magiging regular member na ang winner ng Sexbomb Dancers at makakasama ito sa mga shows ng grupo sa TV at sa iba't ibang venues tulad ng Klownz at Zirkoh.
