Ang Kambal sa Uma ng ABS-CBN ay hindi lang isang tipikal na melodramang panghapon, pero sa malalim na pag-aanalisa, ito'y tungkol sa kalakasan ng mga babae.
Ginagampanan nina Shaina Magdayao (bilang Vira) at Melissa Ricks (bilang Ella) ang dalawang makabagong female characters. Fraternal twins sila na parehong ipinaglihi ng kanilang ina (ginagampanan ni Rio Locsin) sa adobong daga. Sa kalaunan, ang karaniwang sangkap ng isang teleseryeng kinapapalooban ng pagmamalupit sa kababaihan, mapapanood ang dalawang characters na kahit nagdaranas ng pang-aapi at paghihirap ay parehong hindi sumusuko at patuloy na lumalaban.
Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang creative manager ng ABS-CBN production na ito, si Reggie Amigo, para sa iba pang detalye.
"May kanya-kanyang pains ang dalawang characters," kuwento ni Reggie. "Si Vira (Shaina) rito ay yung tipikal na sosyal, lumaki sa mayaman, pero naging mean girl siya. Ito ay sa dahilang kahit maganda siya at naitatago ang kanyang imperfections, hindi siya tinatratong tao ng kanyang nakagisnang ama (Allan Paule).
"Si Ella (Melissa) naman, hantad ang itsurang daga niya, pero minahal siya ng totoo niyang mga magulang (Rio at Nonie Buencamino). Yung mga tao sa paligid niya ang hindi makatao ang naging trato sa kanya, pero minahal at pinangalagaan siya ng mga taong totoong nagmahal sa kanya."
Ang mahalaga raw sa depictions ng dalawang lead characters, hindi nawala sa mga ito ang pangarap. Sa kabila ng mga kakulangan, patuloy silang hindi nawalan ng pag-asa, na siyang natatanging inspirasyong mapupulot ng mga manonood dito.
Sinasabi ngang ang scope ng Kambal sa Uma ay dadaigin pa ang mga pang-primetime shows ng Kapamilya network.
"As a creative person, ayoko namang limitahan ang isang produksiyon base sa kung anong oras ito mapapanood ng mga tao," sabi pa ni Reggie.
"Kung gagawa rin lang ng kuwento galingan na. Husayan na. Kumbaga, kapag nai-involve ang sinuan sa isang produksiyon, tinatrato niya itong parang anak. Inaalagaan. Kaya give it na lang your best shot. Kahit saan ipalabas 'yan, ikaw pa rin ang lumuluwal niyan kumbaga," patuloy pa ng creative manager.
Pero, ang conscious effort na pagbubuhusan ng atensiyon ng produksiyon ay ang pagkokonsidera sa klase ng mga manonood at oras na maipalalabas ang Kambal sa Uma. Usually, siesta time ito, oras na pupuwedeng laylay kung pababayaan.
"Kaya kailangang may matinding nangyayari, to catch the attention of the viewers," sabi pa ni Reggie. "Laging buhay dapat ang dugo ng mga manonood. Hindi na rin naman magiging mahirap 'yun dahil 'yung kung ano ang vision for a primetime show, ganoon din ang basis namin para sa Kambal sa Uma."
Ang over-all in-charge sa produksiyon nito ay si Rondel Lindayag. Nariyan pa si Deo Endrinal na sa lahat ng aspeto, hindi nawawala ang tutok ng ABS-CBN executive. Si Danica Domingo naman ang head writer. Sina Manny Palo at Reggie del Carmen ang mga direktor ng nasabing produksiyon.
"Subok na ang grupo, at maski sa primetime show na Tayong Dalawa, kami-kami pa rin ang magkakatrabaho," ani Reggie. "Yung mga napagtrabahuan ko, My Girl, Iisa Pa Lamang. Si Danica naman, nasa Palos siya dati, pati yung Saturday superheroes ng Komiks, like Dragonna, etc. Sanay na kami sa isa't isa, pati 'yung pacing ng trabaho."
Ang Kambal sa Uma ay likha ng nobelista sa komiks na si Jim Fernandez. Una itong napanood sa pelikula noong 1979, pinagbidahan ng hottest sexy star noon na si Rio Locsin (who, incidentally, plays the mother of the new 'KSU' lead characters).
"Marami nang bago sa istorya. Kailangang baguhin ang maraming aspects dahil pahahabain ito. Teleserye na ito kaya marami nang additional characters, iba't ibang chapters," sabi pa ni Reggie.
Sa original, dual role ang ginagampanan ni Rio. Contemporary na ang bagong version sa TV. Fraternal twins na ang lead characters.
"Kung mapapanood ang unang version, namatay ang ina rito nang isilang ang kambal. Dito sa TV version, nabuhay pa siya nang matagal at aabot siya hanggang sa paglaki ng mga anak niya.
"Mayroon ding binago mula sa komiks version yung original movie version. Sa pelikula nga, may pagka-sexy na ang depiction. Dito sa TV remake, hindi kami magpo-focus sa kaseksihan ng dalawang lead characters, na kung tutuusin, puwede naman. Pero, hindi namin na-play up na ganoon. Wholesome pa rin talaga," giit ni Reggie.