Balik-showbiz ang dating child star na si Isabella de Leon, na mas nakilala bilang si Duday sa GMA-7 sitcom na Daddy DiDoDu noong 2002.
Pero this time, sa kanyang pagdadalaga, mas gusto na niyang makilala sa mundo ng musika at bilang si Isabelle de Leon.
Ayon kay Isabelle, nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), bata pa lang siya nang huminto siya sa pag-aartista.
“Bale twelve years old ako nag-stop sa pag-arte, bale tinapos ko muna yung pag-aaral ko sa high school.
“Nag-aral ako ng four years sa high school.
“Dumaan kasi noon sa awkward stage from child star, medyo tumumal yung trabaho, kaya mas nag-concentrate na lang ako sa pag aaral.
“Doon ako nagkaroon ng chance na makipag-socialize. Kasi dati, sunud-sunod yung trabaho, walang time na makipagkaibigan.
“Pero noong nahinto ako pansamantala sa showbiz, doon ako nagkaroon ng chance magkaroon ng maraming kaibigan at barkada at mamuhay nang normal life.
“Good barkada, hindi yung wild—maayos na mga kaibigan.
“At doon din ako natuto ng iba’t ibang musical instrument, kagaya ng gitara at drums.
“At dahil nga sa hilig ko sa pagkanta at sa aking mga composition, kinuha ako ng Polyeast Records para mag-record ng album.”
RECORDING ARTIST. Katunayan, malapit nang i-release ang self-titled album niyang Isabelle de Leon LoveZone.
Mayroon daw siyang six original songs dito, na ang carrier single ay ang “One Week To Move On.”
Ang iba pang mga kanta sa album ay: “Feelingero,” “Alice Wonders,” “Pag Ibig Ko’y Sa ‘Yo,” “Sa Yakap Mo,” at “Friend Zone.”
Paano niya na-realize na mayroon siyang inclination for music?
Pagmamalaki ni Isabelle, “Dahil nakasulat akong twenty-five original compositions.
“Tsaka noong bata pa ako mahilig akong kumanta, sumusulat ako ng kanta at melody.
“Pero ngayon ko lang talaga na-realize na I can compose songs na ako din ang kakanta.”
NEW FOCUS. Pero during that time ba ay hindi niya na-miss ang pag-arte?
Sabi ni Isabelle, “Na-miss ko din naman, kasi iyon yung lagi kong ginagawa.
“Pero okay din kasi marami rin naman akong nagawa noong nag-stop ako pansamantala.
“Like nakapag-focus ako sa studies, mas nagka-time ako mag-compose ng kanta at mas matutong umawit.”
Pero gusto pa rin ba niyang balikan ang pag-arte?
“Kung meron akong chance na umarte ulit at may magtitiwala, why not, di ba?
“Kasi, yun naman talaga yung ginagawa ko simula pa nang bata ako.
“Hilig ko talaga ang pag-arte at kinalakihan ko na ito. Gusto ko yung mga role na challenging, kagaya noong Tanikala at Tinig.
“First time kong ma-rape... basta yung mga challenging role.
“Not necessarily na ma-rape ulit, basta matsa-challenge ako.”
Mas gusto ba niyang mag-focus sa singing more than acting?
“Depende yun sa management ko, kung ano yung gusto nila para sa akin—kung ano yung desisyon nila.
“Pero ako naman, both acting and music, parehong mahal na mahal ko… pareho ko kasi silang gustung-gustong gawin.
“Yun nga lang, mas nakilala kasi ako noong bata na umaarte.
"Kaya this time, gusto ko makilala ako na umaawit—ito bale yung other side ko.
“Hopefully sana, maka-penetrate din ako sa singing katulad ng acting, kasi gustung-gusto ko rin kasing kumanta.”
SONG GENRE. Anong tipo ng mga kanta ang gusto niyang awitin?
Tugon naman niya, “Siguro yung mga songs na nagbibigay saya at inspirasyon—mga kanta kung saan makaka-relate yung mga tao."
Sa anong genre ba gusto ni Isabelle makilala sa industriya ng musika?
“Pop-rock or alternative,” mabilis niyang sagot.
Sino ang iniidolo niyang singer?
“Marami akong musical influences katulad ni Bob Dylan, Beatles, Katy Perry, U2, Coldplay.”
Kung bibigyan siya ng pagkakataong may maka-duet na artist, sino ang gusto niya at bakit?
“Si Bamboo!
“Kasi, magaling siyang musician, songwriter, at performer—at higit sa lahat cute siya!” kinikilig na pahayag ni Isabelle.
ACTING PROJECTS. Bukod sa album niya, ano pa ang kanyang upcoming projects?
“Sabi sa akin kasama daw ako sa Maria Mercedes ng ABS-CBN, bale yun yung new soap nila, isa ako sa lead.”
Sinu-sino ang makakasama niya?
“Ang alam ko, sina Yen Santos, Jessy Mendiola, Jason Abalos, at iba pa.”
Ngayong teenager na si Isabelle, sino ang gusto niyang makapareha?
“Kung sa GMA-7 si Richard Gutierrez… grabe, kasi guwapo, hunk at magaling umarte!
“Sa ABS naman si Coco Martin, magaling na actor at guwapo din.”