Mula sa Kim Komatsu ay makilala na ngayon bilang Kim Rodriguez ang bida ng upcoming afternoon soap ng GMA-7 na Kakambal Ni Eliana.
Ano ang dahilan ng pagpapalit ng kanyang screen name?
Sabi ni Kim, “A, yung una po, medyo mahirap. Nakakalito po.
"Kasi yung una po, hindi ko alam na napalitan na siya.
“Noong nag-guest po ako sa StarTalk noon bilang Kim Komatsu, nagulat po ako na Kim Rodriguez na po ako.”
Ang GMA-7 na raw mismo ang nagdesisyon na gawin siyang Kim Rodriguez.
“Pero ang Rodriguez naman po, e. Mas okay, kasi po apelyido po siya ng lola ko,” sabi ni Kim sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng Kakambal Ni Eliana kagabi, April 11, sa 17th floor ng GMA Network Center.
TRIBUTE TO LOLA. Mas nagustuhan raw niya ang pangalan ngayon dahil mahal na mahal niya ang kanyang lola.
“Bilang throwback ko na rin po sa pagmamahal ng lola ko sa akin, kasi yung lola ko po ang nagpalaki sa akin.”
Nagsilbing tribute raw niya sa kanyang namayapang lola ang kanyang screen name ngayon.
“Simula po kasi noong bata ako, nagtrabaho po yung mama ko sa ibang bansa, tapos naiwan na po ako sa lola ko.
“Tapos simula bata po ako, lola ko ang nag-alaga sa akin.
“Kaso nga lang, noong na-stroke na siya, ako na nag-aalaga sa kanya.”
Noong 2009 namayapa ang lola ni Kim sa edad na 73.
Hindi nakauwi ang ina ni Kim nang sumakabilang-buhay ang lola niya.
“Sa trabaho po niya, hindi po siya pinapauwi. Pag uuwi daw po siya, mawawalan siya ng trabaho.”
Kaya in a way ay malungkot si Kim dahil wala na ang lola niya ngayong isa na siyang ganap na Kapuso leading lady.
“Pero alam ko po na nasaan man siya ngayon, nakikita niya ako,” at dito na nagsimulang mapaluha si Kim.
“Yung una pa lang, noong una ko lang po nalaman na ako ang lead dito [Kakambal ni Eliana], nagsimba po ako agad.
“Tapos, nagpunta po ako agad sa puntod ng lola ko.
“Nagpasalamat po ako kasi alam kong siya ang dahilan kung bakit sinusuwerte ako ngayon.
“Naniniwala po ako doon.
“At saka ako po yung paboritong apo ng lola ko.”
Kuwento pa ni Kim, “Tuwing masaya siya, kapag nakikita niya kaming mga apo niya, naluluha siya, naiiyak po siya.
“Tapos, ano po, i-share ko lang po, ha?
“Kasi po dati po, 'Nanay' po ang tawag ko sa kanya, tatanungin ko siya, ‘Nanay, ano gusto mo? Ibibili kita.’
“Gusto daw niya ng prutas. Ibibili ko siya, paborito niya yung saging, ibibili ko siya.
“Tapos, parang nakakalimutan na po niya yung mga pangalan namin.”
Sa loob ng halos labing-apat na taon ay ang lola raw niya ang nag-alaga sa kanya.
“Opo. Parehas po kaming nag-alaga sa sarili, ano... noong na-stroke kasi siya, naka-wheelchair na siya, e.
“Ilang beses na rin po kasi siyang na-stroke, e, mga apat.
“Unang na-stroke siya, bata pa po ako, pero yung malala po, yung naospital na po siya.
“Yung ako na ang nagpapalit ng diaper niya,” at muling umiyak si Kim habang kausap namin.
BREAKING THE NEWS. Nang nalaman niyang siya ang bida sa Kakambal ni Eliana, kinausap daw ni Kim ang lola niya sa puntod nito.
Nang tanungin namin kung ano ang sinabi niya sa lola, bago nakasagot ay muling umiyak si Kim sa harap namin.
Paumanhin niya, “Nakakahiya po, pasensiya na po, naiiyak talaga ako.
“Kinausap ko po talaga siya, sabi ko, ‘Nanay, alam ko ikaw po ang dahilan kung bakit ako ganito.’
“’Kung andito ka sana, masaya ka sana, kaso nga lang...’” at lalong umiyak si Kim habang nagsasalita.
“Pero masaya naman po ang lola ko doon, e. Hindi na po siya nahihirapan.
“Kasi ano po, e, siya na po yung parang nanay at tatay ko, e, kaya noong...” at muling napaiyak si Kim.
“Naaalala ko lang po kasi siya, e.
“Close po talaga ako sa lola ko kasi ang mama ko po simula noong umalis siya, hindi ko na po siya nakasama, e.”
JAPANESE CONNECTION. Bata pa lang daw si Kim nang nagtrabaho sa Japan ang ina niya at ang Komatsu ay apelyido ng stepfather niyang Japanese.
“Three years old po ako noon,” sabi ng 17-year-old actress.
Nasa ibang bansa pa rin ang ina ni Kim ngayon.
“Kasama po niya yung kapatid ko. Pero umuwi po siya noong birthday ko last year.”
Wala namang ideya si Kim kung nasaan ang biological father niyang Pilipino.
Balita ni Kim ay may sarili na ring pamilya ang kanyang tunay na ama.
“Nakilala ko po siya. Dati po kasi, takot ako sa kanya. Takot po ako sa kanya, kasi lumaki akong ni hindi ko siya kasama, e.
“Yung lola ko po, galit sa kanya kasi, ano... lumaki ako na, ‘Hindi ninyo man lang…’”
FAMILY AFFAIR. Ang ina naman ni Kim at ang Japanese stepfather niya, kasama ang isa pa niyang kapatid, ay sa Japan naninirahan.
Ang isa niyang tiyo na kapatid ng ina niya ang nagsisilbing guardian ni Kim dito sa Pilipinas.
At ngayong maganda ang takbo ng career ni Kim at kumikita na, balak daw niyang pauwiin na sa bansa ang kanyang ina.
“Opo. Pag nakaipon na po talaga ako, ang una kong gagawin, papauwiin ko po yung mama ko.
“Para hindi na po siya magtrabaho doon at saka nahihirapan na po kasi ang mama ko, tumatanda na, e.”
Nagtatrabaho naman daw ang stepfather niya.
“Kaso hindi ko po siya nakakausap kasi hindi po kami magkaintindihan.”
Marunong naman daw mag-Japanese si Kim, “Pero kaunti lang po.”
