Bilang pagsalubong sa kanyang pagbabalik sa ABS-CBN, isang one-on-one live interview ang ginawa para kay Alex Gonzaga sa The Buzz kahapon, April 21.
Ang mismong kapatid niya at isa sa mga host ng programa na si Toni Gonzaga ang nag-interview kay Alex.
Pero bago ang interview, ipinakita muna sa VTR ang pagbati sa kanya ng ilan sa Kapamilya stars tulad nina Piolo Pascual, Gerald Anderson, Enchong Dee, Kathryn Bernardo, Rayver Cruz, at Jericho Rosales.
Pagkatapos nito ay nagpasalamat si Alex sa mga nag-welcome sa kanya sa pagbabalik niya sa ABS-CBN.
“Gusto ko munang magpasalamat kasi, sabi nila sa akin, sino raw yung mga kaibigan ko.
"Friend ko pala si Piolo. Magkaibigan pala kami!” natatawang sabi niya.
Dagdag ni Alex, “Thank you kay Jericho, kay Kathryn kahit hindi ko pa sila nami-meet.
"Kay Gerald, kay Enchong, kay Rayver... doon sa pag-welcome.”
BALIK-KAPAMILYA. Ano ang nararamdaman ni Alex na nakabalik na siya sa orihinal niyang network? Biro pa ni Toni, dapat daw ay magpasalamat sa kanya ang kapatid dahil pumayag siyang bumalik ito.
Hirit naman ni Alex kay Toni, “Agad?
“Basta gusto ko munang magpasalamat na nakabalik ako ng Kapamilya network.
"Gusto ko munang magpasalamat kina Ma’am Charo [Santos]. O, nagpasalamat talaga ako.
"Kay Ma’am Cory [Vidanes], kay Direk Lauren [Dyogi], kay Mr. M [Johnny Manahan], Ms. Mariole [Alberto] kasi Star Magic na ako ngayon.
“Kay Mommy Pinty [Alex's mom], siya ang mga ganyan.
"At saka sa ‘yo na rin. Napilitan?” biro pa niya sa kapatid.
Sabi ni Toni, marami raw siyang itatanong dito.
“Oo nga, e, and to answer your question…” sagot naman ni Alex.
Pero ayon kay Toni, wala pa siyang tanong.
Hirit ni Alex, “A, wala pa ba? Yun ang kulang sa ‘yo.
"Napapansin ko kasi kapag nanonood ako ng The Buzz, kulang siya ng mga sundot sa question, medyo mahina, mabagal. Bumabagal.”
Kunwari namang nag-react si Toni sa sinabi ng kapatid kaya nagbanta itong mabigat agad ang una niyang tanong.
Bakit ba talaga siya lumipat?
Sagot ni Alex, “Prepared ako. Ano ba ang gusto mo, Ate, yung showbiz na sagot? Wow! O yung honest?”
Siyempre, yung honest na sagot.
Pero patuloy na pagbibiro ni Alex, “O, sige, yung honest na sagot, ang alam ko kasi, bali-balita ko, ano raw kasi, parang may papalitan daw yata ako.
"Kasi, sa pagkakaalam ko, parang nangangalawang na rin ang performance niya, kumbaga hindi na rin nakaka-deliver.
“So, parang tinatawag siyang multi-media something.”
Natatawa naman si Toni sa hirit ng kapatid kaya sabi nito, “Hindi nga! Ako ang papalitan mo?”
“Threatened?” biro naman ni Alex sa kapatid at co-host ng The Buzz.
Ano naman ang showbiz na sagot niya?
“Gusto kasi kitang makita!” natatawang sagot naman ni Alex.
Sinabihan ni Toni ang kapatid ng “sira-ulo” at sabihin na niya ang totoong sagot.
Ayon kay Alex, “E, siyempre, alam mo naman kung bakit. Personal. Wow! Ite-text ko na lang sa ‘yo ang sagot.”
Sabi naman ni Toni, bakit pa raw ito nag-guest kung ite-text lang ang sagot.
Buwelta naman ni Alex, “E, di i-Instagram mo na lang ang sagot ko.”
KAPAMILYA SHOWS. Bukod sa The Voice, kung saan magkasama sila ni Toni, ano pa ang magiging programa ni Alex sa ABS-CBN?
“Siyempre, masayang-masaya ako dahil part na ako ng The Voice, pero co-host lang naman kami.
"Doon kami sa backstage ni Robi [Domingo].
“Tapos, Banana Nite every day..."
Kinorek naman ni Toni ang kapatid na "every night" yun, kaya nga raw Banana Nite, hindi every day.
Pero sinagot pa rin ito ni Alex nang natatawa: “Ganyan ka ba sa mga guest mo? Kaya pala gusto ka na nilang palitan.
"At saka ano, sabi parang may isang acting na trabaho. Pero di ko pa alam kung kailan.”
Isa raw sa mga nag-welcome kay Alex sa VTR ang makakasama nito sa gagawing teleserye.
Tinanong din ni Toni ang kapatid kung sinu-sino ang gusto nitong makatrabaho sa Kapamilya network.
Ayon kay Alex, “Siyempre lahat, gusto kong makatrabaho.
"Kasi, noong bata pa lang ako, pinapanood ko na ang ABS kaya kahit sino po ang makatrabaho ko, okay sa akin.
"Yun nga, katulad dito sa The Buzz, part na ko.”
Kinorek naman ito ni Toni at sinabing hindi raw siya part ng The Buzz kundi guest lang.
Sabi naman ni Alex, “Sobrang... okay, on national TV, ide-decline ko ang offer sa akin. Hindi kita papalitan!”
SIBLING RIVALRY. Open daw sa lahat si Alex. Open din ba siyang makatrabaho ang kapatid?
“Hindi ko masabi,” biro niya.
“Siyempre, oo naman. Gusto kitang makatrabaho. Kasi, parang mas masungit ka pa sa EP [executive producer]!” biro pa rin niya.
Tinanong naman na nang seryoso ni Toni si Alex na once and for all daw ay sagutin na nito ang isyu ng “sibling rivalry” sa kanilang dalawa.
Madalas daw kasing masabi na pareho sila ng ginagawa.
Pero ayon kay Toni, personally siya raw ay walang nararamdamang sibling rivalry sa kanila dahil magkasama sila sa bahay at lahat ng meron siya ay puwede niyang ibigay nang buong-buo kay Alex.
Sabi naman ni Alex, “Personally, tingin ko meron. Kinu-control lang!”
Natatawang winarningan ni Toni si Alex na umayos daw ito ng sagot at sino raw ang nagko-kontrol?
Sagot naman ni Alex, “Si Mommy Pinty, kinu-control niya.”
Pero seryoso rin niyang sagot, “Hindi, wala, walang sibling rivalry.
"Kasi, ako nga, ang laki ng utang na loob ko sa ‘yo.
"Kasi, hindi naman ako makakapasok dito sa showbiz kung hindi dahil sa ‘yo. Parang pinadali mo sa akin ang pagpasok ko rito.
“At saka, alam naman ng marami na very generous ka, never kang nagdamot. Palagi mong sine-share yung kung ano ang meron ka.
"Kung magkaka-sibling rivalry, siguro kapag nagkaroon pa ng kapatid na isa.
“Doon magkakaroon ng sibling rivalry, sa atensiyon mo.”
Ano ang maio-offer ni Alex sa manonood na hindi pa na-offer ni Toni?
Sagot niya, “Siguro naiisip ko lang, lahat involved numero, e.
"Yung puwede kong i-offer na hindi mo kayang i-offer, siyempre, una, edad.
"Alam naman natin na may edad ka na rin. Aminin na natin 'yan.”
Nag-react naman si Toni na "late twenties" pa lang siya.
Pero diin ni Alex, “Late.”
Ano pa bukod sa age?
Biro ulit ni Alex, “Nagpu-project ka naman na matalino ka. So, alam mo naman ang kasabihan na papunta pa lang ako, pauwi ka na.
"So, fresh, youth, at yung pinakaimportante at sa tingin ko talaga, pinakatotoo, tingin ko talaga, ito talaga ang maio-offer ko—presyo.
“Mas mababa ang T.F. [talent fee] ko sa ‘yo. Totoo yun.
"So, mga produ, flexible po ang rate natin. Kung hindi po pasok sa budget si Toni, puwede po ako.”
Winarningan ulit ni Toni ang kapatid na seryoso na raw talaga.
WALANG UTANG NA LOOB? May mga isyu raw kasi ngayon na sinasabing "walang utang na loob" si Alex at marami ang nagba-bash dito at nagagalit, na wala na silang tiwala sa kanya.
Ano ang masasabi ni Alex dito?
“Ano kasi, ngayon, sobrang saya ko, Ate.
"Alam mo naman, kapag umuuwi ako sa bahay, ang saya-saya ko talaga, kasi nga nakabalik ako sa ABS.
"Parang ayoko munang agawin nila saya ko, kaya hindi ko muna sila iniisip.
“Ayokong nakawin muna nila ang saya ko kasi masayang-masaya ako na may mga bagong opportunities na paparating sa buhay ko.
"So, sa mga hindi nagtitiwala sa akin, magtiwala na lang po kayo.
“Parang ayoko munang isipin.”
Anoang natutunan nito sa lahat ng mga nangyari?
Sagot ni Alex, “Siguro, yung natutunan ko talaga is ano, you can’t please everybody and nothing’s permanent talaga rito sa mundo.
"Yung mga kasama mo ngayon, puwedeng kinabukasan, puwedeng hindi na sila ang makasama mo.
“So, ang permanent lang talaga sa mundo ay ang pagmamahal at ang suporta ng mga tunay mong kapamilya. Katulad mo, nila Mommy.”
MESSAGE FOR TONI. Tinanong naman ni Toni si Alex kung gusto raw nitong magbigay ng mensahe sa kanya.
Kaya hiniritan ito ni Alex na, “Sige, pinipilit mo, e.”
At saka tinanong ni Alex si Toni kung ano ang naramdaman nito nang malaman na lilipat na siya, at kung threatened daw ba ito?
Sabi naman ni Toni, “Ako naman, palagi kong sinasabi na I’m very happy na makakasama na kita at mabibigyan tayo ng chance na magkatrabaho sa iisang network na ‘to.
"At palagi ko namang sinasabi sa ‘yo na not always put your faith on people. Always put your faith on God.
“The people who used to defend you, who used to praise you, will also be the same people who will hate you, bash you, and who will say negative things about you.
"So, I always tell you that na yung faith mo, palaging kay God at sa pamilya mo, huwag mong iwawala 'yan. Advice 101 'yan.
"Biruin mo, na-advise-an kita sa TV.”
Ano raw ang meron si Alex na wala si Toni bilang nasa Kapamilya network na siya?
“O sige, sabihin na lang natin kung anong meron ka na wala ako!” natatawang sagot ni Alex.
Pumayag naman si Toni at halatang nagulat ito at napatayo at pinaghahatak ang kapatid nang isagot ni Alex na: “Panga.”
Yun daw ang meron ang ate niya na wala siya kahit anong contour ang gawin niya.
Hirit naman ni Toni, trademark na niya ang kanyang panga.
Seryosong sagot naman ni Alex, “Siyempre, maraming meron ka naman na wala ako.”
Marami naman ang gustong makaalam kung single ba si Alex ngayon. Kaya itinanong na rin ito ni Toni sa kapatid.
Umoo lang si Alex at si Toni na ang nagsabing single nga ang kapatid.
Advice pa nito sa nakababatang, mag-focus lang sa trabaho bilang bago pa lang itong Kapamilya muli.
