Naging memorable kay Miles Ocampo ang nakaraang primetime series niyang Kailangan Ko’y Ikaw dahil nagkaroon siya ng pagkakataon na makilala ang Queen of All Media na si Kris Aquino, isa sa mga co-star niya sa teleserye.
Kuwento ni Miles sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), dati raw talaga ay intimidated siya kay Kris bago sila naging malapit sa isa’t isa.
“Hindi po kasi ako makaarte dati. Noong mga first episode ng KKI, maldita ako sa kanya.
“Ang kapal-kapal ng makeup ko, pinapatanggal niya sa eksena. Hindi ako makaarte, nanginginig ako.
“Siyempre, Ms. Kris Aquino yun, so napapanood mo lang siya sa TV, mga commercials. Tapos nakatrabaho mo siya at nanay mo pa siya [sa teleserye].
“Kapag sinusungitan ko siya sa eksena, pagka-cut, sasabihin niya, ‘I hate you, you’re so sungit to me.’
“Joke lang niya yun, pero parang hala, kinakabahan ka talaga!
"Noong tumagal na, super close na kami.
“Si Tita Kris po kasi, kukuwentuhan ka niya, mawawala na ang ilang mo sa kanya.
“Super chika-galore lang kami. Mahilig siyang mag-text, tweet po.”
Isa raw si Miles sa nalungkot nang ianunsiyo ni Kris na magku-quit na siya sa showbiz.
Sabi niya, “Nagulat talaga ako. Parang tinext ko siya na, ‘Nay, what happened? Okay ka lang ba?’
“Tapos, nag-reply siya na, ‘Oo, Ate, I’m okay lang.’
“Pero ngayon, parang magli-leave na lang siya muna, so siyempre masaya ako na may chance pa rin na makakatrabaho ko po siya.”
EXTENDED SEASON. Kasama rin ni Miles sa Kailangan Ko’y Ikaw ang ka-loveteam niya sa LUV U na si Marco Gumabao.
Kumusta na ba silang dalawa ngayon?
Tugon niya, “Okay naman po kami, kumportable na po kami sa isa’t isa talaga.
“At saka, nagtutulungan naman po kami kaya nagwo-work talaga. Concerned kami sa isa’t isa kaya maayos po.”
Si Marco ba talaga ang gusto niyang maging ka-loveteam nang tuluy-tuloy o mayroon siyang naiisip na iba pa?
Sabi ni Miles, “Sa ngayon po, wala naman po akong naiisip na ibang ka-loveteam.
“Kasi, okay naman po kami ni Marco… nagwo-work naman po ang LUV U. Tapos, extended pa po kami.
“Kasi, Season 5 na po ang LUV U, tapos mag-e-extend pa po kami.
"Wala pa silang sinasabi kung kailan kami matatapos, kaya go lang kami nang go forever,” masayang sabi niya.
Magka-college na raw sila pagpasok ng June kaya may mga bagong karakter na papasok sa kanilang youth-oriented program.
BEST FRIEND KATHRYN. Madalas nakikita sa Instagram posts ni Miles na kasama niya si Kathryn Bernardo.
Best friend daw talaga silang dalawa kahit noon pa sa Goin’ Bulilit.
Close din daw si Miles kay Julia pero dahil siguro sa mas magkalapit ang edad nila ni Kathryn kaya parang sila talaga ang mag-best friend. Si Julia naman daw ay parang ate nila.
Sabi ni Miles, “Actually, ang maganda po sa amin, kaming tatlo, napanood namin ang isa’t isa, nagsasabihan kami ng comment.
“Nakakampante kami kapag narinig namin ang comment ng isa’t isa… nagtutulungan po kaming talaga.”
Walang inggit sa kanya kapag nakikita niya si Kathryn na malayo na ang nararating sa showbiz?
“Wala po, wala po talaga,” mabilis na sagot ni Miles.
“Palagi po kasi kaming nag-uusap ni Kathryn, halimbawa may ipapakita siya sa akin, sasabihin niya, ‘Hindi kita iniinggit, nae-excite lang talaga ako.’”
Sa palagay niya, walang makakasira sa friendship nila?
“Wala po talaga. Kasi, magkaibigan po talaga kami.
“Like kung magpo-post ako sa Instagram, sasabihin niya, ‘Palitan mo ang outfit mo, hindi maganda.’
“Nagte-text-an po kami ng ganoon. At saka, sa amin kasi, kapag may sked kami, nagsasabihan kami sa isa’t isa.
“So, sa akin po, yun ang way na hindi kami nag-iinggitan.
"Masaya kami na nakukuwento namin sa isa’t isa kung ano ang nangyayari sa amin."
Kaka-graduate lang ni Miles ng high school pero may usapan daw sila ni Kathryn na sabay papasok sa college.
Hinihintay raw niyang matapos ang modules nito sa home schooling at plano nilang pumasok sa parehong eskuwelahan at pareho ring kurso ang kukunin nila.
DEBUT PLANS. Simple lang ipinagdiwang ni Miles ang kanyang16th birthday noong May 1.
Hindi itinanggi ni Miles na nae-excite na siya kapag sumasagi sa isipan niya na sa loob ng dalawang taon, magiging ganap na siyang dalaga at magdiriwang na rin ng kanyang debut.
Sabi niya, “Actually po kasi, tuwing birthday ko, madalas nagdi-dinner lang kami with Tita Lorna Tolentino, Tito Pipo [Tirso Cruz III].
“Kasi, parang mga tatay-tatayan, nanay-nanayan ko na po sila. Siguro, mga three years na pong ganoon.
“Nag-start po yun noong makatrabaho ko [si Tita Lorna] sa Sa ‘Yo Lamang, then si Tito Pipo noong mag-MMK [Maalaala Mo Kaya] kami, tapos hanggang ngayon.
“Kasi po, kapag may mga party ang Mortiz, yung Legends, yung grupo nila, parang palagi po akong nandoon.
“Kasi, parang naging anak-anakan na rin nila ako. Pati si Direk Laurice [Guillen] po."
Dugtong pa niya, “Hindi naman po ako pala-party. Gusto ko lang dinner with friends.
“Pero ngayong debut ko po, parang… kasi po, nitong nakaraan, parang ang dami kong…
“Nai-imagine ko na kung ano ang mangyayari sa debut ko, nae-excite ako. Pero wala po, wala pa po akong idea.
“Gumagawa pa lang ako ng guesting!
“Pero alam ninyo po, iniisip ko rin kung magde-debut ba ako o mag-a-out of the country kasi parang ang saya rin noon, mag-e-explore ka.”
