Nagkaroon kamakailan ang Lifestyle Network ng contest upang hanaping ang Star Chef na karapat-dapat na magkaroon ng sariling cooking show.
Anim ang nagtunggali para sa paligsahan sa larangan ng pagluluto. Dalawa sa anim na ito ang napili para maglaban sa Grand Finale ng Star Chef Search, na ginanap sa Rockwell Tent sa Makati noong ika-30 ng Nobyembre 2010. Ito ay sina restaurateur Portia Baluyut at culinary instructor na si Sharwin Tee.
Matapos ang dalawang araw na live "booking demo" at isang buwang online voting para sa Clash of the Toque-en Ones, sina Portia at Sherwin ang nagpakitang gilas sa mga Chef Judges na sina Myrna Segismundo, David Pardo de Ayala, Jill Sandique, Jessie Sincioco. Kasama rin sa hurado ang mga executives ng ABS-CBN Creative Program Inc., na sina Macie Imperial at March Ventosa.
Matindi ang naganap na paligsahan sa pagluluto, dahil binigyan ng dalawang pangunahing sangkap ang sina Portia at Sharwin na kanilang gagamitin para sa kanilang pagluluto. Walang alam ang dalawa kung ano ang sangkap na ito kaya hindi nila napaghandaan kung ano ang kanilang lulutuin.
Ang dalawang sangkap na ito ay ang niyog at manggang hinog na alam naman nating dalawa sa mga sikat na pagkain ng Pilipinas. Ang niyog ang gagamitin nila na pangunahing sangkap para sa kanilang main course at hinog na mangga naman para sa kanilang ihahandang panghimagas (dessert). Binigyan ang bawat isa ng tig isang oras para lutuin ang kanilang "specialty" kasama ang kanilang assistant cook upang tumulong sa kanila sa paghahanda at pagluluto.
Makikitang cool na cool sina Portia at Sharwin sa kanilang pagluluto habang ino obserbahan sila ng mga hurado. Inihanda ni Sharwin ang kilalang kilala na specialty mula sa Bicol na laing na binalot sa kanyang ginawang pasta wrapper at nilagyan ng pritong hipon sa ibabaw nito. Sa kanyang panghimagas naman, inihanda ni Sharwin ang sikat na sikat ng specialty ng Antipolo na suman at mangga sa kakaibang presentasyon nito.
Niluto naman ni Portia ang pritong tilapia na ipinatong sa kanin at nilagyan ng kaunting ginataang sarsa. At sa tabi ng kanin na ito ay ang ginawang ensalada ni Portia. Sa panghimagas naman ni Portia, ihihanda nya ang tinawag nyang sumang hubad na pinirito nya na may breading at pinatungan nya ng hiniwa-hiwang pahabang hinog na mangga.
Parehong maganda ang presentasyon ng dalawa ngunit di magkakatalo sa presentasyon ngunit sa lasa ng kanilang niluto. Kaya nang litisin na nang mga hurado ang kanilang niluto, makikita mas marami at magagandang komento sa niluto ni Sharwin kaysa kay Portia.
Ang isang komento ng mga hurado tungkol sa ginawa ni Portia ay ang main ingredient dapat ng niluto niya ay niyog ngunit ang lumabas na main ingredient nya ay pritong tilapia na nilagyan lang nang kaunting sarsang gata. Kumpara kay Sharwin na laing ang kanyang inihandang ulam na alam naman nating gata ng niyog ang ginamit na pampalasa para sa laing na ito.
Matapos ang paligsahan sa pagluluto nina Portia at Sharwin, tiningnan naman ng mga judges ang galing sa pagiging cooking show host ng dalawa. Nag imbita ng dalawang sikat na Celebrity ang Lifestyle Network upang maging guest ng dalawa. Kausap nina Portia at Sharwin ang kani-kanilang celebrity guests habang niluluto ang kanilang specialty dish.
Si Phoemela Baranda na dating Star Patroller ng TV Patrol ang Celebrity guest ni Sharwin. Aliw na aliw ang mga manunuod sa pagiging komedyante ni Sharwin kasama si Phoemela habang niluluto ang inihaw na talong, kamatis at sibuyas. Makikita namang nag e-enjoy si Phoemela sa mga biro ni Sharwin.
Hindi naman nagpatalo sa pagiging magaling na host si Portia kasama ang kanyang celebrity guest na si Rovilson Fernandez, na isang TV host ng Q Channel 11 at former contestant ng Amazing Race Asia Season 2. Kung kina Sharwin at Phoemela kulitan at pagpapatawa ang naging palabas ng dalawa, kina Portia at Rovilson naman sweetness factor ang pinakita ng dalawa habang inihahanda ni Portia ang kanyang "ensalada" na sinasabi niyang namana pa niya sa kanyang lola. Makikitang sweet ang dalawa dahil sa pagtikim ni Rovilson ng inihandang ensalada ni Portia makikitang sinubuan pa ni Portia si Rovilson ng kaniyang ensalada na ikinakilig ng mga manunuod.
Habang hinihintay ang desisyon ng mga hurado nagbigay ng dalawang kanta ang Pilipinas Got Talent grand finalist na si Markki Stroem.
Matapos ang matinding deliberasyon ng anim na hurado, ang 31-year-old Chef Instructor ng Xavier School na si Sharwin Tee ang nagwagi bilang Lifestyle Network's Star Chef. Nanalo siya ng P50,000 prize, tropeo, at P30,000 worth of products mula sa mga sponsors. At higit sa lahat siya ang magiging host ng sarili niyang cooking show sa Lifestyle Network.
Nang kapanayamin ng PEP si Sharwin matapos ang kanilang paligsahan, sinabi nyang pangarap nyang magkaroon ng sariling cooking show. Anim na taon palang daw siya pinapanood na niya ang sikat na cooking show during the '70s na Wok With Yan. Ito ang nagbigay ng inspirasyon sa kanya upang mag pursigeng tuparin ang kanyang pangarap.
Si Sharwin ay Communications graduate ng Ateneo at nag-aral ng Culinary Arts sa Pacific Institute of Culinary Arts sa Vancouver, Canada.