Ngayong araw, March 14, sana ang ika-39 kaarawan ng dating matinee idol na si Rico Yan.
Pero sa edad na 27, pumanaw ito dahil sa cardiac arrest na dulot ng bangungot noong March 29, 2002, sa Dos Palmas Resort, Palawan.
Mula noon hanggang ngayong araw, palagi pa ring ginunita ng mga tagahanga ni Rico ang kanyang kaarawan sa pamamagitan ng isang simpleng salu-salo sa puntod nito sa Manila Memorial Park, Parañaque City.

(Courtesy: Facebook Fanpage-I will always remember Rico Yan)
Nabalot ng kontrobersiya ang lamay noon ni Rico dahil hinarang ng pamilya nito ang pagpunta sa burol ni Claudine Barretto, na siyang girlfriend noon ng aktor.
Napapabalita kasing brokenhearted noon si Rico dahil napapabalitang on-the-rocks na ang relasyon nila ni Claudine dahil diumano'y nakikipag-date na noon ang aktres sa action star na si Raymart Santiago.
12 YEARS AFTER. Matapos ang labindalawang taon ng pagpanaw ni Rico, muling nasilayan ng mga tagahanga ng aktor ang dating ka-loveteam at nobya nitong si Claudine.
Dumalaw kasi ang kontrobersiyal na aktres sa puntod ni Rico sa Manila Memorial Park, Parañaque, ngayong araw, March 14.
Sa pamamagitan ng Facebook at Instagram, mabilis na kumalat sa Internet ang mga larawang kuha ng kanyang pagdalaw sa puntod ni Rico.

(Courtesy: Facebook Fanpage - I will always remember Rico Yan)
May isang larawan mula sa isang fanpage ni Claudine sa Instagram na nagpapakitang nakaupo ang aktres sa isang monoblock chair habang hawak nito ang puntod ng yumaong kasintahan.
Isa namang fan ni Claudine ang nagpalitrato dito at ayon sa mga komento, makikita raw na magang-maga ang mga mata ng aktres.
Maligaya rin ang mga fans dahil, ayon pa sa isang post nila, "time heals all wounds" na raw sa pagitan ni Claudine at sa pamilya ni Rico.
Sa huli, nakangiti namang nagpalitrato si Claudine katabi ng kapatid ni Rico na si Geraldine at isang kaibigan.
Caption sa larawang ito: "Earlier at Manila Memorial Park. Celebrating Rico Yan's 39th bday with Ms.Geraldine Yan-Tueres, Tricia Sandejas and MS. @claubarretto ❤❤❤ #happy #peace #firstandlastlovefinallymet (photo credit to ms.geraldine's fb)"
