Para kay Isabel Oli, hindi problema sa pamilya nila ng nobyong si John Prats kung sakaling maisipan na nilang magpakasal anumang oras.
Sabi ni Isabel sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Yung pamilya ko at pamilya niya, sila yung sobrang nae-excite.
“Sila yung, 'O, kailan na?’ Sila yung mga nagtatanong.
“Napi-pressure na masaya, parang ganun.”
Maging ang nakababatang kapatid ni John na si Camille Prats ay nagpahayag na bago siya mag-asawa ulit ay kailangang mauna ang kanyang kuya.
Maagang nabiyuda si Camille nang yumao ang kanyang asawa na si Anthony Linsangan noong 2011. Ngunit ngayon ay mayroon nang bagong non-showbiz boyfriend ang Kapuso actress-TV host, si John Yambao.
Sabi ni Isabel, “Oo, yun naman ang usapan nilang magkapatid.
“Dapat daw si John muna ngayon, kasi naunahan na nga siya dati.
“’Ikaw muna, Kuya, ikaw muna,’ sabi nga raw ni Cam.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media si Isabel sa mall show at catalogue launch ng Sophie, sa Lucky Chinatown Mall sa Binondo, Manila, noong Linggo, April 13.
ISABEL IS READY. Muli ay iginiit ni Isabel na handa na siyang lumagay sa tahimik.
“I'm ready. ‘Pag pumasok ako sa isang relationship, ready ako sa kasalan.
“Ayaw ko naman boyfriend-boyfriend lang, parang ayaw ko ng ganun.”
Sa kabilang banda, kung sakaling yayain siya ni John na mag-live in muna sila, papayag ba siya?
Mabilis na sagot ng 32-year-old actress, “No... ‘no’ kaagad ang sagot ko.
“May friends ako na ganun ang ginagawa nila, and I have nothing against it, pero hindi ako puwede sa ganun.
“Ang feeling ko kasi, parang lugi naman sa girl… parang ganun.”
“Bawal” din daw ito sa Christian beliefs ni Isabel.
Pagdating naman naman sa mga kinikita ni Isabel mula sa pag-aartista, malaking tulong daw si John sa pag-aayos nito.
Saad niya, “Actually, siya ang nagga-guide sa akin kung ano ang aking gagawin.
“Sa business, gina-guide niya ako.
“Pero wala kaming joint account.
“Yung mommy niya, nagsi-share ng tips, 'Magtipid-tipid kasi nga...' yung mga ganun.”
EXES. Sa estado ba ng kanilang relasyon nila ni John ay napag-uusapan nila ang kanilang mga ex?
Natatawang sagot ni Isabel, “Oo. I have to be honest, oo.
“Pero napapag-usapan namin na panahon na... natatawa na lang kami.
“Hindi nagseselos na, ‘Hay, naku, nakita ko yung ex mo…’ Hindi ganun.
“Parang, ‘Oy, nakita ko yung ex mo, she's so pretty pala.’ Ganun na lang.”
Pero inamin ni Isabel na selosa siya noon, lalo na nung kabataan niya.
“Kung noon, magseselos ako.
“Even siya [John], hindi na siya nagseselos… hindi na rin.
“Pero dati nga raw nung bata pa siya, nagseselos siya.”
Totoo bang nagselos si John kay James Yap, na na-link noon kay Isabel?
Pagtanggi ng aktres, “Ay, hindi... hindi siya nagtatanong.
“Sa lahat ng naging boyfriends ko—except for James [Yap] na hindi ko talaga naging boyfriend ‘yan—sinasabi ko talaga sa kanya... lahat.
“Pati non-showbiz, kahit nag-date lang o nanligaw lang, kasi ayaw kong marinig niya sa ibang tao na, ‘Oy, nag-date pala sila ni ganito!’”
HOLY WEEK PLANS. Ano naman ang plano nila ni John ngayong Holy Week?
Sagot ni Isabel, “Wala… pero baka magkasama kami ni John at ang family ko.
“Bakasyon lang siguro sa Batangas, sa farm nila.”
