Matagal na sa industriya si Ms. Odette Khan bilang character actress, kaya marapat din siyang pag-ukulan ng pansin at ng respeto tulad sa isang veteran.
Kaya nang matiyempuhan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Ms. Odette, sa set ng Shake, Rattle & Roll XII ("Punerarya" episode) ay agad namin siyang nilapitan para sa isang panayam. Hindi kami natakot sa hitsura niya, kahit past midnight noon, at may suot pa siyang pangil!
Siya na nga ba ang bagong Etang Discher at Mary Walter ng mga katatakutang sineng Pinoy? "Yeah!" talagang sumagot si Odette sa PEP, na may matutulis na pangil at mga matang nanlilisik.
Maya-maya'y tinanggal muna niya ang suot na pangil at nagpatuloy: "I don't mind. Mga pro [professional] 'yan. I really don't mind. I would love to be one," sabi pa ng beteranang aktres, on being compared with either Etang Discher or Mary Walter, na kapwa namayapa na.
On her role sa nasabing episode ng SR&R XII/"Punerarya," banggit ni Odette: "I play the role of Aludia. May asawa ako diyan [played by Jess Evardone], nagtatrabaho kami sa punerarya. Si Sid [Lucero] ang may-ari ng punerarya, tauhan niya kami.
"Para malaman nila kung anong ginagawa namin sa mga patay, kailangan ay manood sila. At tibayan nila ang dibdib nila, okay?!" pahiwatig pa ni Odette, sa kung paano tatakutin ng episode nila ang manonood sa 36th Metro Manila Film Fest 2010.
"Matagal ko nang pangarap ito. At nagpapasalamat ako kay Mother Lily [Monteverde] honestly! Hindi naman ako ang nag-prisinta, because I know they need my services," ani Odette.
At si Manny Valera [Regal's Supervising Producer], isa rin daw sa pinagpapasalamatan ni Ms. Odette. "'Pag siya ang kausap mo, it's as good as kausap ka ni Mother Lily.... Walang problema sa kanya. Very professional."
At muling isinuot ni Odette ang kanyang pangil, sabay-buka ng bibig, na kunwari'y nanlilisik ang mga mata, saba'y sabing, "A lot of fun with my fangs!"
EASY TO WORK WITH. Hindi mahirap katrabaho si Odette Khan dahil marunong siyang mag-adjust sa lahat ng klase ng co-workers sa set. Lalo't mahinahon si Jerrold Tarog, ang kanilang direktor sa "Punerarya" episode.
"He's so cool as a director," paglalarawan ni Odette. "It's my first time with the director. And everyone working here, hanga ako. Lahat sila, hanga ako. Walang nagagalit. Wow, tiis din kami, ha! Kahit ilang ulit. Kasama sa trabaho ang paghihintay."
Ano naman ang reaksiyon niya kapag masungit ang direktor, o iba pang kasama sa set? "Okay lang," sagot ni Ms. Odette. "I have accepted, iba-iba ang katauhan ng lahat ng tao. Director man, o kahit na mga artista, di ba? May mababait, may walanghiya, may maldita, may sweet... na kabaligtaran. At yun ang nakakatakot!"
How does she deal with the different kinds of showbiz people? "Well, I just do my show. Once I go home, I am me!" pahayag ni Odette. "Wala, e. Kailangan tiisin mo. Kung hindi mo matiis, tumigil ka!"
CHARACTER ROLES. Hindi na maalala ni Odette Khan kung ilang taon na siyang artista, sa pelikula at telebisyon.
"Sa edad ko," wika pa ng 60-plus character actress, hindi ko na maalala kung ilang taon. Basta, I started in the early '70s, sa My Little One (starring Lorna Tolentino, na ang screen name pa noon ay Giselle; with former matinee idol, Manny de Leon), then, may ginawa ako noon, with Pinky Montilla, 'yung Supergirl (horror-fantasy, with Liza Lorena, Enrico Villa, bilang sepulturerong kuba)."
Hindi ba siya lumabas bilang sirena sa mga Dyesebel movies noong '70s, tulad ng ibang character actresses (the likes of Divina Valencia and the late Mina Aragon, who became the wife of Viva Films/Vicor Records producer, Vic Del Rosario)? "Ay, 'day, hindi! Mamamatay ang mga isda pag sumali ako!" kuwelang sagot ni Odette.
In this era na telebisyon ang namamayagpag na medium, napapanood pa rin si Odette. "GMA-7 at TV5 ang madalas may offer [sa akin]," sabi niya. "The last was in Diva; tapos, Pidol's Wonderland [where she was a guest in the sitcom of the Comedy King Dolphy]. Wala akong labas, so far, sa ABS-CBN, except mga game shows...."
Tulad ng ibang veteran character actors/actresses, hindi standard ang talent fees ng tulad ni Odette [at pati ng kasamang si Jess Evardone], na ito ang madalas nilang napag-uusapan. "Hindi magkatugma pagdating sa gano'n; ah, ganyan ang offer. Pagdating sa payment, parang baguhan kami," pag-amin ni Odette. "At least ngayon, nakuha ako ng Regal. That means, hindi maliit ang bayad. Matagal na akong walang labas sa Regal, sa totoo lang. But then, I cannot refuse Manny Valera."
NORA AND VILMA. In the '80s, gumanap din si Odette Khan sa Ishmael Bernal film na Broken Marriage (1983) bilang hipag ni Christopher de Leon. Madalas din siyang mapanood noon sa mga pelikula ni Danny Zialcita, na ang pinakamarkado ay ang T-Bird At Ako (1982), na pinagsamahan nina Nora Aunor at Vilma Santos.
"I was telling them that kanina," sabi ni Odette, habang kausap ang iba pang baguhang co-stars sa set, tulad nina Dennis Coronel at Althea Vega. "Tomboy ang role ko do'n, ang pangalan ko, si Maxi!" Bilang kanang-kamay ni Nora Aunor, who played a lawyer in Zialcita's T-Bird At Ako, madalas ka-eksena ni Odette ang Superstar. But she, too, has good words about the Star for All Seasons and Batangas Governor, Vilma Santos-Recto.
"I cannot choose between the two," ani Odette. "Magkaiba ang character nilang dalawa. Oo naman, sa tagal, wala akong masabi. Masarap silang kasama, e. But in a different way. Kasi, kahit dumating sa puntong nandun na sila, at the peak, tao pa rin sila, di ba?
"'Yan sana ang matutunan ng mga kabataan ngayon," sabi pa ni Ms. Odette, about Vilma and Nora's worthy traits. "Through the pains that they've encountered in life, at least, tao pa rin sila, no matter what, sa likod o sa harap ng kamera."
ODETTE KHAN, IN PRIVATE. "I only have one child and I have two apos [grandchildren]," banggit ni Ms. Odette, when asked about her family.
Ang daughter niya ay si Claudette Khan-Tandoc, part-time instructor at the Dela Salle University (Manila). Ang mga anak ni Claudette, na mga apo ni Odette Khan, ay sina: Millicent Hope, 11 years old, at Zyril Eugene, 6 years old.
In college, Ms. Odette took up Theater Arts, sa Far Eastern University (FEU). "First, at La Consolacion, then I transferred to FEU. I'm not sure kung naka-graduate ako; di ba nasunog yung building?" pagtukoy ni Odette.
"May mga papers ako na hindi ko na naasikaso. "At a young age, I was already an actress. I went onstage, sa school," sabi din niya. Hindi niya na-pursue ang pagiging stage actress dahil nasabak na siya sa pelikula noong early '70s. Then, she got married and had a daughter who eventually gave her two grandchildren.
"They all give me so much joy!" wika pa ng beteranang aktres who married Ramon Avelino, a former professor at the San Sebastian College. Anak siya ng kompositor na si Ariston Avelino.
"He died a long time ago," pagtukoy rin ni Odette sa kanyang yumaong asawa. Odette Khan never remarried. "No," aniya. "In a way, naranasan ko nang mag-asawa, puwede na sigurong solo ka. Balik ako sa original [status]. Simple living. Kasi, kung may edad ka na, at mag-asawa ka, tapos, namali ka pa, di parang sira-ulo ka.
"Para lang malaman na may kasama ako sa buhay? Hindi na importante 'yon. Ang importante sa akin is life and how you live life!" makahulugang wika pa ni Odette.
"Na kahit hindi ko birthday, I came to accept that everyday is a birthday; a gift from God!"
Maituturing nga na gracious lady, in speech and action or manners, si Ms. Odette Khan.
Bagay na hindi nakikita sa kanyang pagganap, dahil na-typecast nga siya sa mga papel na kontrabida, kundi man bungangera, talakera, masungit, at ngayon, sa SR&R XII ("Punerarya"), mala-bampira!
Sa puntong ito, stature-wise, na kay Odette na rin ang pagkakataon upang makapamili ng roles, at mag-command ng higher talent fees, pero hindi niya ito iniisip. "Okay lang. Pasalamat na lang ako... I'm still alive," katwiran niya.
"I'm able to talk straight, I'm able to act. I am able to be myself!"
Anuman ang paniniwala niya sa sarili, at ng ibang tao tungkol sa kanya, markado na si Odette Khan bilang institusyon sa pagganap.
"Thank you for thinking of me that way," sabi niya. "Ngayon, kung yung iba, ayaw sa akin, wala akong magagawa. If you like me, thank you so much! If you don't like me, well, no problem. Yun lang!"