Naisilang na ni Sarangani Vice Governor Jinkee Pacquiao ang kanilang panglimang anak ni Congressman Manny Pacquiao kahapon, April 27.
Ayon sa ulat ni Mark Zambrano ng GMA News, napaaga ang panganganak ni Jinkee kay Baby Israel ng halos dalawang linggo.
Nagkaroon daw kasi ito ng kakaibang contraction o paghilab sa kanyang tiyan kaya isinugod na kaagad ni Pacman ang asawa sa General Santos Doctors Hospital.
Kaya ipinagdasal muna ni Manny ang asawa sa kaligtasan nito sa kanyang panganganak pagdating nila sa ospital.
Dahil premature, sumailalim si Jinkee sa caesarean operation.
Bandang 3:22 ng hapon isinilang si Baby Israel, na may timbang na 8.1 lbs.
Kasalukuyang naka-incubator si baby Israel sa naturang ospital.
Nagbigay pa ng thumbs up sign ang Pambansang Kamao nang makita na nito ang kanyang bunso.
Ang iba pang mga anak nina Manny at Jinkee na sina Jimuel, Michael, Princess, at Queen Elizabeth ay hindi umalis sa tabi ng ama habang hinihintay ang pagsilang ng kanilang bagong kapatid.
