Bilang bahagi ng pagdiriwang sa
ika-70 taon ng pagkakatatag ng Quezon City kasabay ng selebrasyon ng ika-131
kaarawan ng dating Pangulong Manuel L. Quezon, ipinalabas kagabi, August 19,
ang dulang MLQ: Ang Buhay ni Manuel Luis
Quezon, Isang Dula. Ang buhay ng yumaong bayani at unang Pangulo ng
Phillippine Commonwealth ay itinanghal sa PETA-PHINMA Theater sa New Manila,
Quezon City.
Kabilang ang PEP (Philippine Entertainment Portal) sa mga naimbitahan para saksihan ang pagtatanghal ng naturang dula kung saan naging panauhing pandangal ang ilang kapamilya ni Manuel Quezon sa pangunguna ng kanyang anak na si Maria Zeneida Quezon at apong si Manuel Quezon Avancena. Special guest din si Quezon City Mayor Feliciano "Sonny" Belmonte Jr. Marami sa mga nanood ng play ay mga estudyante mula sa iba't ibang paaralan sa Quezon City.
ABOUT THE PLAY.
Ang play na MLQ: Ang Buhay ni Manuel Luis
Quezon, Isang Dula ay istorya ng buhay ng ating bayani at naka-base sa
librong A Good Fight: An Autobiography
by Manuel Luis Quezon. Inilahad sa dula ang buhay ni Quezon mula pagkabata
hanggang sa siya ay mag-aral at makatapos ng Law sa University of Santo Tomas kunsaan
maging fourth placer siya sa bar exam noong 1903. Ipinakita rin sa dula
ang pagpasok sa pulitika ni Quezon mula sa pagiging councilor, governor, assemblyman,
commissioner to the US House of Representatives, senador hanggang sa siya ay
manalo sa unang presidential elections sa Pilipinas noong 1935, at maging unang
Pangulo ng Phillippine Commonwealth. Kasama rin sa dula ang makasaysayang pagpapasa
ng Tydings-Mcduffie Law, na nagbigay daan sa kalayaan at pagiging independent
ng Pilipinas.
Ang dula ay isinasalaysay mula sa
pananaw ng tatlong college students na gumagawa ng research paper tungkol sa
buhay ni Quezon. Nagsimula ang dula habang nakatingin ang talong estudyante sa
epitaph ni Quezon na matatagpuan sa Quezon Memorial Circle - "Statesman and
Patriot, Lover of Freedom, Advocate of Social Justice, Beloved of the People."
Tumakbo ang istorya base sa mga naturang paglalarawan kay Quezon. At dito ay
masasaksihan ang kabayanihan at paninindigan ni Quezon.
Kahanga-hanga ang naging
pagtatanghal dahil ginawang moderno at napapanahon ang presentasyon upang
maka-relate ang mga estudyanteng nanood sa bulwagan. Hinaluan ito ng mga
elemento ng musika, komedya, pagbabalik-tanaw at talumpati. Sa bawat tanong ng
tatlong estudyante sa dula ay buhay nilang nakakasama si Quezon upang
ipaliwanag sa kanila ang mga pangyayari.
Magaling ang pagkakaganap ng
Cinemalaya 2009 Best Supporting Actor na si Arnold Reyes sa role ni Manuel Luis
Quezon. Mahusay din ang pag-arte nina Joel Molina, Joshua Deocareza at Analin
Bantug bilang tatlong college students na gumagawa ng reserach paper tungkol
kay Quezon. Kapuri-puri rin ang pagganap sa mahahalagang papel ng iba pang members
ng cast na sina Ron Alfonso, Mayen Bustamante, Eric dela Cruz, Stella Cañete,
Richard Cunanan, Chinie Nepomuceno, Jun Ofrasio, Juliene Mendoza, Joel Saracho
at Melvin Sumalinog.
Kahanga-hanga rin ang naiibang panulat at pagdidirek ni George de Jesus III.
ARNOLD REYES AS MLQ.
Pagkatapos ng dula, nagkaroon naman ng pagkakataon ang PEP na ma-interview ang
gumanap bilang Manuel L. Quezon na si Arnold Reyes.
Ayon sa aktor, magandang paraan ang pagtatanghal ng naturang dula para mas makilala si Manuel L. Quezon ng mga kabataan ngayon, higit pa sa nababasa nila sa mga history books.
"Maganda yung tinatalakay para
ma-educate yung mga kabataan, lalo na yung mga taga-Quezon City, kung sino
talaga si Manuel L. Quezon. Kung ano yung mga pinagdaanan niya, mula pagkabata
hanggang sa maging pulitiko and eventually ay maging Pangulo ng Pilipinas,"
sambit ni Arnold nang ma-interview siya ng PEP kagabi.
Sabi pa ni Arnold, sadya raw nilang
ginawang moderno at nilagyan ng komedya ang play para magkaroon ng appeal sa
mga estudyanteng manonood. Ayaw raw kasi nilang maging boring ang palabas.
Ano ang feeling na matapos
niyang gampanan sa documentary film na The
Forgotten War si dating Pangulong Fidel V. Ramos, ngayon ay isa pang dating
pangulo si Manuel L. Quezon naman ang ginagampanan niya?
"Oo nga, e. Actually, medyo mahirap
itong ngayon kasi nine days lang kaming nag-rehearse. Nine days lang. Tapos
na-complete yung script, yung first half tapos yung kalahati naibigay lang sa
amin nung Saturday, so meron kaming three days lang to memorize. Awa ng Diyos,
natapos naman natin."
Ano ang ginawa niyang paghahanda sa
pagganap bilang si Quezon?
"Yung preparasyon, after ng rehearsal amain, on my way home nagme-memorize na ako, pagtulog, paggising. Kumbaga naging kaibigan ko yung script ko for ilang days yun. Well, natutuwa ako na nagkaroon ng Quezon, kasi naging instrumento siya para matamo ng ating bayan ang kasarinlan at kalayaan na hinahangad. Kahit na lahat hindi sumang-ayon sa kanya, may mga sumalungat din, pero naipatupad pa rin niya yung gusto niyang mangyari sa bayan, na tinatamasa naman natin ngayon."
GREATEST DISCOVERY.
Ano yung greatest discovery niya kay Quezon habang ginagawa nila itong play na
ito?
"Mas nagulat ako doon sa kabataan
niya, e. Normal din pala siyang tao na nagsisinungaling, nanampal ng kalaro,
sumusuway sa utos ng magulang. Pero lahat ng iyan naging learnings para sa
kanya. Sa tingin ko, yun ang dahilan kung bakit siya naging mapanindigan na
tao, kung bakit ganun ang pananaw niya.
"Sa mga nangyari sa buhay niya, sa
mga magulang niya, sa naranasan niyang pang-aapi, yun ang naging dahilan kung
bakit gusto niyang palayain ang ating bansa laban sa mga Kastila, sa Amerika.
Yun ang dahilan kung bakit niya gustong maging independent nation tayo. Yun ang
mga pinagdaanan niya. Nagpapasalamat din ako na nangyari sa kanya yun para eto
tinatamaasa natin kugn anuman yung nai-contribute niiya sa bansa natin."
Na-pressure ba siya na may members
ng family ni Quezon na nanood sa play, idagdag pa ang presence ni Mayor Sonny
Belmonte?
"Actually, hindi ko nga tinignan
yung audience kanina, e. Basta ang alam ko lang nandidiyan sila. Kung alam n'yo
lang yung nerbiyos na pinagdaanan namin. Unang-una kulang talaga kami sa
rehearsal. Kahapon lang kami nabuo talaga. Siguro yun na lang yung magic ng
theater na sinasabi natin. Talagang kinabahan ako talaga. Hanggang sa matapos
na yung show. Tapos nung magliwanag nakita ko yung mga mukha nila, dun lang ako
naniwala, nandito nga sila. At sana na-appreciate nila."
Sa tingin niya, ano ang relevance ng
dulang ito sa nalalapit na eleksyon sa 2010?
"Siguro kasi parang... hindi ba
sinasabi, history repeats itself. Parang meron. Actually, nakakakilabot dahil
maraming sinasabi sa speeches ni Quezon na malaki ang relevance ngayon sa
nangyayari sa ating bansa. Siguro iyong pag-aano sa atin ng mga Amerikano, yung
hanggang ngayon gusto nila tayong makontrol. Yung mga ganung aspeto ba, na
hanggang ngayon masasabi nating may mga pulitiko pa ring bumibigay sa ganung sitwasyon."
MORE PROJECTS.
Nanibago ba siya sa muling pagsabak sa teatro dahil mas madalas siya ngayong
gumagawa ng indie films at projects sa TV at movies?
"Medyo nanibago ako kasi matagal na
akong nag-theater. Puro indie na yung ginagawa ko. Tapos medyo nag-mainstream
ako sa ABS-CBN. Tapos may tinapos akong pelikula, yung kay Ate Vi [Vilma Santos].
Medyo nanibago ako kasi yung huling play na ginawa ko medyo contemporary. E,
ngayon may pagka-period, historical. At saka kailangan maniwala ang mga tao na
ako si Quezon."
Bukod sa pag-arte sa teatro, busy din sa iba't ibang projects si Arnold . Malaking blessing daw sa kanya ang pagkakapanalo niya ng Best Supporting Actor para sa pelikulang Astig sa nakaraang Cinemalaya. Dahil nga rito ay mas dumami ang projects niya.
"Katatapos ko lang ng Vilma Santos
movie with John Lloyd Cruz at Luis Manzano, yung In My Life ng Star Cinema. Sa September na ito ipapalabas. Asawa
ako rito ng anak ni Ate Vi, si Dimples Romana. Kami yung pamilya na naiwan niya
at nakasama sa Pilipinas. Kasi di ba, nag-migrate sa Amerika yung isang anak
niyang si Luis at saka yung isa pang anak niya na si Paw Diaz.
"Sa TV, may mga soap ako na
parating. After ng Only You, mayroong
niluluto sina Boy [Abunda] for me. Tapos yung Astig, magko-compete kami sa Pusan."
Mapapanood pa rin si Arnold Reyes sa MLQ: Ang Buhay ni Manuel Luis Quezon, Isang Dula ngayong araw na ito, August 20. May dalawang huling pagtatanghal pa sila sa ganap na 2 p.m. at 6 p.m. sa PETA-PHINMA Theater sa New Manila, Quezon City.