Sa episode ng Family Feud na pinalabas kahapon, January 26, lumahok ang Aquino family na kinabilangan nina Jiggy Aquino-Cruz, Pinky Aquino-Abellada, Miguel Aquino-Abellada at Ballsy Aquino-Cruz kalaban ang Fantastic Four. Naging kalaban nila ang apat na honor guards ni dating pangulong Corazon Aquino na pinarangalan at napansin ng buong bansa sa libing ng yumaong presidente noong August 2009.
Hindi daw pinayagang sumali si Kris sa actual game ngunit sumuporta naman siya sa kaniyang pamilya. Nanuod sa GMA Network Studios si Kris kasama ang anak na si Baby James at fashion designer at kaibigan niyang si Paul Cabral.
Nanalo ang Fantastic Four sa jackpot round at nag-uwi sila ng P150,000. Matapos ang jackpot round, tinawag ng host na si Dingdong Dantes ang Aquino family at pinasalamatan ang mga ito sa pagsali. Inimbitahan din nito si Kris sa stage at pumanhik naman siya kasama ang cute na si Baby James. Nagpaunlak ito ng maiksing mensahe kay Dingdong at sinabing hindi nga daw siya pinayagang maglaro ngunit nagpapasalamat pa din ito sa pag-imbita sa pamilya niya.
Pinuri din ni Kris ang galing ni Dingdong sa pagho-host at dinagdag pa niya na ito daw ang pinaka guwapong male gameshow host sa bansa ngayon.