Excited at proud ang reigning Miss World-Philippines na si Margaret Wilson sa pagkakataong ibinigay sa kanya ng TV series na Magpakailanman para gumanap sa talambuhay ng kauna-unahang Filipina Ms. Universe winner na si Gloria Diaz.
Mapapanood ang "The Gloria Diaz Story" this Thursday, May 10, sa GMA-7 at kabilang sa mga panauhin sina Polo Ravales bilang Vic Vargas at Baron Geisler na gaganap naman as Bong Daza, ang mister ni Gloria.
Bumisita ang PEP (Philippine Entertainment Portal) sa taping ng naturang programa ni Mel Tiangco sa Kamuning, Quezon City, at nasabi ni Maggie (palayaw ni Margaret) na nagtanong-tanong siya para mas magampanan ng mabuti ang naturang papel. "Masyado kasi akong busy kaya hindi ako nakapag-research about her [Gloria]. But I asked around, I asked the director at ‘yung mga tao sa taping. And I saw some of her photos, para mas ma-portray ko ‘yung karakter niya.
"Although hindi ako sa Miss Universe magko-compete, pareho naman kaming beauty queen kaya I'm so happy and so honored talaga dahil ako ‘yung napili nila. I mean, there's so many other girls na naging beauty queen, hindi ba? Pero sa akin ibinigay ang opportunity na ito," nakagingiting panimula ni Maggie.
Iikot ang istorya mula sa pagka-discover kay Gloria habang nanonood ito sa isang Sta. Cruzan, hanggang sa naging modelo, beauty queen at Miss Universe noong 1969, sumabak sa pag-artista at nagka-asawa ito.
"Hindi lang sa pagiging Miss Universe ang takbo ng istorya, even after that. Pati ‘yung relationship niya kay Vic ay ipakikita rito," esplika pa ng 18-year-old actress/beauty queen. Ang yumaong si Vic ang unang nakapareha ni Gloria sa kanyang unang pelikula na ipinalabas noong 1975.
FIRST ONSCREEN KISS. Sinabi pa ni Maggie na noong araw na bumisita ang PEP ay kinunan ang eksenang nangangabayo siya habang nakasuot ng kamison para sa pelikula ni Gloria na Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa at pati na ang kissing scene niya with Polo na first time niyang ginawa bilang aktres.
"We shot the scene kanina, ‘yung nangangabayo ako. Hindi naman po ako magwe-wet look dito, hahaha!" nakatawang saad niya. "Kasi, dapat po ay wholesome ako siyempe, hindi pa kasi ako lumalaban sa competition e.
"Tapos, I had my first kissing scene on TV, with Polo as Vic Vargas. Sobrang kinakabahan nga po ako kanina, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Sabi ko na lang kay Polo na just be patient with me. Hindi kasi ako sanay na hinahalikan ako ng taong hindi ko gusto or ‘yung hindi ko kaano-ano, ‘yung walang relasyon.
"Pero okay naman si Polo at kailangan lang talaga sa life story ni Ms. Gloria Diaz, e."
Ikinuwento pa ni Maggie na ipinahiram ni Ms. Gloria ang mismong gown na ipinanalo nito bilang Ms. Universe noong 1969. Sinabi rin niya na ang moral ng istoryang ito ay tungkol sa pag-abot sa pangarap, gaano man ito maging ka-imposible.
"Definitely ay makakatulong sa akin ang episode na ito sa Magpakailanman come October. I hope so, dahil talagang na-feel ko na winner ako. Bukod kasi sa gown, ipinahiram din Ms. Gloria ang kanyang scepter."
Tungkol naman sa kanyang nalalapit na pagsabak sa Miss World, ayon kay Maggie ay posibleng sa Russia ito ganapin this coming October. Busy pa raw siya sa iba't ibang commitments kaya hindi pa siya naghahanda para sa nasabing competition. Bukod sa rigorous training para ma-maintain ang kanyang beauty at poise, nakatakda rin siyang mag-aral ng Russian, Spanish at French language.
Pero very positive siya sa kanyang tsansang maiuwi ang karangalang inaasam ng maraming kababaihan.
"Busy pa, kasi I'm also a VJ for MTV, e. Tapos ay maraming function na dapat akong um-attend as a beauty queen. Pero hopefully, next month ay masisimulan ko na ang preparation for the competition.
"Tungkol sa aking chances of winning? I haven't met the other girls yet or seen my competition yet, pero kampante ako. I'm pretty confident, I mean, I'm with the industry for four years and makapal ang mukha ko, hahaha! I mean, I'm not intimidated by the other contestants. I'm used to being on stage, siguro it's just a matter of polishing and I'm learning a little bit more about Miss World."
"So, pagdating sa tsansa ko, one hundred ten percent, hahaha! Hindi lang one hundred percent or ita-try ko to win, huh, one hundred ten percent talaga, e," nakatawang wika pa niya.
Si Ruffa Gutierrez ay itinanghal na Second Princess sa Miss World, plano ba niyang mapantayan o lagpasan pa ang feat na ito?
"Of course, I want to be the first Miss World mula sa Philippines, kaya't sana ay mahigitan ko ang nagawa ni Ruffa. And I think I have a pretty good shot at it," nakangiting pagtatapos ni Maggie.