Kabilang sa siyam na competition entries sa full-length feature category ang pelikulang Sampaguita, National Flower. Ito'y mula sa panulat (screenplay) at direksiyon ni Francis Xavier Pasion. Mapapanood ang indie film na ito sa 6th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival na gaganapin mula July 9-18, 2010 sa Cultural Center of the Philippines.
Ano nga ba ang paksa ng bagong indie film na ito? Sa daigdig ng pelikula, mayroong movie studio na naging tanyag sa manonood, nuong dekada '30s hanggang '80s, ang Sampaguita Pictures ng mga Vera-Perezes. May sumikat ding Pinay rock artist nuong late '70's, na ang pangala'y Sampaguita ("Panahon na para magsaya; forget mo na ang problema..." sabi nga sa kanta niya); may mga pelikulang Tagalog, nuong '70's, na ang pamagat ay Sampaguitang Walang Halimuyak o kaya'y Nang Bumuka Ang Sampaguita; at marami pang pinagkilanlan o pinaggamitan ng pangalan o salitang Sampaguita.
Pero ang pelikulang Sampaguita, National Flower sa Cinemalaya 2010 ay hindi ang tungkol sa, o kaya'y remake ng, mga nabanggit. Ito ay ang tungkol sa puting maliliit at mababangong bulaklak na gustung-gusto nating mga Pilipino.
"Ito ang pangalawa kong pelikula," natutuwang pagbanggit ng writer-direktor na si Francis Xavier Pasion sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Mahalagang malaman kung saan nanggagaling ang mga bulaklak na sampaguita, na 'yung journey niya, ay nagsisimula sa pamimitas ng mga bata sa probinsiya ng maliliit na usbong. At 'yung end din ng journey, na ang nagbebenta [ng sampaguita garlands], sa city, mga bata rin. Ang mga bata who represent the future of the country... ang mga dreams nila."
WRITER'S JOURNEY. Sa Cinemalaya 2008 ay nagmarka ang pangalang Francis Xavier Pasion, bilang manunulat at direktor ng Jay, isang mock-umentary tungkol sa isang gay murder victim at ang imbestigador na ka-pangalan ng biktima. Nanalo ang Jay bilang Best Picture sa 4th edition ng Cinemalaya.
Kinuwento ni Direk Francis kung paano niya naisipan ang konsepto para sa kanyang pangalawang pelikula, ang Sampaguita, National Flower.
"Umiinom lang ako ng kape sa Tomas Morato [street sa Quezon City]," kuwento niya, "tapos, biglang may batang lumapit, nag-offer ng sampaguita. Nag-iisip ako noon ng concept for a screenplay. Ang dami kong naiisip, bigla siyang lumapit, may dalang sampaguita.
"Tanong ko, saan galing 'yan? Paano kayo nagtitinda? From then on, naging kuwento na," lahad pa ng 32-year old writer-director. "Tapos, para lumawak siya, dinocument ko 'yung journey ng mismong bulaklak, kasi 24 hours lang siya [tumatagal na sariwa]. Pagkatapos ng 24 hours, malalanta na, hindi na puwedeng i-sell.
"Mula sa Pampanga, isang araw lang 'yan ita-transport sa Manila, tapos, tutuhugin dito," lahad pa ni Francis. Ito rin ang dahilan para sa 'real time mode' [o isang buong araw na time frame] ng isinulat niyang dulang pam-pelikula.
DOCU-DRAMA. Kaiba ito sa una niyang obra dahil ang Sampaguita ay mas ginamitan ng "documentary approach" ni Direk Francis. Wala siyang pinaarteng "name stars" sa cast dahil ang mga gumanap sa pelikula ay ang mga batang sangkot sa pamimitas at paglalako ng sampaguita.
"Gusto kong i-preserve ang authenticity [ng material]," katwiran pa ni direk Francis. "Parang less manipulation by the director. Kasi, sila talaga 'yung nagbebenta ng sampaguita. Kung ano 'yung i-arte nila in front of the cameras, at kung ano 'yung ma-capture ng camera, 'yun 'yon. Docu-style."
Sa interview ng PEP ay hindi pa pinangalanan ng writer-director ang mga batang nagsiganap sa kanyang pelikula. Maaaring inilalaan niya 'yon, bilang sorpresa sa manonood. Naitanong namin sa direktor, paano kung maalangan ang mga bata sa harap ng kamera?
"'Yun ang challenge sa amin," sagot ni direk. "Kung paano sila hindi maalangan. Like, we're using... 'yung smallest camera, para hindi 'maka-ilaw.' On-cam lang 'yung interviews sa mga bata. The story will come from them, hindi galing sa akin. Gusto ko, sila 'yung mag-kuwento, para pati sa script, pati 'pag dinirek ko sila, sa kanilang manggaling. Para mas maging totoo."
Kakaibang-kakaiba nga raw ang Sampaguita, kumpara sa debut feature niyang Jay. Sa pagsusulat ng script, hanggang sa actual na pagsu-shoot, malaking bahagi ang natutunan ni Francis Xavier Pasion sa Sunday Clinic workshop na pinamahalaan ng premyadong manunulat na si Armando "Bing" Lao.
"'Yun ang dahilan din kung bakit, constantly, nag-evolve 'yung script," sabi rin ni Francis. "Ang dami niyang [Lao] bagong konsepto. Constantly, itong Sampaguita, pina-consult ko sa kanya.
"It's a commercial docu, actually. Wala siyang plot, so 'yun 'yung nakita ko. Kasi kung lalagyan namin ng kuwento, baka pilitin, hindi naman, actually, nangyayari," sabi pa niya.
PASION CON COMPASSION. Ano ang mga pinaka-inaasahan at inaasam ni direktor Francis Xavier Pasion para sa ikalawa niyang pelikulang Sampaguita?
"Gusto ko lang, 'pagkatapos mapanood 'yung pelikula, maging iba 'yung tingin natin sa mga nagbebenta ng sampaguita," hiling niya. "Kasi mas maiintindihan natin sila... mas magiging compassionate tayo. Kasi, 'yong mga bata lang, parang na-e-endanger 'yung lives nila. The mere fact na tumatawid sila sa kalsada, ang daming [puwedeng] nasasagasaan. 'Yung iba naman, hindi nakakapag-aral na mabuti [dahil nagta-trabaho na]. 'Yung iba rin, ayun, "pini-pick up""
Sa mas malawak at malalim na pagtanaw ay may implikasyon sa problema ukol sa child labor ang bagong obra ni Pasion.
"In general, kahit siguro hindi sampaguita ang ibenta, ma-e-endanger din [ang buhay]... ng mga batang lansangan who do it for a living," dagdag pa niya.
AWARDS AND CREDENTIALS. Matapos mag-Best Picture ang debut feature niyang Jay sa Cinemalaya 2008, hindi ba nangangamba si Direk Francis o mas confident ba siya sa muli niyang paglahok sa Cinemalaya?
"Tinatanong nila ako lagi, pero wala sa akin ang competition," mabilis na pagsagot ni Direk Francis. "Kung matalo ako, wala sa akin 'yon. Parang hindi ko iniisip. Nag-eenjoy lang ako. Kasi nakita ko 'yung audience ng Cinemalaya, sobrang dami! Maganda talagang venue for films. At maganda ang experience ko sa kanila.
"Kumbaga, naranasan ko na, e," sabi pa niya. "So, ako, ngayon, gusto ko lang i-enjoy ang sarili ko and... kung hindi ako manalo, e, 'di okay lang."
For the record, ang unang pelikulang Jay ni Francis Xavier Pasion, bukod sa Best Picture award, ay nanalo rin sa mga kategoryang Best Editing para sa kanilang tatlo nina Kats Serraon at Chuck Gutierrez, at Best Actor, para kay Baron Geisler. Nanalo rin ito sa mga sumunod na parangal pam-pelikula, kabilang ang para kay Coco Martin (Golden Screen at Gawad Urian, best supporting actor) at sa tatlong editor, sa PMPC Star Awards for Movies (Digital Editing category).
Sa Gawad Urian 2009 ay nakamit din ni Pasion ang una niyang parangal, para sa kategoryang pinakamahusay na dulang pam-pelikula, para sa Jay.
Sa mga international film festivals, nanalo ang Jay ng pitong parangal, mula nang mapili itong kalahok sa Orizzonti section ng 2008 Venice International Film Festival, sa Italy. Ang iba pang mga parangal ay nagmula sa mga festivals sa Bangkok at Bahamas (2008), at FICCO Mexico (2009), Special Mention; Berlin Hotshots (2009), Best Feature Film; Black Film Festival, Geneva (2009), Audience Award; Barcelona Asian (2009), Best Digital Film; at ang latest, sa 7th Bilbao International Gay and Lesbian Film Festival, Spain (2010), Best Fiction Feature Film Award.
Bukod sa pagsusulat ng mga dulang pam-pelikula at pagdidirek ng pelikulang indie at dramang pan-telebisyon (unit director), nakatakdang magturo si Francis Xavier Pasion ng araling Independent Film sa unang semestre ng 2010, sa Ateneo De Manila University.
NATIONAL FLOWER. Minarapat rin ng PEP na magsaliksik at magtala rin ng ilang bagay tungkol sa napiling paksa ng pelikula: ang sampaguita.
Ang scientific name nito ay jasminum sambac (synonym: Nyctanthes sambac), mula sa species ng Jasmine, na likas na tumutubo sa timog-kanluran at katimugang Asya; sa Pilipinas, India, Myanmar at Sri Lanka.
Sampaguita ang napagkilanlang tawag dito ng mga Pilipino. Sa Katagalugan, ito'y tinaguriang Kampupot, na madalas banggitin sa mga Balagtasan at iba pang uri ng panitikang Pilipino.
Ang botanikong pangalang sambac ay nagmula naman sa maling pagkagamit sa pangalang Sanskrit (lengguwahe sa India) na "champaca," na taguri sa mabango at mabulaklak na shrub o nagsasanga-sangang luntiang halaman (evergreen vine) na mula isa hanggang tatlong metro ang taas. Sa naturang tropical regions ay inaalagaan ang ornamental plant na ito dahil sa mababangong bulaklak. At sa Pilipinas, ang bulaklak na sampaguita ay itinuring na Pambansang Bulaklak ng pamahalaan simula noong taong 1937, o bago sumiklab ang World War II.
Mula noon, hanggang sa kasalukuyang panahon, tinutuhog ng mga Pilipino ang maliliit na bulaklak ng sampaguita upang gawing kuwintas (leis), korsad (corsages) at korona (crown) at ginagawang pabango ang langis na nagmumula rito, upang ilako sa mga tindahan at kalye, at sa labas ng mga simbahan at iba pang mataong lugar.
Ang garland nito ay pang-salubong sa mga bisita (lalo ang mga turista), at bilang alay o dekorasyon sa mga altar. Ang langis ng sampaguita ay pinaniniwalaan ding mabisang lunas sa sakit ng ulo (headache).