PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Tarima's private screening draws big praise for lead star Fanny Serrano

This indie film starring Rocky Salumbides will premiere at the CCP on August 28.
by Ruby dela Rosa
Published Aug 4, 2010
Tarima, an indie film starring Fanny Serrano (in photo) and Rocky Salumbides, will premiere at the Cultural Center of the Philippines on August 28.

Kagabi, August 3, nagkaroon ng private screening ang Tarima, sa Quezon City house-and-salon ni Fanny Serrano, ang lead star ng indie film na may premiere night sa Agosto 28 sa Cultural Center of the Philippines.

Sa pelikula, first billing si Fanny, na unang tumanyag bilang makeup artist ng mga malalaking artistang gaya nina Sharon Cuneta at Lorna Tolentino, at ngayon ay stylist and couturier na rin ng mga stars.

Tampok din sa pelikula ang mga beteranong artistang sina Gloria Romero at Rustica Carpio, ang successful TV and club comedian na si Chokoleit, ang baguhang si Rocky Salumbides (na sa ngayon ay mas kilala bilang model at boyfriend ni Eula Valdes), at iba pa. May guest appearances din dito sina Gina Alajar at Ana Capri.

Ang may higit-kumulang na dalawampung guest na inimbitahan ni Fanny, upang hingan ng komentaryo at feedback, ay umuwing hangang-hanga sa mga performances. Matapos ng screening, pinalakpakan ng mga ito ang mga nagsipagganap na naroon nang gabing iyon: sina Fanny at Ms. Gloria. Inabutan naman ng bouquet of flowers ni Fanny si Ms. Gloria bilang tribute at congratulations.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Si Fanny ay gumanap bilang isang big-hearted gay na makakahanap ng true love, ngunit dadaan muna sa mahabang panahon ng kalupitan sa kamay ng kanyang minahal na lola. Kasama sa kalupitang ito ay ang paghahampas sa kanya ng baston noong bata pa siya, na ikinabulag ng kanan niyang mata.

Si Gloria Romero ang lola sa pelikula. Makitid ang utak, bitter sa buhay, walang nirerespeto sa mga kasambahay na sa tingin niya'y pinalalamon lamang niya, mapagkuwenta sa perang pinauutang niya sa malaking tubo, ngunit madasalin at pinagsisilbihan nang husto ng kanyang inaaping apo.

Ngayong umaga, Agosto 4, nag-text si Fanny sa PEP editor in chief na si Jo-Ann Maglipon, na kasama sa mga nanood kagabi. Ang iba pang nanood ay sina Direk Joel Lamangan, Mowelfund head Boots Anson Roa na isinama ang brother nitong dumadalaw mula sa States, entertainment columnists Ronald Constantino at Mario Bautista, events organizer Ronald Carballo, at ibang miyembro ng showbiz community.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

Ito ang text ni Fanny kay Ms. Jo-Ann:

"Salamat sooo much, JO-ANN, for sharing your precious time with our 'baby' TARIMA last night...and for all your gift of TRUST and SUPPORT. Sa totoo lang, all the people behind TARIMA and I were super honored with your presence and blessing us with your heartfelt comments that will surely add more texture to the movie to have a successful premier opening on aug28 at the CCP. MULA SA PUSO MO NA NAKARAMDAM SA TOTOONG PUSO NG TARIMA! GODbless!"

Ayon kay Jo-Ann, ito ang isinagot niya sa text ni Fanny:

"I was so glad to be there, in your company and beside your friends and colleagues, viewing a film where you gave your all, heart and soul and more, right alongside the great Gloria and Rustica, the admirably talented Chokoleit, and the promising Rocky, in a valiant effort to make audiences understand love in all its forms. Tinimbang ka, Fanny, at hindi ka nagkulang. My best to you now and always."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

FEEDBACK ON TARIMA. Ayon din kay Ms. Jo-Ann, ang Tarima ay hindi perfect film. "Malayo pa," sabi ng editor ng YES! magazine. Well-intentioned at courageous daw ito, ngunit marami ka pang hahanap-hanapin sa pelikulang indirehe ni Neal Tan at ipinrodyus ni KC Guerrero.

Si Neal ay hindi baguhan director. Nagawa na nito ang mga indie films na Pasang Krus (2009), Hilot (2009), Tiltil (2008), Casket for Hire (2007), Barang (2006), Night Job (2005), Takaw-tingin (2004), Tag-init (2004), Karelasyon (2004), Check-Inn (2004), Puri (2004), Kalabit (2003), Marital Rape (2001), at Waray (2000). Kaya nga, ayon kay Jo-Ann, kelangang may "legitimate expectations" na sa director.

Pinakamalaking obserbasyon ni Ms. Jo-Ann ay ang kakulangan ng pagka-pino ng kamay ng direktor: "The hand of the director seems, to me, to be still heavy. Maraming eksenang mas magaan dapat ang dating, dahil simple expositions pa lang ang mga ito. Kung mabigat na kasi agad ang bagsak, ano na ang build-up mo? May mga dramatic moments naman na mas nakaantig sana ng damdamin kung ganoon din—kung mas magaan ang pagkakadala.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Ang nangyari kasi, throughout much of the film, assault sa viewer ang dominant rhythm at tone. Kulang sa subtlety, o sabihin nang lyricism. Halimbawa, sa mga karakter. Halos one dimensional na ang dating ng mga character sketches: lahat meanness and anger sa karakter ng lola (Gloria); lahat kabaitan and long-suffering acceptance sa karakter ng apo (Fanny). Mabuti na lang magaling silang umarte, kundi sira ang profiling.

"Halimbawa din, iyong prolonged graphic love scenes, gaya ng motel scene ni Chokoleit with a male prostitute at tarima scene nina Fanny at Rocky. Sa sobrang graphic, nakaka-distract na sa point ng movie. Nakakabawas sa end goal. Wala akong objection to graphic sex scenes, per se. Pero kung nakakasira ito sa point being made, bakit pa?

"E, ang point ng pelikula, sa pagkaintindi ko, is to show true love. To show that true love can be found between the most unlikely people, like the much-abused mananahi Fanny and the cynical prisoner Rocky. Like the friends Fanny and Chokoleit, whose loyalty to and need for each other make for genuine love.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Kung bawasan sana ang bigat ng graphic scenes na ito, ang maiiwan ay ang mas poetic, mas suggestive, mas romantic. E, di mas naramdaman ang true love."

Nabanggit raw ni Ms. Jo-Ann ang comments na ito kina Fanny at Direk Neal habang kaumpukan sina Boots Anson at Gloria Romero kagabi. Sinabi ng writer na, "Kung gusto mong ma-touch ang audience, na hindi pa tinatanggap ang homosexual love, you don't do it by assaulting him with lovemaking scenes that are too well-lit. You do it by touching his heart."

Nang walang tinatanggal na papuri sa Tarima, nasabi rin daw ni Boots, "Ang sinasabi ni Jo-Ann ay, there are sensibilities that cannot yet accept this kind of love. Baka mas mape-persuade sila if their sensibilities are not assaulted."

Naidugtong din ni Ms. Gloria, na ang tinutukoy ay ang mahabang climactic tarima scene nina Fanny at Rocky, "Kung minsan nga, ang suggestion of love, iyong suggestive scenes, ay maaaring mas effective."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Dagdag pa ni Jo-Ann sa PEP (Philippine Entertainment Portal): "Ito kasi iyong pelikulang nangungusap para sa gay love. Sinasabi nitong the love between homosexuals is as legitimate as any between male and female. Ngunit dahil ina-address nito ang mainstream audience—magkaka-commercial run kasi ito—kelangang makonsidera ang sensibilidad ng ganoong audience. So, the romance should have been paramount."

Ito naman daw ang komento ni Direk Neal Tan, ayon kay Ms. Jo-Ann: "Ang ipinakita ngayong gabi ay ang director's cut. Kung sa gay audience kasi, tanggap na tanggap ang mga graphic love scenes na iyan sa pagitan ng lalaki sa lalaki. Pero pag nag-commercial release, mababawasan ang mga eksenang ito, bababa sa one hour forty-five minutes ang haba."

MS. GLORIA ROMERO. Kuwento pa ni Ms. Jo-Ann sa PEP, kakaiba talaga si Gloria Romero rito at kagulat-gulat bilang isang mean-spirited grandmother. Ayon nga raw mismo kay Ms. Gloria, na nakausap ni Ms. Jo-Ann matapos ng screening, baka hindi na raw maulit ng mahusay na aktres ang ganito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"In my 6o years in the business, because I started when I was 16 and I'm 76 now, I have not played such a mean role. This must be my meanest. And I'm the exact opposite. I'm sweet!" natatawa niyang sinabi matapos ng screening.

(Sumang-ayon naman ang mga nakarinig. Alam nilang ang buong buhay ni Ms. Gloria Romero, na tubong Mabini, Pangasinan, ay puno ng kabaitan. Gaya na lang ng ibinigay niyang pag-aruga sa asawang si Juancho Gutierrez, na minsa'y iniwanan siya, ngunit nang magkasakit nang malubha ay tinanggap niyang muli at inalagaan hanggang mamatay ito.)

Sa pagkakaalala nga raw niya, ang isang natatanging seriously mean role niya ay sa pelikulang Kapag Langit ang Humatol (1990). "Kasama ko roon si Vilma [Santos] at Richard [Gomez], and I was mean. But this is my meanest! It's not easy."

Sambit ni Fanny, sabay yakap sa Tita Gloria niya, "Tita, pakiramdam ko nga parang magkabilang tsinelas ang humampas sa mukha ko!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Mahinahong sagot naman ni Ms. Gloria, na nakangisi pa, "E, kasi, sabi mo ang hina naman ng sampal ko. A, ganoon, a. Sige, bigyan kita ng kaibang sampal."

Dinagdag ni Ms. Gloria na may isang daang eksena yata siya sa pelikula, pero tatlo lamang ang shooting days niya. "Naku, would you believe I shot for only three days? We'd start at eight in the morning and by 12 midnight, we'd pack up. Three days! Kaya dapat memorized mo lahat ng lines mo the night before. Hindi puwedeng mag-aksaya ng oras at negatibo. Kailangan prepared ka. Memorized mo lahat."

Susog ni Direk Neal, "We shot for mga seven days for the whole film. Talagang mahigpit. Indie ito, iba ang budget. Kaya natapos ng three days ang mga eksena ng lola."

Ganunpaman, hindi matatawaran ang acting ni Gloria Romero sa Tarima. "Believable siya, hateful siya, magagalit ka sa kaniya," sabi ni Ms. Jo-Ann.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Sa tingin din ni Ms. Jo-Ann, sa isang eksena lang nadehado ang beteranong aktres, na tumanyag sa bakuran ng Sampaguita Pictures: "This was the scene where Fanny finally explodes. This was, of course, Fanny's moment, and Ms. Gloria had to take a secondary role. But I think the director should have taken more reaction shots from Ms. Gloria, so that he could have chosen the best, to match the intensity of both actors.

"At two points in that scene, I thought hindi nag-match. Ito iyong intensity ng pagsabog ni Fanny, whose face dominated the screen in close-ups, sa intensity ng reaction ni Ms. Gloria, who was receding in the shot. And yet this is something easily solved, had the director taken a few more shots to select from. After all, Ms. Gloria always delivers."

FANNY SERRANO. Ngunit sa huli, ayon kay Ms. Jo-Ann, "Tarima is Fanny Serrano's film."

Paliwanag niya, "Hindi lang dahil nasa bawat frame halos si Fanny, hindi lang dahil umiikot sa kanya ang istorya, o dahil kasa-kasama siya sa mga dramatic highs ng bawat artista, from Chokoleit to Rustica to Gloria to Rocky to Ana Capri. It is Fanny's film because he is very good in it. He owned the role."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Sabi nga ni Ms. Jo-Ann, narinig niya nang gabi ring iyon si Narciso Chan, ang sales at marketing director ng Sony Music Philippines na guest din sa screening, na nagsabi kay Fanny, "Hindi ko alam umaarte ka pala! Kelan pa ito?"

Sinabi naman ni Ms. Gloria, "Lumalabas na iyan sa MMK [Maalaala Mo Kaya, ABS-CBN drama anthology] at ibang pelikula noon-noon pa."

Bilang pagpapaalam, sinabi ni Ms. Jo-Ann kay Fanny, "Akalain mo, Fanny, napakatalento mo pala. Baka nga mas magaling ka pa sa ilang stars na minimakeupan mo at binibihisan."

Ngiting-ngiti naman si Fanny, at nagsabing, "Sana nga magustahan ng mga tao ang akting ko rito, at sana magustuhan ang labor of love naming ito. Punta kayong lahat sa premiere night! Agosto 28!"

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Tarima, an indie film starring Fanny Serrano (in photo) and Rocky Salumbides, will premiere at the Cultural Center of the Philippines on August 28.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results