Nag-level up na talaga ang Teenternational housemate ng Pinoy Big Brother Teen Clash of 2010 na si Bret Jackson. Mula sa pagiging heartthrob sa loob ng Bahay ni Kuya, guest video jock (VJ) na ito sa MYX music channel.
Kuwento ni Bret—na lalong sumikat sa pagiging Justin Bieber look-alike—masayang-masaya siya nang manalo sa PBB challenge ng MYX, kung saan prize ang pagiging MYX guest VJ sa loob ng tatlong buwan. Naniniwala siyang pabor sa kanyang pagiging VJ ang pagkahilig niya sa musika. "My edge is that I know music inside and out. I love everything about music. Music is my life."
Bago sumali sa PBB, si Bret ay isang simpleng Med Tech (Medical Technology) student sa Dumaguete na abala sa iba't ibang extra-curricular activities, kabilang na ang pagiging president ng kanyang batch, varsity staff ng swimming team, at pagiging miyembro ng isang banda. Indie singer din si Bret noong nasa U.S. pa ito.
Bagama't purong Amerikano, aminado si Bret na pusong-Pinoy na siya lalo na pagdating sa musika. Ilan sa mga paborito niyang pakinggan ang Chicosi, Sandwich, Urbandub at si Yeng Constantino.
Ngayong August, abangan si Bret sa My MYX: Mondays to Fridays tuwing 2:30 am, 8 am, 3 pm at 8:30pm at sa weekends sa ganap na 8 am.
Kung fan ka ni Bret, laging tumutok sa MYX sa SkyCable Gold, SkyCable Silver at iba pang quality cable operators nationwide. Mapapanood din ang MYX sa Studio 23.