Si John Lloyd Cruz ang dumalo sa preliminary investigation ng reklamong child abuse at cyber libel na kinakaharap ng kanyang girlfriend na Ellen Adarna.
Ito ay kaugnay ng isinampang reklamo ng mga magulang ng teenager na si Eleila Santos, na inakusahan ni Ellen ng patagong pagkuha ng video nila ni John Lloyd sa loob ng isang ramen restaurant sa Makati City noong May 14.
Ginanap ang hearing sa Pasig City Prosecutor's Office nitong Lunes ng hapon, June 11.
Kasama ng aktor na dumalo sa pagdinig ang abugado ni Ellen.
Tumagal lamang ng halos 30 minuto ang preliminary investigation, matapos hilingin ng kampo ni Ellen sa korte na ipagpaliban ang pagpapatuloy ng hearing sa June 25.
Pinagbigyan naman ng korte ang kanilang hiling.
Kinagabihan, kinumpirma ng News5 reporter na si MJ Marfori ng Aksyon Prime ng TV5 na ang inihaing motion for trial rescheduling ng abugado ng aktres ay dahil anytime soon ay isisilang na ni Ellen ang anak ni John Lloyd.
Noong November 2017 ay eksklsusibong ibinalita ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na nagdadalantao si Ellen sa anak nila ng boyfriend na si John Lloyd.
Bagamat halata na ang paglaki ng tiyan ni Ellen, wala pang tuwirang pag-amin mula sa dalawa.
