Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Rina Navarro tungkol sa akusasyon ni Gina Magat na inagaw raw nito ang kanyang ex-fiancé noong 2013.
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Gina na lumabas kahapon, June 4, inilahad niya kung paano raw pinursige ni Rina na maagaw sa kanya ang fiancé at ama ng kanyang anak.
Ito ang kaparehong sitwasyon na inaakusa naman ni Rina, miyembro ng Cinema Evaluation Board at film producer, sa aktres na si Ara Mina.
Diumano, inagaw ni Ara ang kanyang fiancé na si Undersecretary Dave Almarinez, president at CEO ng Philippine International Trading Corporation, kung saan mayroon siyang isang anak.
OWN BATTLE. Sa panayam ng PEP.ph kay Gina, inamin niyang nagpadala siya ng mensahe ng suporta kay Ara.
Ibinahagi rin daw niya sa aktres ang kanyang hindi magandang karanasan kay Rina may limang taon na ang nakararaan.
Saad ng IT school executive, “I sent her a DM [direct messaging] through Instagram.
"Then, yun, ikinuwento ko sa kanya yung nangyari sa amin ni Rina before.”
Bakit kaya siya nagpadala ng mensahe sa aktres?
Paliwanag ni Gina, “Kasi I feel sorry for her [Ara], kasi ginagawan siya ng issue, e.
"'Tapos ganun pa yung ipinapakita niya [Rina] sa interviews na parang aping-api siya."
Pero hindi raw siya nanghihimasok sa alitan nina Rina at Ara dahil iba raw ang away nila ng una.
“Siguro, between her and Ara, it’s for them to settle. I want to stay out of their issue.
“Kasi, this is my personal issue. This is my personal opinion about her.
“So, for that matter, sila na lang yung mag-aayos nun [away nila].”
Mananatiling bukas ang PEP.ph sa panig ni Rina Navarro tungkol sa mga pahayag laban sa kanya ni Gina Magat.
