Kabilang ang taxi driver ng PBA player na si Doug Kramer sa mga inaresto dahil sa isang insidente ng pagnanakaw sa Quezon City kahapon, July 30.
Base sa impormasyong ipinadala ng Quezon City Police District (QCPD) director na si Police Chief Superintendent Joselito Esquivel, Jr. sa media, kabilang na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ngayong tanghali ng Martes, July 31, nahuli ng operatiba ng Masambong Police Station 2 si Eddie Valiente at mga kasabwat nito sa Bagong Ilog, Pasig City.
Si Valiente ay napag-alamang nagtatrabaho bilang driver sa taxi company na pag-aari ni Kramer.
Ayon sa police report, bandang hapon ng July 29, Linggo, sapilitan daw pumasok si Valiente at tatlo nitong kasabwat sa bahay ng isang negosyanteng babae sa Veterans Village, Quezon City.
Kabilang daw sa natangay nina Valiente ang ilang mamahaling gamit, gaya ng cell phone at 32” LED TV.
Tumakas ang mga suspek sa pinagnakawang bahay sakay ng Toyota Vios taxi, ngunit nakuhaan ito ng CCTV footage.
Lumapit ang biktima sa pulisya at sa pakikipagtulungan ng Land Transportation Office (LTO), natukoy na ang plate number ng taxi ay nakarehistro kay Kramer.
Nakipagtulungan si Kramer sa pulisya at ibinigay nito ang address ng kanyang driver kaya kaagad itong natunton sa ginawang follow-up operations.

Narekober mula sa mga suspek ang taxi na may body marking na Remark Taxi, isang kalibre .38 baril, cellphone, TV, at laptop bag.

Humingi na ang PEP.ph ng karagdagang pahayag mula kay Kramer sa pamamagitan ng direct messaging sa Instagram, ngunit hindi pa ito sumagot sa aming mensahe.
Si Kramer ay naglalaro para sa koponan ng GlobalPort Batang Pier sa PBA.
