Nasorpresa raw si Alden Richards, 26, nang makarating sa kanya ang pahayag ni Kris Aquino, 47, na posibleng matipuhan siya nito bilang potential boyfriend sakaling magkaedad sila ngayon.
Inamin ni Alden na napanood niya ang maiksing video kung saan nabanggit siya ni Kris.
“Masaya po ako siyempre. Being mentioned by Kris Aquino is a big honor,” nakangiting bungad ni Alden.
Kaugnay ito ng sagot ni Kris sa Q&A portion sa presscon ng pelikulang I Love You, Hater, kung saan tinanong siya kung posibleng ma-in love siya sa co-star niyang si Joshua Garcia kung nagkataong pareho lang sila ng edad.
Pinili ni Kris si Alden kahit pa hindi nabanggit ang Kapuso actor sa usapan.
Single pa raw kasi si Alden, hindi 'tulad ni Joshua na karelasyon na ang Kapamilya actress na si Julia Barretto.
Sabi naman ni Alden, “Nagugulat po ako sa nababasa ko kasi hindi naman po kami masyado nagkakausap ni Ms. Kris Aquino, and yet she has nothing but good words for me.
“Nakakataba lang ng puso. Nakaka-humble.”
Nahingan ng reaksiyon si Alden sa grand press conference ng pinagbibidahan nitong GMA-7 prime time series, ang Victor Magtanggol, na ginanap sa Studio 7 ng GMA Network, sa may Quezon City, noong July 23.
Sa hiwalay na ulat na nailathala sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong June 22, nakasaad ang papuri ni Kris sa positibong disposisyon ni Alden.
Base sa pakikipag-usap niya sa ilang fans ni Alden sa social media, sabi ni Kris, “Gusto ko talaga yung aura nya, his love for family, and the fact that he waited & worked so hard to have what he has now.”
Nabanggit din ni Kris na pangarap niyang makatrabaho si Alden bilang anak niya sa isang pelikula kung mabibigyan sila ng pagkakataon.
