Nagbigay ng malaking sorpresa si Megastar Sharon Cuneta para sa 20 Star Power Finalists.
Lahat kasi sila ay nagkaroon ng pagkakataon na panoorin ang October 23 concert ng Legendary Hitman at 14-time Grammy Award winner na si David Foster, kasama ang international singing sensation na si Charice. Kabilang rin sa mga performers sina Natalie Cole, Peter Cetera at ang Canadian Tenors.
GOING TO THE CONCERT. "Naiiyak ako sa tuwa," sambit ni Kaye Racho (18, Cebu), isa sa 20 finalists, habang papasok sa gate ng Araneta Coliseum upang saksihan ang David Foster concert.
"Parang pangarap lang. Shivers talaga!" hiyaw naman ng contender from Canada na si K-la Rivera matapos marinig ang hit na hit na Pyramid na inawit ni Charice.
Lalo pang nagulantang ang mga kalahok nang malaman nila na bukod sa panonood ng naturang concert, mayroon pa silang isang exclusive meeting with Charice.
Pagpasok pa lang ni Charice sa Star Power meeting room, agad naghiyawan ang finalists kasabay ang masigabong palakpakan.
WORDS OF WISDOM FROM CHARICE. "Siyempre, minsan, hindi naman maiiwasang matalo ka. Isa 'yan sa reasons kung bakit lalakas yung loob mo. Kasi kapag natalo ka, mas gagawin mo yung best mo sa susunod. Mas importante lang na mas pairalin mo yung friendship kaysa sa competition," payo ni Charice sa mga contenders.
Buong pagpapakumbaba ding inamin ni Charice na ilan sa mga mapalad na mini-mentor ni Megastar ay ang kanyang nakalaban noong siya ay sumasali pa sa mga amateur singing contests. "Familiar faces," 'ika nga ni Charice.
Tinukoy niya si Angeline Quinto (20, City of Manila) at Ninay Lescano (20, Lipa City) bilang ilan sa mga naging katunggali niya dati.
"Wala naman akong right na magbigay ng tips sa inyo, kasi hindi naman ako naiiba sa inyo. So, I guess, ang masasabi ko lang, just be yourself. Just be humble always. 'Yan ang pinakaimportante sa lahat kasi kahit na alam kong lahat kayo, malayo yung mararating nyo. But if you stay the way you are, mamahalin kayo ng maraming tao," dagdag pa ni Charice.
Ang international Pinay singing sensation ay napili upang lumahok sa 13th "Christmas in Rockefeller Center" special ng NBC. Gaganapin sa New York City on November 30, 2010. (CLICK HERE to read related article)
Mapapanood rin si Charice sa November 7 episode ng ASAP XV. Ang Journey vocalist na si Arnel Pineda at Bb. Pilipinas-Universe Venus Raj ay ilan sa mga performers na inaasahan na mapanood sa variety show ng ABS-CBN.
Samantala, ngayong Linggo sa Star Power, pagkatapos ng Rated K sa ABS-CBN, ang nalalabing anim—Jizelle Formilleza (19, Compostella Valley), Rose Ann Francisco (15, Batangas), Natasia Cunanan (20, Bulacan), K-la Rivera (19, Canada), Mia (18, Mandaluyong City) at Monica Sacay (15, Leyte)—mula sa 20 finalists ang handang-handa nang ilahad ang kwento ng kanilang buhay sa "My Story, My Song."
FINDING SELF-CONFIDENCE AGAIN. Patunay lamang na malaki ang kanyang pagmamahal sa musika, iba't ibang musical instruments ang pinag-aralang tugtugin ni Jizelle. At dahil sa kanyang pagpupursige, marami ang humanga sa mga talent niya.
Ganumpaman, mababa ang self-confidence ni Jizelle. Aniya, masakit daw kasing "i-down" at ikumpara sa iba, kaya hanggang ngayon, hindi pa rin niya gaanong masinagan ang ningning na nakikita ng iba sa kanya.
Sa tulong ng Star Power, kanyang pamilya't boyfriend, umaasa si Jizelle na unti-unting manunumbalik ang kanyang tiwala sa sarili.
RAKET ROSE. Business-minded naman daw na maituturing itong si Rose Ann. Lahat daw kasi ng raket, basta pagkakaperahan ay kina-career daw niya.
Kaagapay ang amang jeepney driver, inang housewife, kakambal, at lima pang kapatid, sinisikap ni Rose Ann na itaguyod ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng kanyang talent.
Kuwento niya na minsan daw ay nanalo siya sa isang singing contest, at ang napanalunan niya ay ginamit nila para makabili ng school supplies. Ganoon na lang ang pagsisikap ni Rose Ann dahil ayaw niyang maranasang muli ang hindi makakain sa oras.
DOING IT FOR MAMA. "Hindi kumpleto ngunit masaya," ganito isinalarawan ni Natasia ang kanyang buhay. Hiwalay kasi ang mga magulang niya at ang ama'y mayroon nang sariling pamilya. Ang ina naman niya ay nag-asawang muli ngunit hiwalay na raw ulit ito ngayon.
Ang masaklap pa, kamakailan lang ay may nadiskubreng tumor sa utak ng pinakamamahal na ina. Bilang anak ng single mom na may sakit, mahirap ito para sa kanilang magkakapatid.
Kaya naman maliban sa pangarap na maging isang singer, naging dahilan din ni Natasia ang pagpapagamot ng ina sa pagsali sa Star Power.
PURSUING HER DREAM. Malaki naman ang naging pakikipagsapalaran ni K-la nang iwan nito ang bansang Canada upang harapin ang mga kababayan sa Pilipinas at i-pursue ang pinapangarap na singing career.
Kahit sobrang masakit daw ang mawalay siya kanyang ama at iba pang mga kapatid, aniya, nais pa rin niyang tuparin ang kanyang mga pangarap. Labis na nahahabag din daw si K-la para sa inang piniling samahan siya sa Manila, maipagpatuloy lang ang kanyang pangarap.
PUTTING BERKLEE ON HOLD TO SHINE. Pinakamalaking achievement naman para kay Mia ang makapasok sa prestihiyosong Berklee College of Music sa Boston, Texas.
Mula pagkabata, hilig na talaga ni Mia ang musika. Aminado ang dalaga na impluwensya ng kanyang pamilya ang kanyang pagiging music lover. Sa katunayan, lahat silang magkakapatid, marunong tumugtog ng piano and violin.
Aniya, minsan kailangan talagang magsakripisyo upang matupad ang mga pangarap. Mas pinili kasi niyang maging bahagi ng Star Power upang malaman kung ito nga talaga ang magdadala sa kanya sa pinapangarap na stardom.
"Berklee can wait. My time to shine is now," sabi ni Mia.
STRENGTH FROM HER LOSS. Ilang taon na ang lumipas simula nang maulila si Monica sa mga magulang. Ngunit minsan ay nalulungkot pa rin siya sa tuwing naiisip niya ito.
Matapos pumanaw ang kanyang ama, nagkasakit na rin ang kanyang ina. Madalas imbitahan si Monica upang umawit sa mga kasal, birthday parties at maging sa mga lamay matustusan lang ang gamot ng ina.
Ang pinakamasaklap na karanasan niya ay ang manlimos siya upang may mapakain at maipanggamot siya sa kanyang maysakit na ina, na di kalauna'y namatay rin.
Sobrang mahirap daw talaga ang mawalan ng mga magulang. Ganumpaman, kakayanin pa rin daw niyang bumangon sa tulong ng mga taong patuloy na nagtitiwala at nagmamahal sa kanya.
Nakilala na ang 20 Star Power Finalists. Sino kaya sa kanila ang magniningning nang husto?
Mapapanood ang Star Power: Search for the next female Pop Superstar ngayong Linggo, pagkatapos ng Rated K sa ABS-CBN.