Lalong lumakas ang ispekulasyon na lilipat na nga sa ABS-CBN ang Asia's Songbird na si Regine Velasquez pagkatapos nitong um-attend sa ABS-CBN Ball 2018 kagabi, September 29, sa Makati Shangri-La Hotel, kasama ang mister na si Ogie Alcasid.
Si Ogie lang, kasama ang anak na si Leila Alcasid, ang dumaan sa red carpet.
Sa panayam ni MJ Felipe ng ABS-CBN News, sinabi ng singer-composer na excited siya kung anuman ang mangyayari sa mga susunod na araw para sa asawa pagdating sa career nito.
Saad niya, "She is still officially with GMA. Kung ano man yung naririnig niyo, all I can say is that I'm very, very excited for her whatever happens.
"As I said, lagi ko sinasabi, it's all positive, positive vibes, so exciting, exciting times ahead."
Dagdag pa ng It’s Showtime judge para sa "Tawag ng Tanghalan," "Basta ako, bilang asawa niya, laging full support para sa kanya, at excited ako para sa kanya, kung anuman ang mangyayari.
"It's a blessing, always. Iyon lang."
RUBBING ELBOWS WITH THE BIGWIGS
Sa mga larawang ibinahagi naman ng Dreamscape Entertainment AdProm Manager na si Eric John Salut, makikitang naki-mingle ang singer-actress na si Regine sa mga namumuno ng Kapamilya Network.
Ilan sa kanila ay sina ABS-CBN Chief Operating Officer for Broadcast na si Cory Vidanes, Dreamscape Entertainment Head na si Roldeo Edrinal, ang dating managing director ng ABS-CBN Film Productions na si Malou Santos, at ang Chairman Emeritus ng ABS-CBN na si Gabby Lopez.
Samantala, ngayong gabi naman, September 30, ang grand finals ng singing competition na hinu-host ni Regine sa GMA na The Clash.
Ayon sa mga lumabas nang balita, tatapusin muna ni Regine ang kanyang U.S. tour ngayong Oktubre bago siya pormal na pumirma ng kontrata sa ABS-CBN.
