Pinabulaanan ni Katrina Halili ang bali-balitang wala na silang komunikasyon at wala na silang pakialam sa isa't isa ng dati niyang boyfriend na si Kris Lawrence.
“Grabe! Huy, okay kami,” paglinaw ni Katrina.
Regular daw na dumadalaw si Kris sa anak nilang si Katie.
“Yes, oo,” sagot ni Katrina sa tanong namin kung nagbibigay ng sustento si Kris para kay Katie.
Kay Katrina raw ibinibigay ni Kris ang pera.
“Pero sa anak niya yun.”
“Sapat lang,” sagot ni Katrina sa tanong kung magkano ang inaabot sa kanya ni Kris.
May girlfriend na ba si Kris?
“Parang meron naman.”
Hindi kaya posibleng sila rin ni Kris ang magkabalikan sa huli?
“No.
“Pag ayaw ko na, ayoko na.
“Mas ok kami as friends,” diin niya.
Alam raw ni Katie ang buong sitwasyon sa pagitan ng kanyang mga magulang.
“Alam naman niya yung set-up kahit before pa.”
Six years old na si Katie.
Bida si Katrina sa Mga Anak ng Kamote kung saan kasama niya sina Alex Medina, Carl Guevara, Lui Manansala, at Kiko Matos.
Sa direksyon ni Carlo Catu at produced ni Dr. Milagros How, kasali ito sa TOFARM Film Festival 2018 na mapapanood sa mga sinehan sa extended run nito hanggang October 2.
Sa opening ceremonies ng TOFARM nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Katrina noong September 10 sa Novotel Hotel sa Cubao, Quezon City.
Isa rin si Katrina sa mga bida sa The Stepdaughters wth Mikael Daez at Megan Young..
STILL LOOKING FRESH
Pinansin naman namin ang kaseksihan ngayon ni Katrina, na mas seksi pa siya ngayong may anak na siya kaysa noong dalaga siya.
“Siyempre, wala na nga akong dyowa, chaka pa ako?
“Kaya kahit wala akong dyowa, fresh ako, ayoko naman mukhang loser.
“Wala na nga akong love life, tapos ang haggard ko pa?
“Para kahit sabihin na wala akong lovelife, e ano ngayon? Fresh naman!”
Nakakontrata si Katrina sa GMA hanggang 2019, at wala raw siyang planong lumipat.
“Hindi naman ako pinapabayaan ng GMA, e!” pagpapasalamat niya.
NOT THREATENED BY KYLINE
Sa tanong kung hindi ba siya threatened sa mga bago at mas batang kontrabida sa GMA tulad ni Kyline Alcantara, sagot niya, “Ay hindi naman.
“Nakakatuwa nga yung bata, e. Magaling, talented, di ba?
“Si Kyline, napapanood ko, okay naman siya.”
Marami ang naniniwalang si Kyline ang magiging next Katrina Halili.
Saad niya, “Oh? Bakit naman ako mate-threaten sa kanya? Bata-bata pa niya, e.”
Bata pa rin naman si Katrina.
“Baby face lang,” at tumawa si Katrina.
“Hindi naman kami magkasing-age.”
Dapat ay magsama sila ni Kyline sa isang project.
“Puwede. Bet ko yun.
“Hindi ko naman siguro puwedeng awayin si ano… maging kontrabida ako ni Bianca Umali.
“Bigay na natin yun kay Kyline.”
