Pinag-usapan sa social media kahapon, November 28, ang engagement ng singer na si Jake Zyrus sa girlfriend nitong si Shyre Aquino.
Si Shyre, isang registered nutritionist-dietitian, ay matagal nang kakilala ni Jake. Ngunit kamakailan lamang naging pormal ang kanilang relasyon.
Gusto na nilang gawing solido ang kanilang relasyon sa pamamagitan ng pagpapakasal.
Hiningi ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang reaksiyon ng ina ni Jake na si Raquel Pempengco tungkol sa engagement ng panganay na anak.
Maiksing sagot ni Raquel, “Better for her if she’s engaged. God bless her.”
Mapapansin sa sagot ni Raquel na hindi pa rin nito tanggap ang pagiging trans man ng anak, na unang nakilala bilang si Charice Pempengco.
May hidwaan pa rin ang mag-ina dahil sa palitan nila ng patutsada sa kanilang interviews nitong mga nakaraang buwan.
Ang huling alitan nila ay nag-ugat sa pagtawag ni Jake sa ina na “evil queen” noong bata pa siya, base sa inilabas na libro ng singer.
