Nakapiling na ulit ni Ciara Sotto ang kanyang non-showbiz boyfriend na si Ian Austin.
Base ito sa magkakasunod na Instagram Story ni Ciara kahapon, January 30.
Todo ang ngiti ni Ciara habang nagpapakuha sila ng litrato ni Ian. Kasama rin nila ang mag-a-apat na taong gulang na anak ng 38-year-old actress.
Tila kumportableng nakaupo pa ang anak ni Ciara sa leeg ni Ian, habang hawak ng aktres ang kamay ng bata.
Nakayakap naman si Ian sa baywang ni Ciara at magkahawak-kamay rin ang dalawa.
Sa isa pang litrato, kasama ng magkasintahan ang kapatid ni Ciara na si Gian Sotto.
Si Gian ang unang nagbuking na may love life na ulit si Ciara noong September 23, 2018.
Malinaw na welcome na welcome si Ian sa pamilya ni Ciara.
Pati sa mga pamangkin ni Ciara ay may kuha ring litrato ang magkasintahan.
Hindi binanggit ni Ciara kung saan sila namasyal, pero makikitang nasa isang indoor kids playground sila.
Sa ngayon, hindi pa idinedetalye ni Ciara kung paano sila nagkakilala ni Ian at kung kailan naging sila.
Ang tanging impormasyon mula sa Instagram bio ni Ian ay ang U.S. at Philippine flags, na nagpapahiwatig kung saan siya nakabase.
Nakasaad din dito na isa siyang propbuilder/sculptor.
