Pinaboran ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 292 ang petisyon ng negosyanteng si Xian Gaza na huwag munang ipatupad ang kanyang limang-taong pagkakakulong na ipinag-utos ng Malabon Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 120.

Ayon kay Xian, nagsumite siya ng petisyon sa Malabon City-RTC dahil pakiramdam niya ay naging "mainit at bias" sa kanya ang presiding judge na si Maya Joy P. Guiyab-Camposanto.
Pahayag ni Xian sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sa pamamagitan ng Facebook messaging ngayong Lunes, February 11, "I personally believe na yung guilty verdict niya ay bias dahil sobrang mainit siya sa akin from the very start kaya nag-file kami ng petition against her decision. It was granted and I'm happy about it."
Matatandaang noong April 2017, naglabas ng dalawang warrants of arrest ang MTC Branch 120 laban kay Xian kaugnay sa paglabag niya sa Batas Pambansa (BP) 22 o Anti-Bouncing Checks Law.
Ang nagsampa ng reklamo ay sina Jaime Asuncion at Melinda Cruz, na diumano'y nautangan ni Xian ng halagang umabot sa P2 milyon.
Pinagtibay ang naging sentensiya sa kanya noong June 2018.
Base naman sa limang pahinang desisyon na pirmado ni RTC Branch 122 Judge Misael M. Ladaga, nakasaad dito:
“Petitioner’s application for issuance of a writ of preliminary injunction is GRANTED upon posting of a bond in the amount of Two Hundred Thousand Pesos (P200,000.00) in favor of the private respondent in order to answer for the damages that the latter may sustain by reason of this injunction.
“Upon approval of the requisite bond, let a writ of preliminary injunction issue enjoining the Metropolitan Trial Court Branch 120, Malabon City from proceeding with the enforcement and execution of it’s Decision dated June 21, 2018, pending resolution of the main petition.”


Noong December 3, 2018 pa ang desisyon ngunit ngayon lamang nakakuha ang PEP.ph ng kopya ng dokumento.
Nakilala si Xian dahil nag-viral ang billboard invitation niya sa aktres na si Erich Gonzales para sa isang coffee date noong 2017.