Lumabas si Maja Salvador kasama ang kanyang rumored boyfriend na si Rambo Nuñez.
Base sa mga larawan at videos na ipinost sa social media nitong Huwebes, February 21, kasama ng dalawa ang mga kaibigan ng aktres na sina Kakai Bautista at Thou Reyes.
Sa isang larawan ay makikita sina Maja at Rambo na magka-holding hands pa. Dito ay katabi ni Maja ang ina ni Rambo na si Marilen Nuñez, isang kilalang events organizer.
Sa isang larawan ay kasama nina Maja, Rambo, at Thou si Gretchen Ho.
Base sa impormasyong nakalagay sa posts, dumalo si Maja at mga kaibigan sa launch ng isang furniture brand.
Posibleng ang humawak ng event ay ang kompanya ni Rambo, na presidente ng isang marketing at advertising agency.
Sa sumunod pang Instagram Stories nina Maja, Kakai, at Thou kagabi, makikitang kasama nila si Kim Chiu sa isang bar.
Nitong February 16, naging usap-usapan ang post ni Maja ng larawan ng bouquet of roses at Valentine card na may sweet message.
Nai-post din ang mga larawan ng aktres kung saan kasama niya ang ex-boyfriend na si Rambo.
May mga kapwa artista si Maja na tumukso sa kanya, dahilan upang magkaroon ng espekulasyong nagkabalikan na ang aktres at si Rambo pagkatapos ng siyam na taon.
Wala pang kumpirmasyon sa panig nina Maja at Rambo kung sila na nga ulit.
Ngunit base sa mga bagong larawang lumalabas sa social media, tila may katotohanan ito.
