Noong 2003 unang nakilala ng publiko si Ina Montecillo, ang single mother na binigyang buhay ni Ai-Ai delas Alas sa pelikulang Ang Tanging Ina. Sa blockbuster comedy film na ito ng Star Cinema, nakita ng mga manonood kung paano itinaguyod ni Ina ang kanyang 12 anak.
Naging Presidente naman ng bansa si Ina sa ikalawang installment, Ang Tanging Ina N'yong Lahat, na pinalabas noong 2008.
Ngayong 2010, kabilang sa 36th Metro Manila Film Festival ang ikatlo at huling installment ng comedy film na idinerehe ni Wenn Deramas, ang Ang Tanging Ina Mo Rin (Last Na 'To!).
Sa presscon na ginawa kamakailan sa Dolphy Theater ng ABS-CBN ay ilang beses tinanong ng mga miyembro ng press kung talaga bang huli nang Tanging Ina ito. Inamin ni Ai-Ai na dahil dito ay nalungkot siya. "Ganoon naman talaga sa bawat yugto ng buhay natin may tuldok. Pagkatapos ng tuldok, may comma uli, meron ulit bagong mangyayari sa buhay natin." Ngunit dagdag niya: "Mas maganda po yung grand exit ng isang bagay nang nasa taas siya, so na-decide namin na habang talagang mainit pa 'yong Tanging Ina, 'yon na talaga 'yong last."
Bigatin ang mga kasabayang entry sa MMFF, tulad na lang ng Si Agimat at si Enteng Kabisote, ang pelikula nina Vic Sotto at Sen. Bong Revilla. Ano ang nararamdaman nila sa kompetisyon? Ayon kay Direk Wenn Deramas, "Kaibigan ko si Sen. Bong Revilla at malaking malaki ang respeto ko kay Vic Sotto. Tao lang po ang huhusga.... ginawa po namin ang lahat lahat, ang manonood na ang magdedesisyon."
Dagdag naman ni Ai-Ai: "Idol ko si Bossing, at ang dalawa 'yan ay hari ng industriya. Okay lang, sila naman, e. Di na ko nape-pressure, laging nasa puso ko yung 'trust God with all your heart.' Kung ano yung plano ng Panginoon, yun na yun."
MADAMDAMING PAG-AMIN. Para sa huling Tanging Ina ay pinagsama-sama ang mga miyembro ng pamilya sa orihinal na cast, kahit na nasa ibang bansa na at ibang istasyon ang iba-maliban nalang kay Heart Evangelista. "Nakakahinayang lang pero ganoon talaga ang buhay, mayroong mga bagay na di natin ma-explain pero nangyayari, pero kelangan natin mag-move on," ang sabi na lang ni Ai-Ai tungkol sa hindi pagsama ni Heart sa naturang pelikula.
Si Marvin Agustin naman, kahit nasa bakuran na ng GMA-7 ngayon, ay natuwa na napasama siya sa cast na mistulang naging reunion nila. Ani Marvin, "Di naging mahirap [na magpaalam sa GMA-7] kasi part naman ako talaga ng Tanging Ina, kaya di naman sila nagdamot. Dito naman ako nanggaling sa ABS-CBN at natutuwa sila [GMA-7 executives] na marunong akong tumanaw ng utang na loob."
Napaiyak naman si Nikki Valdez nang tanungin kung paano siya nakumbinse na iwan ang tahanan sa Canada upang sumali sa pelikula. Dito na niya inamin na last year pa siya bumalik ng Pilipinas. "My husband and I, we've had our differences, ang hirap din naman na... di ko naman tinatago, may anak na kaming two years and four months old... Hindi pa kami legally separated pero estranged kami." Ang anak niya ay nasa kanyang poder, ayon kay Nikki.
(CLICK HERE to read related article)
BEST FRIENDS FOREVER. Sinagot din nina Direk Wenn at lead actresses na sina Ai-Ai at Eugene Domingo ang intrigang sumulpot bago pa man magsimulang mag-shooting: na hindi na kasama si Eugene sa huling Tanging Ina. "Wala talaga akong alam tungkol doon," sabi ni Ai-Ai.
Ayon naman kay Eugene, nang marinig niya ito ay tinanong niya si Direk Wenn: "Kasama pa po ba ako? Gustong gusto kong sumali, e, pakisigurado naman, kasi excited ako. Sa awa ng Diyos, natuloy ang kaligayahan. Kung 'di ako natuloy, pipilitin ko pa rin kahit cameo role," ang biro ni Eugene.
Natanong si Eugene kung siya na ba ang papalit sa trono ni Ai-Ai. "Ai-Ai delas Alas is my queen. Kahit anong tulong ang maibibigay ko, suporta, ibibigay ko sa napaka-propesyonal at mapagbigay na artista tulad ni Ai-Ai."
Obvious ang mutual admiration ang mag-best friend, dahil ayon kay Ai-Ai, "'Yung blending, kumbaga sa boses, tamang-tama ang timpla. Thank you kay God at binigyan niya tayo ng ganung klaseng talent."
"It's a gift, it's a blessing, magic talaga," segunda ni Eugene tungkol sa kanilang chemistry. "'Di na kami kailangan pang paliwanagan, ang mga reaksyon namin, natural nang lumalabas."
REAL-LIFE MOTHERS. Sa kadahilanang tungkol sa mga ina ang pelikula, ikinuwento ni Ai-Ai na may dalawa siyang ina: ang nanay na nagluwal sa kanya at ang kapatid ng tatay niya, ang tita na nagpalaki at nag-aruga sa kanya. "Noong buntis ang nanay ko, pang-anim na ako, at matandang dalaga ang tita ko. Sabi niya, 'pag babae 'yan, akin na lang.' After one year, dinala na niya ako sa Manila at di na ko pinauwi. Pinag-aaral din niya ang mga kapatid ko pero ako ang may kasulatan na tunay na anak."
Salaysay pa ng comedienne, "Seven years old ko nalaman at mula pa sa officemates ng nanay-nanayan ko. Madami akong tanong: Bakit ninyo ko pinamigay? Leksiyon din yan sa mga mag-aampon, na unahing sabihin sa anak ninyo kaysa sa iba malalaman na ampon siya."
Pareho namang tinuturing ni Ai-Ai na ina ang dalawang nanay niya. "Yung biological mother ko, mayroon talagang lukso ng dugo, yung pusod namin, magkadikit. Sa nagpalaki naman sa akin, may gratitude at respect, dahil kundi dahil sa kanya, di ako nakapag-aral at di siguro ako artista ngayon."
Kabilang sa cast ng Ang Tanging Ina Mo Rin (Last Na 'To!) sina Kaye Abad, Carlo Aquino, Alwyn Uytingco, Shaina Magdayao, Rafael Rosell, Yuuki Kadooka, Jiro Manio, Marc Acueza, at child star Xyriel Manabat.
Ito ay entry ng Star Cinema sa 36th Metro Manila Film Festival na magbubukas sa mga sinehan ngayong Pasko, December 25, 2010. 