Hindi na lingid sa kaalaam ng karamihan ang makulay na track record ni Dolphy sa mundo ng showbiz. Naging parte na siya ng 200 na pelikula sa 60 taon niya sa entertainment business.
Noong Nobyembre nga ay natanggap ni Dolphy ang Maringal na Kuwintas of the Order of the Golden Heart mula mismo kay President Noynoy Aquino sa isang simpleng seremonya na ginanap sa Malacañang.
Ito ay binigay kay Dolphy bilang pagkilala sa kanyang philanthropic efforts sa pamamagitan ng kanyang Dolphy Aid sa Pinoy Foundation (CLICK HERE to read related story).
Sa lahat ng mga roles na kanyang nagampanan, ang role niya ngayon sa upcoming comedy movie niya na Father Jejemon, na isang pari, ay isang "dream come-true" para kay Mang Dolphy.
Ito ang ibinunyag ni Mang Dolphy sa mga miyembro ng press noong Lunes, Disyembre 6, sa press conference ng comedy film na Father Jejemon sa Imperial Palace Suites sa Quezon City.
Ang Father Jejemon ay ang isa sa mga entries ngayong taon sa 36th Metro Manila Film Festival (MMFF).
INSPIRATION FOR THE MOVIE. Si Dolphy ang nag-conceptualize ng pelikulang ito at ang gumawa ng screenplay ay sina Bibeth Orteza and Rhandy Reyes, in collaboration with Dolphy and director Frank Gray. Si Rev. Larry Faraon ay nagsilbi bilang story consultant ng Father Jejemon.
Kwento ni Dolphy, nakuha daw niya ang inspirasyon na gampanan ang role ng isang pari mula sa tiyo niyang pari na pumanaw na.
"Galing 'yan sa uncle kong namatay na pari, naisip ko, 'Bakit hindi ako gumawa ng pelikulang pari.'
"[Pero naisip ko], 'Delikado 'pag pari, baka ako ma-censor. Sabi niya [uncle na pari], 'Hindi! Ako gagawa ng script. Hindi ka mase-censor dyan, ako sasagot niyan.
"Tapos, namatay na yung uncle ko, nawala tuloy sa isip ko yung paggawa ng pelikula," kwento ni Mang Dolphy.
Dream come-true nga ang pagganap niya na isang pari. "Ngayon lang ako lumabas [na pari]. Pero may linabasan ako dati pero nag-pari parihan lang ako," sabi ni Mang Dolphy.
Ano nga ba ang iba sa pagganap niya sa mga nakagawian na mga pari?
"Paring palaban. Moderno, medyo sumasaliwa sa nakasanayan," ang paglalarawan ng Hari ng Komedya.
Ngayong nagampanan na ni Mang Dolphy ang kanyang dream role, nakamit na niya ang lahat ng gusto niyang gawin. "Wala na akong maisip na kulang, e," sambit niya.
Ibig sabihin ba nito ay magreretiro na siya? "Actually retiro na ako," sagot niya. At may pahabol ng, "pero 'pag may offer nawawala ang retiro."
Ayon pa kay Mang Dolphy, hindi naman siya nag-e-expect pa na makakuha ng awards ang nasabing pelikula.
"Malalaki kalaban namin. Dehado kami. Kaya medyo makapwesto lang ng kaunti, ayos na sa amin," sabi ng veteran comedian.
"Basta kumita lang, okay na sa amin," tumatawang hayag ni Mang Dolphy. "Palagay ko naman, yung makakapanood ng pelikula ay masa-satisfied. "
DREAM COME TRUE FOR CAST MEMBERS. Bukod kay Mang Dolphy, dream come true din ang pelikulang ito para sa kanyang mga fellow cast members na first-time nila siyang makakasama.
"Ito ho ay dream come true sa akin. Kasi hindi po kumpleto ang career ko kung hindi ko makakasama si Dolphy," ang sabi ni Roy Alvarez na gumaganap sa karakter na si Mr. P, isang manipulative businessman at kontrabida sa pelikula.
Ang Internet sensation na sina Moymoy Palaboy at Roadfil ay masayang masaya sa una nilang pelikula.
Habang nagpapasahan ng mikropono ay sinabi ng dalawa ang: "Malaking karangalan," ang sabi ni Moymoy. Dagdag naman ni Roadfill, "dream come true...[na] makasama ang nag iisang hari ng komedya."
Sinegundahan din ito ng isa pang baguhan na si Ejay Falcon, "Dream come true ko talaga ito, makasama si Tito Dolphy!" Si Ejay ay gumanap bilang Luis, ang anak ni Mr. P na nanliligaw sa karakter ni Maja Salvador.
Si Maja naman ay gaganap bilang Isabel, ang dalagang anak ni Violeta (portrayed by Cherie Gil). Sinusupotahan ni Isabel ang mga plano ni Father Jejemon pero si Violeta ay gumagawa ng paraan upang mapaalis ang progresibong pari.
Matapos magsalita ang lahat, nagbiro si Mang Dolphy na, "What a coincidence! Lahat sila ngayon ko lang makakasama!"
Puri papuri nga ang mga kasama ni Mang Dolphy sa pelikula sa kanyang pagiging down-to-earth.
Ayon kay Moymoy, "Kahit po ang dami na niyang nagawa, second time naming ma-starstruck, napaka- down-to-earth niya. Kung ano siya dati hanggang sa ngayon, ganun pa din.
"Kinukwento niya yung past niya, [kwento niya], 'Nagmi-mimic din ako dati kaya nakakarelate ako sa inyo. Noong bata ako, nag- tsa-Charlie Chaplin ako.' Kinukwento niya po lahat, parang nakakataba din ng puso."
Mas lalong natuwa ang dalawa na ikinatuwa na din ng mga press na nandoon noong hapong iyon ng sabihin ni Dolphy ang, "Sinisiguro ko, after this movie, marami na kayong pelikula."
Nagbigay din ng papugay ang beteranong aktor at respetadong propesor sa teatro na si Tony Mabesa. "He is one of the greatest actors in the world. It a rare opportunity for us na meron tayong artista na katulad ni Dolphy," sabi niya.
Si Tony Mabesa ay gumaganap na si Fr. Baby, ang paring papalitan ng character ni Mang Dolphy sa bayan ng Parmbil.
SYNOPSIS. Magsisimula ang kwento sa pagpapalit ng parish priest sa bayan ng Parmbil. Si Fr. Baby (Tony Mabesa) ay kailangan na ng kapalit dahil sa kanyang nanghihinang katawan.
Si Fr. Jeremiah Jerome Montes, o Fr. Jejemon (Dolphy) ang papalit sa kanya.
Hindi magiging maganda ang pagtanggap ng mga tao nung una sa kanya. Ngunit, unti-unti niyang makukuha ang loob ng mga ito.
Isa sa magiging matinding kalaban ni Fr. Jejemon ay ang mayamang negosyante na si Mr. P (Roy Alvarez) na siyang kumokontrol sa bayan ng Parmbil.
Ang premiere night ng Father Jejemon ay gaganapin sa December 22, 7 pm sa SM Megamall Cinema 10.
Father Jejemon is under RVQ Productions and co-produced by Dolphy's partner, Zsa Zsa Padilla. It is directed by Frank Gray Jr.
