Sa simula pa lang, dapat isiping ang Father Jejemon ay isang comedy film. Ibig sabihin, walang kaseryosohan at ang pinakaunang layunin nito ay makapagpatawa o makapagpasaya ng movie goers.
Pangalawang konsiderasyon na lang sa comedy films yung may mapupulot kang values o aral. Minsan nga, bonus na lang iyon.
Kaya kahit na binatikos at pinagbantaan pang ibo-boycott ng ilang panatiko't personalidad ng Simbahang Katoliko ang pelikula, may ilan din namang nagtataka kung bakit kailangang seryosohin at itrato bilang insulto sa relihiyong Katoliko ang dalawang eksena sa "communion scene"ng Father Jejemon.
Ito yung eksenang nahulog sa gitna ng dibdib ng isang nangungumunyon na babae ang hostiya at ang pagkakaipit naman ng hostiya sa pustiso ng isa pang nangungumunyon na matandang babae.
CONTRASTING OPINIONS. Para sa ilang relihiyosong Katoliko at kay Father Fernando Suarez CC, "offensive" ang mga eksenang ito.
Kasama si Father Suarez sa grupong tumawag noon para i-boycott ang Father Jejemon. Banggit pa ng pari sa interview kanya kamakailan ng SNN, tanging ang dalawang binatikos na mga eksena lang ang nakita niyang "offensive" sa pelikula.
Matapos na ma-cut sa pelikula ang dalawang eksena at i-review muli sa Movie and Television Classification and Review Board (MTRCB) office, sinabi pa ni Father Suarez na, "Maganda naman, very positive ang values" ng Father Jejemon.
Kilala si Father Suarez, na miyembro ng Companions of the Cross, bilang "the healing priest" na nagsasagawa ng mga "healing mass" hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa ibang panig pa ng mundo.
Para naman sa consultant ng Father Jejemon na si Father Larry Faraon, OP (Dominican Order of Preachers), nangyayari naman daw ang mga eksenang ganito "in real life."
Ito raw ang binanggit ni Father Faraon sa producer ng pelikula at long-time partner ni Dolphy na si Zsa Zsa Padilla tungkol sa Father Jejemon. Sinabi pa ng singer-actress sa panayam sa kanya ng isang broadsheet, na walang nakitang masama sa mga eksena ng Father Jejemon si Father Faraon.
Kilala naman ang theologist, university professor, journalist, at radio and TV host na si Father Faraon sa pag-i-inject ng humor sa kanyang mga homily.
Sa panayam naman ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Zsa Zsa, sinabi nito na agad nilang inaksyunan ang mga binatikos na eksena (CLICK HERE to read related story) dahil ayaw rin daw ng Comedy King ng Pilipinas na may makaaway na mga pari, lalo na't sinasabi ngang baka huling pelikula na ni Dolphy ang Father Jejemon.
Isa pa, "dream role" daw ni Dolphy ang maging isang pari. Sa anim na dekada nang career ni Dolphy bilang comedy actor, marami na siyang nagampanan. Pero ito ngang maging pari sa pelikula ang isa sa matagal nang gustong gawin ng 82-taong gulang na aktor.
SEEKING EXPLANATION. Kapansin-pansin na may mga eksena sa Father Jejemon na hindi maipaliwanag.
Tulad na lang ng biglang pagkamuhi agad ng kontrabidang si Mr. P (Roy Alvarez) kay Father Jejemon (Dolphy), kahit di pa niya nakikilala personally at di nagsagawa man lang ng background check sa paparating pa lang na bagong pari ng bayan ng Parmbil (obvious na pagsakay sa "Farmville," kinalolokohan ngayong Facebook game).
Nag-utos agad siyang iligpit ang isang paring ni wala man lang siyang ideya kung talagang banta sa kapangyarihan niya sa mga mamamayan, kapulisan at pamahalaang bayan ng Parmbil, gayong ang ipinakita pa lang na establishing scene ng character ni Father Jejemon (na short for Father Jerome Jeremias Montes) ay mahilig lang itong makipag-jamming sa mga kabataang rockers.
Hindi rin malinaw ang motibasyon sa likod ng mga biglaang break o cut-scenes na song and dance numbers ng Father Jejemon. Bilang staple, lagi nang kasali ang mga eksenang ganito sa mga pelikulang pinagbibidahan ni Dolphy.
At ang ending ng pelikula, kunsaan bigla na lang inaresto ang mga kontrabida na sina Hepe (Efren Reyes), mayor (played by an extra) at ni Mr. P, at biglang pagsisisi nito sa mga kasalanan kay Father Jejemon at sa mga mamamayan ng Parmbil, hindi rin dapat hanapan ng dahilan.
Isang pelikulang pampamilya na may MTRCB rating na GP (General Patronage) ang Father Jejemon. Kaya dapat lang ipakita kaagad, lalo na sa mga batang nanonood, na hindi nagtatagumpay ang kasamaan, laging may kabayaran ang mga gawaing hindi tama at nasa huli lagi ang pagsisisi.
ACTING DEPARTMENT. Pagdating sa acting, satisfactory na maituturing ang performances nina Maja Salvador (Isabel) at Ejay Falcon (Luis). Bagay naman ang mga eksaherado't halos "cartoonish" na acting ni Roy Alvarez sa Father Jejemon na isang comedy.
Wala ka ring maipipintas sa tama lang at timpladong acting nina Cherie Gil (Violeta) at Tony Mabesa (Father Baby). Pero nakakapagtaka lang kung bakit parang laging ayos na ayos ang buhok ni Cherie at lagi siyang nakaalahas na perlas, kahit na nagsasampay lang ng mga labada. Bakit kaya pinili ng production na ganito ang gawing "look" ng character?
Tama lang din ang acting ni Nash Aguas bilang pasaway na si Carlo.
Nairaos naman kahit paano ang first movie acting job ni Rhap Salazar (XL, kasi malaki siya), ang mga patawa ng magkapatid na James at Rodfil Obeso ng Moymoy Palaboy (bilang Moy at Moy), at ang pagbabalik-pelikula ni Caloy "Ogag" Alde. May guest roles din ang magkapatid na Vandolph at Epy Quizon bilang mga na-possess ng demons.
OLD SCHOOL RULES. Pero ang hindi na dapat gawan pa ng review at hangaan na lang ang istilo ng pagpapatawa ay si Dolphy.
"Old school" mang masasabi, epektibo pa rin ang Hari ng Komedya ng Pelikulang Pilipino sa pagpapatawa sa sarili niyang pamamaraan.
May mga eksena mang tila maliliit at mahihina ang galaw, at may mga dialogue pang halos hindi na maintindihan mula kay Dolphy, kitang-kita naman at malinaw na malinaw ang cool at effortless timing and delivery ng pagpapatawa ni Mang Pidol.
Sa mga eksena ngang iyon—kunsaan hindi niya kailangang gumalaw at maging eksaherado—makikita kung gaano siya kagaling magpatawa at kung bakit siya nga ang tinaguriang "Philippines' King of Comedy."
Nasa pagpapatawa na kahit na noong panahon pa ng Japanese Occupation (1942-45), kabisado at master na ni Dolphy ang buong proseso ng pag-build up, pag-hook ng atensyon ng audience at tamang timing and delivery ng punchline o patawa. Maging ang pagbitaw ng mga simpleng adlib at paggamit o pag-interact sa mga materyales sa paligid niya, epektibo rin nitong nagagamit para makapagpatawa.
Mga talagang nakakatawang eksena para sa amin ang mga eksenang kasama niya ang mga lasing na sakristan bago magmisa at ang pagtatago niya sa hinahanap ng mga pulis na si Caloy.
Kahit na may mga eksenang humihingi nga ng paliwanag, kailangang pairalin ang "suspension of disbelief" kung talagang gusto mong i-enjoy ang masaya—at maaari ngang huling pelikula ni Dolphy—na Father Jejemon.
