Mapapanood na simula January 24 ang kuwento ng matipunong istatwa na nagiging tao pag gabi at pag-aagawan ng dalawang babae.
Ang StarStruck: The Next Level Ultimate Hunk na si Aljur Abrenica ang napili ng GMA-7 na gumanap sa title role ng fantasy series na Machete.
Sina Gina Alajar at Don Michael Perezang mga director ng GMA-7 primetime series na ito.
Dalawang dekada na ang nakalipas nang unang bigyang buhay ni Cesar Montano ang karakter ni Machete, na base sa komiks na likha ng yumaong Pablo Gomez.
Sa orihinal na bersiyon na pinalabas noong 1990, si Rita Avila ang siyang naglilok sa matipunong istatwa. Kasama rin sa pelikula sina Vivian Foz at Joel Torre.
Sa Machete II na pinalabas sa mga sinehan noong 1994, si Gardo Versoza ang gumanap na istatwa. Ang gumanap na manlililok ay si Rosanna Roces.
Ngayong 2011, makakapareha ni Aljur ang dalawang Kapuso actresses: sina Bela Padilla at Ryza Cenon. Si Ryza ang gaganap bilang babeng iskultor na uukit sa kahoy na siyang magiging Machete.
Dahil isang Igorot warrior si Machete, ang suot lamang niya ay isang bahag (traditional loin cloth na ginagamit ng mga katutubo sa Cordillera).
Nagpupursige si Aljur na mapaganda ang katawan niya bilang preparasyon sa bago niyang palabas.
Sa report ni Lhar Santiago para sa 24 Oras, ikinuwento ni Aljur na mayroon siyang outdoor workout at least four times a week. Tumatakbo rin siya at ang kanyang trainer sa isang inclined street at nagwawakas ito sa mga push-ups.
Tinanggal na raw ni Aljur ang pagkain ng kanin at ang mga madalas niyang kainin ay mga gulay, camote, lean meat, steamed fish, at steamed chicken breast.
Bukod pa rito, nabanggit din ni Aljur sa previous interview with PEP na nag-aaral din siya ng martial arts na wushu bilang preparasyon sa bago niyang TV series.
Ang National Artist at tinaguriang Father of Philippine Modern Sculpture na si Napoleon Abeva at ang kanyang anak na si Lawin ang mamumuno sa pagbuo ng istatwa na gagamitin ng GMA-7 para sa fantasy series na Machete.