Sinabi ng Star Power finalist na si Monica Sacay, 16, na isa sa mga dahilan ng madalas niyang pag-iyak sa show ay dahil nami-miss niya ang kanyang pamilya.
Taga-Leyte kasi si Monica, kaya matagal na niyang hindi sila nakikita.
"Ako po kasi, mahilig po kasi ako makipag-ano sa family ko. Talaga pong close na close po ako sa family ko," kuwento ni Monica sa mga press na dumalo sa presscon noong January 14.
Kasama ni Monica sa presscon ang Star Power co-finalists niyang sina Akiko Solon, Krissel Valdez, K-La Rivera, at Angeline Quinto.
Pagpapatuloy niya, "Iyakin po talaga kasi ako, e. Kahit konting ano lang, especially po kapag family ang pinag-uusapan... Talagang, yung puso ko talaga, talagang naiiyak po ako. Hindi kasi ano, alam po talaga nilang lahat na emotional po talaga ako. Lalong-lalo na po talaga kung sa family, sa buhay."
Paratang ng ibang manonood ng show, nasama si Monica sa final five dahil sa maraming naaawa sa kanya kapag umiiyak na siya, na nagreresulta umano sa maraming text votes para ma-save siya sa elimination.
Ngunit hindi raw naniniwala si Monica na nakakatulong ang pag-iyak niya sa kapalaran niya sa singing contest.
"Siguro kaya po siguro ako nag-stay dito kasi it's the will of God. Will po Niya na mag-stay ako dito. Saka siguro nakita po ng judges na isa po ito sa mga pinapangarap ko at isa ito sa mga gusto kong abutin," saad niya.
Dagdag pa ni Monica, nahihirapan pa nga raw siyang kumanta kapag naluluha siya. Bumababa raw ang ganda ng performance niya sa kanyang pag-iyak.
"Pag naiiyak kasi ako, hindi ko nako-control yung emosyon ko, talagang naiiyak talaga ako," saad niya.
PAMILYA. Nais naman raw ni Monica na tulungan ang kanyang pamilya sakaling siya ang manalo ng P1 million grand prize sa Star Power. Matutupad na raw ang kanyang pangarap na maayos ang mga puntod ng kanyang mga magulang.
"Hindi pa po kasi masyadong... parang na-set aside yung ano nila, yun nga po, libingan nila. Importante po kasi sa akin yun kasi, mahal na mahal ko po kasi yung magulang ko," paliwanag niya.
Gusto niya rin daw ituloy ang dati niya pang business na pagtitinda ng puto at iba pang mga pagkain.
"Kung ano man po yung resulta po nitong Star Power, hindi ko ii-stop po yung negosyo na nagtitinda ng puto. Magtatayo po ako ng isang malaking putohan," sabi ni Monica.