Hindi na makakadalo sa Pusan International Film Festival ang ilang tao na may importanteng bahagi sa indie film na Tribu dahil sa misunderstanding na nangyari sa Korean embassy dito sa Maynila. Ang naturang film fest ay gagawin ngayong October 4 to 11 sa South Korea.
Ayon sa text message na natanggap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) mula kay Jim Libiran, "Tribu delegates for Pusan Film Festival suffer humiliating discrimination from Korean embassy; insults Tondo actor by issuing visa effective only after the festival event is over."
Nakausap din ng PEP si Mitch Libiran, ang executive producer ng pelikula at misis ni direk Jim.
Ayon kay Mitch, nakatanggap sila ng sulat mula sa organizers ng Pusan International Film Festival last Thursday. Imbitado ang Tribu sa competition section ng festival. Ngunit ang mga binigyan lang ng visa ng Korean embassy ay ang director na si Jim Libiran, sound editor Marc Laccay, at executive producer Dodge Dillague dahil hindi first time travelers ang tatlo.
Si Marc ay nanalo ng Best Sound sa third Cinemalaya Philippine Independent Film Festival. Bukod pa rito, hinirang na Best Film ang Tribu sa Cinemalaya 2007 noong Hulyo. Ang pelikulang ito ay tungkol sa buhay ng mga gangsters-rappers na kabilang sa mga gangs o "tribes" sa Tondo.
"Compared to me at isa sa aming mga actors na si Apollo Labastida at isa pang member ng aming production staff na si Albert Banzon, hindi kami nabigyan ng visa. Siyempre nakaka-disappoint dahil in competition pa naman ang pelikula namin," pahayag ni Mitch.October 5 dapat ang alis ng delegation ng Tribu patungong Pusan pero sabi ni Mitch sa October 10 pa raw mare-release ang kanyang visa kaya hindi siya aabot sa film showing nila.
Mas worse ang nangyari sa kanilang aktor na si Apollo dahil dated October 15 pa niya makukuha ang visa. Tapos na ang festival by that time. Feeling ni Mitch, parang biktima sila ng discrimination dahil sa pangyayaring ito.
"Sabi sa nag-interview sa amin, hindi raw nila kami kilala. Hinahanapan din ako ng bank statement at certificate of employment. Kahit pa sinabi ko na ang festival ang siyang sasagot sa aming gastos pagdating ng Korea, hindi pa rin kami nabigyan ng visa. Kahit na sinabi ko na huwag naman 15th ang date na ibigay niya sa isa namin kasamahan, hindi rin ako pinakinggan," kuwento pa ni Mitch.
Isa pang obserbasyon ni Mitch, parang hindi naman daw tinignan ng consul officer ang mga papeles na isinumite nila bilang patunay na imbitado ang kanilang grupo sa festival. Sa himig daw ng salita ng consul officer, tila nagdududa raw ito na baka mag-TNT (tago nang tago) ang grupo ng Tribu pagdating ng Korea.
Susunod na lang daw si Mitch sa October 11 para makadalo siya sa awards night. In competition pa naman ang Tribu kaya excited sila sa pagdalo. Sa apat na pelikulang inimbita ng Pusan, tanging ang Tribu lamang ang napili for competition. Ang ibang pelikula na kasama sa film fest na ito ay ang Pisay ni Aureaus Solito, at ang mga obra ni Brillante Mendoza na Foster Child at Tirador.
"We were hoping na maging lenient sila dahil may sulat naman kami mula sa festival organizers pero nakakainis ang nangyari sa amin. Nakaka-disappoint," pagwawakas na pahayag ni Mitch.