Gumaganap bilang si Don si Kerbie Zamora sa indie movie na Tumbang Preso.
Sa ilalim ng direksiyon ng baguhang direktor na si Kip Oebanda, ang Tumbang Preso ay tatalakay sa human trafficking at ipapakita ang mga batang ikinukulong at sapilitang pinagtatrabaho sa isang factory ng sardinas.
“Isa rin siyang biktima ng human trafficking, matagal na ako dito na trabahador sa factory ng sardinas,” umpisang kuwento ni Kerbie sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kamakailan.
Ang madalas niyang kaeksena sa Tumbang Preso ay ang baguhang bida rito na si Kokoy De Santos na gumaganap naman sa pelikula bilang si Carlo na isa ring trabahador sa factory.
Ani Kerbie, “Parang ako yung kuya nila dito na lagi nilang nakakasama ni Jea."
Ang karakter na Jea ay ginagampanan ni Teri Malvar, ang child actress sa pelikulang Ang Huling Cha-Cha ni Anita na nakatalo kay Nora Aunor sa 2013 Cine Filipino Film Festival.
Pagpapatuloy ni Kerbie, “Si Kokoy, makikita mo dun sa bata na gusto niya yung ginagawa niya. Pag gusto mo yung ginagawa mo, lalabas naman yun, e. Siya talaga gusto niya yung ginagawa niya, yung pag-aartista.
“Saka si Teri, nakikita ko, na-e-enjoy sila sa pag-aartista."
Kinuwento ni Kerbie na naging challenge para sa kanya na i-shoot ang death scene niya kasama si Ronnie Lazaro.
“Mahirap,” ang bulalas ni Kerbie tungkol sa death scene niya sa Tumbang Preso.
“Siyempre kaeksena mo si Ronnie Lazaro, so kailangan talaga na ilabas mo yung galing mo. Medyo mahirap yung eksena kasi naghahabol ako ng hininga kasi tinadyakan niya ako, nakakapagod pala yung ganun na ubo ka ng ubo, na parang mamamatay ka na.”
Ano ang mga nalaman niya tungkol sa human trafficking dahil sa Tumbang Preso?
“Una, hindi ako aware na laganap yung human trafficking pero nung nagpa-workshop si Direk Kip, tapos na-witness namin mismo dun sa mga victims yung napakinggan namin yung mga stories nila, talagang nag-e-exist siya talaga.
“Saka pangatlo daw siya sa pinaka-problema, yung drugs, yung gambling tapos sumunod daw yung human trafficking so talagang laganap pala siya.
“So sana makatulong itong movie, itong Tumbang Preso para ma-gain yung knowledge ng ibang tao na talaga matindi pala yung human trafficking.”
ZOMBADINGS PART 2? Kasali rin si Kerbie sa indie movie ni Joel Lamangan na Sitio Camcam.
Ang ilan sa mga indie films na nagawa na ni Kerbie ay ang gay comedy movie Zombadings 1: Patayin Sa Shokot Si Remington at ang drama film na Burgos.
Ayon kay Kerbie, malamang ay may part 2 na ang Zombadings movie nila.
“Sabi this year daw, itutuloy na.
Sila pa rin ni Martin Escudero ang “magka-loveteam”?
“Sana kami pa rin, sana kami pa rin.”
Ano ang nakukuha niyang satisfaction sa paggawa ng indie movies?
“Siguro yung nae-explore mo yung maraming characters saka sa iyo talaga nanggagaling kasi pag yung talagang mainstream na ano, di ba, minsan hindi na ikaw yun, e.
“E, dito talaga nailalabas mo yung acting mo.”
