Referee
Stop Contest (RSC) ang naging dahilan kung bakit itinigil ang laban nina Rico
Barrera at Rico Robles sa November 10 episode ng Pinoy Mano• Mano: The Celebrity Boxing Challenge. Ang laban ay tinaguriang Battle of the
Housemates dahil si Barrera ay naging parte ng Pinoy Big Brother Season 1, samantalang si Robles
ay sumali sa first batch ng PBB Celebrity Edition.
Sa loob ng Studio 10 ng ABS-CBN, naging mainit ang bakbakan ng dalawa, ngunit sa huli ay nagwagi si Rico "The Truth Behind the Booth" Robles laban kay Rico "Sinner" Barrera. Malaki ang lamang ni Robles sa puntos dahil sa dami at lakas ng kanyang mga suntok kay Barrera, na siyang naging dahilan upang dumugo ang ilong ni Barrera simula Round 1 hanggang sa magtapos ang laban.
Itinigil ng mga hurado ang laban ilang segundo bago matapos ang ikatlong round dahil sa paglampas ni Robles sa compulsary count limit, na siya nitong ikinapanalo.
Malungkot naman si Rico Barrera nang interberyuhin ni Bayani Agbayani, co-host ni Cesar Montano sa PMM. "Di ko talaga nabigay yung 100 percent ko dahil hirap akong gamitin yung kanang kamao ko. Na-sprain kasi ito for three weeks," paliwanag ni Barrera.
Sa unang round ay sunod-sunod na pinakawalan ni Barrera ang kanyang kamao papunta kay Robles, pero hindi man lang kinakitaan si Robles ng pagkahilo, dahil sa mahina ang dating ng mga suntok ng kalaban.
Nang si Robles naman ang magpakawala ng mga punches ay nakita naming naalog ang ulo nitong si Barrera sa lakas ng mga tumama sa kanya. Kaya naman sa Round 1 pa lang ay duguan na ang ilong nito at puro galos na ang mukha.
Lalong tumindi ang pagdurugo ng ilong ni Barrera sa Round 2, dahil sa halos mga solid na tinamo nitong suntok galing kay Robles. Sa kalagitnaan ng Round 2 ay nagawa pang magsayaw bahagya ni Robles ng steps ng "Pinoy Ako," ang PBB theme song upang kutyain si Barrera. Sa ikatlong round ay napilitan nang ipahinto ng referee ang laban via RSC.
Gayunpaman, kahit natalo itong si Barrera ay nanatili pa rin ang pagkampi sa kanya ng kanyang mga former housemates na sina Cassandra Ponti at Nene Tamayo-Plamio, kasama ang asawa nitong si Anthony.
Sa audience ay namataan din naming sabay na dumating at nanood ng laban ang loveteam partners na sina Melissa Ricks at Matt Evans, na sumusuporta kay Rico Barrera.
Nang tanungin si Robles kung ano ang kanyang
susunod na hakbang, ay lalo pa daw niyang pag-iibayuhin ang pag-eensayo.
"I'm going to work on my defense. What
you saw there was only a quarter of what I can do," sabi ni Robles.
Tatlo na ngayon ang kasali sa semi-finals na pinagunahan ni Jordan Herrera, sinundan ni Michael Roy Jornales at ito ngang si Rico Robles. Isang kalahok na lang ang kailangan at sa darating na Sabado, November 17, ay magtutuos na sina Joem Bascon at ang dating Gwapings at ngayon ay konsehal na si Eric Fructuoso.
Sino kaya sa dalawa ang mananalo at mapapasama sa semi-finals—si Eric kaya o si Joem? Abangan ang kanilang laban sa Pinoy Mano•Mano: The Celebrity Boxing Challenge, pagkatapos ng XXX. May replay ang laban tuwing Linggo bago ang Ka Pete Na! sa ABS-CBN.