Sa huling laban ng Pinoy Mano*Mano nitong nakaraang Sabado, November 17, tinalo ni Joem Bascon si Eric Fructuoso. Gusto sanang lumaban pa ng dating member ng Guwapings na si Eric pero di na kaya ng kanyang right hand dahil sa matinding sakit na naramdaman nito sa paglagutok ng kanyang buto sa balikat.
Sa susunod na Sabado, December 1, ang pagtutuos nina Joem Bascon at Jordan Herrera. Si Joem ang pinakabatang celebrity contender, samantalang si Jordan ay dating miyembro ng grupong Powerboys.
Kung sino man ang mananalo sa laban nina Rico at Michael at laban nina Joem at Jordan ay sila ang magkakaharap sa final round ng Pinoy Mano* Mano: the Celebrity Boxing Challenge.
May mga nagsasabi na kawawa ang makakalaban ni Rico sa championship dahil sa siguradong lamog at bugbog ang aabutin nito, sakaling matalo niya si MRJ.
Gayundin daw kung si Michael ang mananalo, kawawa ang makakatapat nito dahil sa pagiging palaban at experto nito sa karate, gaya nang ginawa nitong pagbugbog kay Biboy Ramirez sa loob ng ring.
Madalas ngang sinasabi ni Michael na pagdating sa ring, walang kaibi-kaibigan, nagba-'blackout' daw siya at walang nakikilala, lahat ng tatapak sa ring kakainin niya.
Pero huwag daw husgahan itong si Jordan, balita kasi na seryoso itong nag-eensayo. Katunayan nga, ang laki ng ibinaba ng timbang nito sa loob ng isang buwan.
Sino kaya sa kanila ang magiging kauna-unahang Pinoy Mano*Mano grand champion?
Abangan ang Pinoy Mano*Mano: the Celebrity Boxing Challenge sa bago nitong timeslot na 10:30 p.m. sa ABS-CBN. Kasama ang hosts Cesar Montano at Bayani Agbayani, huwag palampasin ang semi-final round ng PMM pagkatapos ng XXX at replay nito sa Linggo ng umaga, pagkatapos ng Princess Hours sa Kapamilya Network.