Matapos ang kanilang hit movie na Kita Kita noong 2017, balik-tambalan sina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez sa Amazon Prime original film na Walang KaParis.
Mula sa direksiyon ni Sigrid Andrea Bernardo, muling ipakikita ng tambalang AlEmpoy (Alessandra at Empoy) ang chemistry nila on-screen.
Sa ginanap na press junket ng Walang KaParis noong March 16, 2023, eksklusibong nakausap ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) sina Alessandra at Empoy tungkol sa bagong proyekto na pinagbibidahan nila.
Ayon kay Alessandra, "acting piece" na maituturing ang Walang Kaparis.
Kuwento ng aktres, agad niyang tinawagan si Direk Sigrid nang mabasa niya ang ipinadala nitong script. Nag-alala raw kasi siya para kay Empoy.
"Noong pagkabasa ko nung script, tumawag na ako agad kay Direk Sigrid, sabi ko, 'Acting piece to, kaya ba ni Empoy?'
"Hindi naman sa inaano [ina-underestimate] ko si Empoy, gusto ko lang maging honest.
"Pero sabi naman niya [Sigrid], 'Ako na bahala sa kanya.' Kaya naniwala ako sa kanya."
Kilala kasi si Empoy bilang komedyante, na kabaliktaran sa karakter na ginagampanan nito sa Walang KaParis.
Si Empoy ay gumaganap bilang si Jojo, isang street artist na nakabase sa Paris. Dito ay makikilala niya si Marie (Alessandra), ang babaeng magtatapat ng pag-ibig sa kanya.
Read: Walang KaParis, second movie of AlEmpoy loveteam, inspired by Kita Kita
Ano ang pagkakatulad sa kanila ng mga ginampanan nilang karakter sa Walang KaParis?
Saad ni Alessandra, "Ako, I'm very, very different sa karakter ko.
"Kaya nga nakita ko siya at first as acting piece kasi nga hindi ako aabot sa mga ginagawa niya [Marie].
"Iba mag-isip to, e, parang masyadong go-getter, ganon. Hindi ako ganon [in real life], parang I let things come to me. Ganon ako.
"Kumbaga, malayo sa totoong personalidad ko, sobrang layo."
Hirit naman ni Empoy, kakaibang hairstyle lamang ang pagkakaiba niya kay Jojo.
Agad naman itong sinang-ayunan ni Alessandra, pero sinabi rin ng aktres na ibang Empoy ang makikita ng mga manonood.
"Ibang karakter to ni Empoy compared to Kita Kita.
"Dito, hindi siya makapag-comedy masyado. Serious actor siya dito. Leading man, ganon, pero hindi naman umabot," may halong birong sabi ni Alessandra.
ALEMPOY: WALANG KAPARES NA LOVE TEAM
Malaki ang pasasalamat ni Alessandra sa tiwala ni Direk Sigrid at ng fans sa tambalan nila ni Empoy.
Bukod sa tagos-pusong kuwento ng istorya, isa rin daw sa magic ng team-up nila ang kani-kanilang personalidad.
Hirit ni Alessandra: "Wala kaming kaparis. Nag-iisa lang ata ang AlEmpoy, e.
"Walang kaparis si Empoy kasi wala nang ibang gusto maging siya!"
Natatawa namang buwelta ni Empoy: "Si Alessandra, wala siyang kaparis dahil kakaiba siya sa lahat."

DISCOVERIES ABOUT EACH OTHER
Ang box-office hit na Kita Kita ang unang pagtatambal nina Alessandra at Empoy sa pelikula, at dito rin nagsimula ang tambalang AlEmpoy.
Read: AlEmpoy movie Kita Kita earns P90 million on first week, according to Spring Films
May bagong discoveries ba sila sa isa't isa makalipas ang ilang taon na hindi pagkikita at pakikipagtrabaho na magkasama?
Mabilis na sagot ni Alessandra, "Oo, marami, parang tumanda na kami. May wrinkles na siya [Empoy]."
Biro pa niya, "Sa hitsura, hindi naman masyado.
"Pero sa film na ito, nagbago talaga hitsura niya kasi tinanggal yung bigote niya, nagmukha siyang babae."
Malaking bagay rin daw na muli silang nagsama dahil mas nakilala pa nila ang isa't isa.
Pagbabahagi ni Empoy, "Si Alessandra, gusto niya totoo lang.
"Ayaw niya yung hindi totoo, kaya nga hindi siya namimili sa mga fake na stories."
Read: Piolo Pascual no hesitation to work with newbie director Alessandra de Rossi
Si Alessandra ay huli na raw ang kiliti ni Empoy tungkol sa mga bagay na gusto at ayaw nito.
Aniya, "Si Empoy, kilala ko siya kapag tahimik na siya. Kilala ko siya kapag hindi na siya komportable... napi-feel ko yon.
"Siya rin naman, gets na niya ugali ko. Hahawakan na lang niya kamay ko, alam na alam niya kung kailan ako hindi okay."
Sa huli, may mensahe si Alessandra kay Empoy: "Gusto ko lang sabihin kay Empoy na lagi akong nandito para sa kanya.
"Team tayo, hindi puwedeng ayaw ko tapos gusto mo, dapat parehas nating gusto."
Mapapanood ang Walang KaParis via streaming sa Amazon Prime Video simula ngayong Huwebes, March 23, 2023, sa 240 countries and territories worldwide.
Read: Alessandra de Rossi arangkada ang directorial debut at love life
