Ibinuko ni Carmina Villarroel, 45, na muntik nang maging sila ni Piolo Pascual, 43.
Nangyari ang pambubuking ni Carmina sa kanyang virtual birthday celebration noong August 15, 2020.
Isa si Piolo sa bumati kay Carmina sa video na in-upload sa YouTube account ng aktres. Bumati rin kay Carmina ang mga kaibigang sina Gelli de Belen at Lea Salonga.
Nang magkausap sina Piolo at Carmina online, panay ang kulitan ng dalawa at kapansin-pansin ang pagiging close nila.
“Close ba tayo? Sabihin mo sa kanila,” panghahamon ni Piolo kay Carmina.
Sagot ng aktres, “Close tayo! Super close tayo. Sa sobrang close nga, muntikan na kaming maging kami! O, ano?!”
Natawa naman si Piolo, at saka sinabing may dalawang taong close sa kanila ang nagkatuluyan matapos ang double date.
“Pero dapat tayo, di ba?” pakli ni Piolo.
Naubo naman si Carmina sa tinuran ng aktor.
“Umamin ka,” hirit ni Piolo.
Tila nagmaang-maangan naman si Carmina: “Na ano? Ano aaminin ko?"
Pero dugtong niya, “Hindi. Ito kasi, e, kulang na lang ako lumigaw diyan, e.”
DOUBLE DATE
Sa sumunod nilang kuwentuhan, naibahagi nina Carmina at Piolo ang mga pangyayari sa nangyaring double date.
Tinanong muna ni Carmina kung ano ang most memorable and fond memories ni Piolo kasama siya.
Sagot ng aktor, “Esperanza days. Gusto mo ikuwento ko talaga? Gusto mo talaga?”
Pinigilan siya ni Carmina, “Okay na. Hanggang doon na lang, ang Esperanza days. Hanggang dun na lang.”
Naging malapit sina Carmina at Piolo nang magkatrabaho sila sa Kapamilya teleseryeng Esperanza, na pinagbidahan ni Judy Ann Santos. Umere ito sa ABS-CBN mula 1997 hanggang 1999.
Sa puntong iyon, binanggit ni Piolo ang pagdi-date nila ni Carmina. Pero pareho silang may isinama, kaya double date ang kinalabasan.
Kasama ni Carmina ang best friend niyang si Tessie, habang kasama naman ni Piolo ang kanyang kuya.
Sa huli, ang nagkatuluyan ay ang kaibigan ni Carmina at ang kuya ni Piolo.
Pagbabalik-tanaw ni Piolo, “Fondest memory ko, my sister-in-law, who gave my brother two beautiful kids, who are now 18, 19 [years old], and they’re all grown-ups.
“We had a double date. It was their first time to meet, di ba, Kuya and Tessie.
“Itong si Tessie, my kuya’s wife, was Mina’s best friend.
“So, iyon, we had a group date of some sort. They ended up as a couple. They ended up together."
Sabi pa ni Piolo kay Carmina, “I think, tayo ang naging tulay. If not for us, they wouldn’t had been able to meet each other and be husband and wife.”
Natatawang sundot ni Carmina, “Friendly date lang naman!”
Inusisa ni Piolo si Carmina kung bakit tila nahihiya ito sa kuwento ni Piolo.
Katwiran ng aktres, “Nahihiya lang ako dahil kinukuwento natin ngayon.”

Pagkatapos ng kanilang pag-uusap, ikinuwento ni Carmina kung paano sila naging malapit ni Piolo.
“Esperanza days pa lang, nag-click na kami, hanggang ngayon. Siguro dahil tawa lang din kami nang tawa. Siguro yung respect din at naging pagmamahal namin sa isa’t isa, respect namin sa mga pamilya namin.
“Tsaka mabait kasi, e, mabait na tao talaga itong si Papa P.”
Si Carmina ay kasal na sa aktor na si Zoren Legaspi at may kambal silang anak—sina Cassy at Mavy, 19.
Si Piolo naman ay single pa rin, pero may isang anak—si Iñigo, 22.
ONGOING PROJECTS
Samantala, naikuwento rin nina Piolo at Carmina ang kanilang upcoming projects.
Kasalukuyang naka-lock in si Piolo kasama ang ibang cast, staff, and crew sa isang lugar sa Maynila para sa ginagawang pelikula.
Tumanggi ang Kapamilya actor na magdetalye tungkol sa proyekto, pero malapit na raw itong matapos.
Ani Piolo, bagamat mayroon silang proper permits at sumusunod sa protocols, aminado siyang mas mahirap ang sitwasyon ng produksiyon ngayong may pandemya.
“There’s social distancing, everyone is wearing a mask, parang sa ospital.
“The actors do rapid test before, after, and midway of the shoot.
“Tapos lahat naka-mask, the actors, pag scene lang pwedeng tanggalin [ang face mask]."
Sinabi naman ni Carmina na nalalapit na silang bumalik sa taping.
Hindi sinabi ng actress-host kung anong proyekto ito, pero mayroon siyang ongoing cooking talk-show sa GMA Network, ang Sarap, ‘Di Ba?
Pahayag ni Carmina, “Magre-resume na kami anytime, kaya natatakot ako. Wala pa silang sinasabi sa akin, pero parang pinapa-unti-unti na ako.
“Sobra akong paranoid. Natatakot ma-expose. Ayokong iwan ang pamilya ko nang matagal baka mamaya one month,” saad niya.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
