Mariing pinabulaanan ni Senator Chiz Escudero at ni Makati City Mayor and former Senator Nancy Binay ang mga alegasyong nagdadawit sa kanila sa korapsyon kaugnay ng flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa testimonya ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong Huwebes, Setyembre 25, 2025, tinukoy niya sina Escudero at Binay, pati na si dating Senator Bong Revilla, na tumanggap umano ng milyun-milyong porsyento mula sa pondo ng flood control projects.
Read: Escudero, Revilla, Binay tagged by ex-DPWH exec in flood control mess
SENATOR CHIZ ESCUDERO
Sa kanyang opisyal na pahayag na ibinahagi sa Facebook ngayong araw, mariing itinanggi ni Escudero ang aniya'y malisyosong paratang at pasaring ni Bernardo tungkol sa kanya.
Idiniin ni Escudero ang pahayag ni Bernardo na hindi sila nagkaroon ng direktang transaksyon tungkol sa ibinibintang sa kanya.
Patutunayan daw niyang nagsisinungaling ang dating DPWH official.
Pinuna rin ni Escudero ang pagdidiin sa mga senador upang ilihis ang atensiyon mula sa mga tunay na may kagagawan sa anomalyang ito.
Tanong pa ng senador: "Puro talaga senador ang tinuturo? Nasaan si Zaldy Co? Nasaan na si Rep. Martin Romualdez sa lahat ng ito? Nasaan ang mga kasabwat niya?"
Sa kabila nito, haharapin at lalabanan daw ni Escudero ang "walang saysay at basehan na paratang" sa kanya.
Sa loob ng mahigit 27 taon niya sa public service ay hindi raw siya kailanman kinasuhan ng corruption.
Naniniwala rin siyang kapag nalantad na ang buong katotohanan ay mananatiling malinis ang kanyang pangalan at serbisyo.
Hindi ito ang unang beses na nabanggit ang pangalan ni Escudero kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Noong nakaraang Agosto ay lumabas ang impormasyong kaibigan at campaign donor ni Chiz ang contractor na si Lawrence Lubiano.
Si Lubiano ang nagmamay-ari ng Centerways Construction and Development, isa sa 15 construction companies na pinangalanan ni President Ferdinand Marcos Jr. na sangkot umano sa bilyun-bilyong pisong halaga ng flood control projects.
Inamin ni Escudero na nakatanggap siya ng PHP30 million campaign donation mula kay Lubiano, pero itinangging tinulungan niya ang contractor na makakuha ng flood control projects.
Read: Revilla, Estrada, Villanueva, Co tagged by ex-DPWH official Henry Alcantara
Narito ang kabuuan ng pahayag ni Senator Escudero:
"I vehemently deny the malicious allegations and innuendos made by former DPWH Usec. Roberto Bernardo in today’s Senate Blue Ribbon Committee. By his own admission, he never had any contact with me directly regarding this matter. I will prove that he is lying about my alleged involvement.
"It seems like there is a well-orchestrated plan to attack the Senate and its members to destroy and discredit the institution and to divert the public’s attention from the real perpetrators.
"Puro talaga senador ang tinuturo? Nasaan si Zaldy Co? Nasaan na si Rep. Martin Romualdez sa lahat ng ito? Nasaan ang mga kasabwat niya? Kung babasehan natin ang testimonya ni Usec. Bernardo, lahat sila ay walang kasalanan o kinalaman dito. Hindi naman yatà ito kapani-paniwala.
"Sobra naman ang paglilihis at paglayo nila sa tunay na salarin ang sarswelang ito!
"Maging ganoon pa man, haharapin at lalabanan ko ito at maghahain ng karampatang demanda laban kay Usec. Bernardo sa mga binitiwan niyang walang saysay at basehan na paratang.
"For more than 27 years in public service, I have never once been charged with corruption. That record speaks for itself. I believe that when all the facts are revealed, my name and my service will remain untarnished."
Read: Heart Evangelista clarifies complete separation of assets with Chiz Escudero
FORMER SENATOR NANCY BINAY
Idinaan din ni Makati City Mayor Nancy Binay sa Facebook ang reaksiyon niya tungkol sa mabigat na paratang laban sa kanya.
Ayon sa dating senadora, ikinagulat at ikinalungkot niya ang pagdadawit sa kanya sa mga anomalya sa DPWH.
Diin niya, "Walang katotohanan ang mga bintang sa akin."
Saad pa niya: "Tahimik po tayong nagtatrabaho bilang Mayor ng Makati.
"Nakakagulat na nagagamit tayo para ipanglihis sa mga tunay na kailangan panagutin sa issue na ito.
"Madaling magbigay ng mga mali at mapanirang salaysay. But my performance in public service has always been above board and beyond a shadow of doubt."
Samantala, wala pang bagong pahayag si dating Senador Bong Revilla kaugnay ng alegasyon ni Bernardo.
Ngunit nauna na niyang pinabulaanang may kinalaman siya sa anomalous DPWH flood control projects.
