Mainit na usapin ngayon sa social media ang umano’y panggugulo ng mga turista sa isla ng Siargao.
Kanya-kanyang kuwento ang mga netizens ukol sa pangit na karanasan nila sa ilang foreigners na nasa Siargao.
May mga videos ding nag-viral.
ISRAELIS DISRESPECT TRANS PINOYS
Kabilang sa nagsi-circulate ngayon sa Facebook ang post ng isang LGBTQIA member.
Saad sa caption (published as is): “We have never been disrespected and assaulted like this in the years we’ve been living here.”
Sa isang restaurant, kinausap ng isang netizen kasama ang mga kaibigan ang isang Israeli na tumitingin-tingin sa kanila.
Nagsimula raw ito sa maayos na pag-uusap, pero kinontra nila ang Israeli dahil sa mga pahayag nitong ang Israel “is the most powerful country in the world!”
Sinabi pa raw nitong: “Yes that is why we kill all of Palestine.”
Kinontra umano ng grupo at ng iba pang nasa restaurant ang Israeli.
Biglang umalis ang huli.
Pero bumalik daw ito na may lima hanggang pitong kasamahan, na binastos diumano ang trans people sa grupo.
Dito nagsimula ang gulo at pamimisikal na umabot sa pambabato ng mga Israelis.
Dumating ang mga pulis makalipas ang ilang minuto.
Panawagan ng nag-post: “We would like to raise awareness of the terror some of these people are bringing to this peaceful island.
“Their arrogance, entitlement ,and aggression is something we have never seen here for years.”
Lumalabas na ang post na ito ay noong April 2025 pa.
Subalit recently ay lumutang uli ito sa social media, gayundin ang iba pang videos, tulad ng sagutan sa pagitan ng mga Pilipino at mga foreigners, na sinasabing Israelis, habang umaawat ang mga pulis.
Isa namang Siargao resident na social media influencer ang nag-post na may grupo umano ng Israelis na walang paalam na tumira sa isang private property.
Nang kumprontahin daw sila ng caretakers at residents doon ay nagsinungaling ang mga ito at hindi man lang humingi ng paumahin.
Hindi naman tiyak kung recent ang post na ito ng influencer.
Noong nakaraang taon ay napaulat ang umano'y pagtawag ng Israelis sa mga residente roon ng "slaves."
Ang mga insidente ng panggugulo ng Israelis ay kinumpirma ng isang politician roon.
“Yung mga surfers natin na nagtu-tutor, nagrereklamo rin na mayroong ibang foreign tourists na after sila mabigyan ng tutorial, hindi sila nagbabayad,” pagkumpirma ni Bingo Matugas, former Surigao del Norte representative at Siargao tourism supporter, sa News5 interview.
Dagdag niya, hindi lang Israelis ang sangkot dito. May ibang lahi rin ng foreigners.
Nito lamang Holy Week, may dalawang grupo—Israelis at Koreans—na nag-away, “kasi nga nagkalasingan, nagka-argue, so nag-away sila doon sa loob ng restaurant,” hayag ni Matugas.
Bunsod ng mga insidenteng ito, maraming locals sa Siargao ang nagrereklamo laban sa mga foreigners.
Read: Netizens have the funniest reactions to “Name Withheld” in the topnotchers’ list
SIARGAO LGU REACTS
Naglabas ng reaksiyon ang Local Government Unit (LGU) ng General Luna sa Siargao bunsod ng mga kaganapang ito.
Paalala nito via Facebook post: “… all tourists are expected to respect local laws, customs, and communities at all times.
“Any violation of Philippine laws or local ordinances—including but not limited to environmental damage, disorderly conduct, illegal activities, disrespect toward locals, or non-compliance with regulations—will be dealt with seriously.
“Offenders may face fines, deportation, or legal action depending on the severity of the violation."

Binanggit ding naka-monitor ang Bureau of Immigration sa foreign tourists sa Siargao dahil sa mga ulat ng panggugulo.
Ang sinumang mapapatunayang nanggulo ay posibleng ma-deport at ma-blacklist.
Kabilang din sa mino-monitor ang mga overstaying foreigners.
Read: Dubai entrepreneur, once a domestic helper, now lifts up the jobless
