Opisyal nang nakuha ng Kalinga Province ang Guinness World Record para sa “Largest Gong Ensemble” at “Largest Pot Dance.”
Ang dalawang world records ay nakamit ng Kalinga sa isang malaking pagdiriwang na tinawag na “Awong chi Gangsa, Ad’tun chi Banga" o Call of a Thousand Gongs, Dance of a Thousand Pots.
Ginanap ito noong February 15, 2023 sa Kalinga Sports Complex, bilang pinakatampok na pagtatanghal at bahagi ng 28th Kalinga Foundation Anniversary at ng 4th Bodong Festival.
Read also: Tikman! Katakam-takam na crocodile lechon ng Davao

Ayon sa ulat ng Philippine Information Agency, ang opisyal na deklarasyon ay isinagawa ni Kazuyoshi Kirimura, official adjudicator ng Guinness, bandang alas nuwebe ng gabi matapos ang pagtatanghal.
Batay sa official adjudication results, ang bilang ng gong players ay umabot sa 3,440.
Nasa 4,681 ang mga sumayaw nang may banga o pot dancers.

Sa isinagawang proseso ng pagbibilang, ang gong and pot dancers ay kinakailangang dumaan sa scanner na nasa may entrance.
Inire-record online ang nabibilang na gong and pot dancers.
Kabilang sa mga miyembro ng Adjudication Witnesses Panel sina Stanley Anongos ng Benguet State University; Atanacio Addog ng National Commission on Indigenous Peoples-Cordillera, at sina Allen Marquez at Kenneth Maslang ng St. Mary’s University.
Nakilahok si Governor James S. Edduba sa mga taga-Kalinga sa pagbubunyi para sa inihatid na karangalan ng Awong chi Gangsa, ad’tun chi Banga sa kanilang lalawigan.

Ayon kay Edduba, minsan pa, ang alingawngaw ng sabay-sabay na tunog na gongs na hatid ang kapayapaan at kasayahan ay muling bumalot sa mga taga-Kalinga bilang nagkakaisa at solidong probinsiya.
Pinasalamatan din nito ang lahat ng participants na matiyagang nagtiis sa mahabang oras at buhos ng ulan.
Nagpahayag naman si Bishop Prudencio Andaya Jr, chairman ng events committee, ng taos-pusong pasasalamat sa pagtugon ng iba’t ibang local government units at pakikilahok sa nasabing event.

Read also: Kakaiba! Mga macho sa Minalin, Pampanga, nagdadamit-babae tuwing Bagong Taon
Lahat ng munisipalidad, kabilang na rin ang Tabuk City, ay nagpadala ng participants sa event.
Ayon sa obispo, nasaksihan na ang kultura ng pagkakaisa ay naghahatid ng isang bagay na maipagmamalaki sa buong mundo.
During the presentation, hindi huminto ang pagbuhos ng ulan, na mas nakadagdag ng drama sa historical event.
Noong 2018 ay tinangka ng Kalinga na ma-break ang record para sa largest gong group, ngunit hindi ito nagtagumpay.
