Dinumog ng fans ang pagbabalik ni Michelle Dee sa bansa matapos nitong lumaban sa Miss Universe 2023.
Lumapag si Michelle sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 mula sa connecting flight nito sa Los Angeles, U.S.A., nitong Sabado ng gabi, November 25, 2023.
Nagbalik si Michelle sa bansa matapos nitong mapili bilang isa sa mga kandidata na bumisita sa Mexico matapos ang Miss Universe 2023 pageant sa El Salvador.
Sa kanyang pagdating, tila nakahinga nang maluwag si Michelle lalo't isang buwan din itong wala sa bansa.
Panimula nito, "Oh, my gosh! Hindi ko alam kung gaano kasarap sa pakiramdam na nakauwi na ako."
Agad ding ipinarating ni Michelle ang kanyang pasasalamat sa lahat ng fans na sumuporta sa kanya.
Sabi ng beauty queen, "Maraming, maraming salamat sa pagpunta niyo dito. Sobrang nakakataba ng puso.
"Alam niyo naman na ginawa ko po talaga lahat... lahat ng makakaya ko para ipaglaban tayo.
"Sayang... talagang sayang, pero lahat ng nangyayari may dahilan.
"Alam ko, marami pa tayong puwedeng ipakita sa buong mundo. Ipinakita talaga natin kung gaano kalakas ang Bayanihan spirit ng Pilipinas."
MICHELLE DEE: GRATEFUL FOR SUPPORT
Bagama't hindi niya naiuwi ang ika-limang Miss Universe crown ng Pilipinas, ang mas mahalaga kay Michelle ay ang maipagmalaki siya ng mga kapwa niya Pilipino sa kanyang naging performance sa nasabing pageant.
Aniya, "You know, if ever I brought home the crown, siyempre ginusto ko yun.
"Pero my goal is really to make all of you proud, to represent our country as best as possible.
"Nakita niyo naman, nakuha natin halos lahat ng special awards...
"And obviously, that's a testament to how prepared the Philippines was, to how much dedication, creativity, and passion we all showed the universe.
"Kaya hindi nila matatanggal yun sa atin.
"Sobrang lakas talaga ng tiwala ko na ipinakita natin sa buong mundo kung ano'ng kaya natin."
Bonus din para kay Michelle ang special awards na kanyang nakuha sa pageant.
Kabilang dito ang Fan Vote, Spirit of Carnival Award, at ang pinakahuli ay ang Best in National Costume na nitong Biyernes, November 24, lamang inanusyo ng Miss Universe Organization.
Ang Miss Congeniality award lamang ang hindi naiuwi ni Michelle at nakuha ni Miss Spain Athenea Perez.
Bahagi ni Michelle, "Alam niyo, sobrang pinakita talaga natin... kasi it was through voting. And grabe talaga kapag nagkaisa ang buong Pilipinas, lahat makukuha natin.
"The national costume, all the way to the evening gown, to my own personal preparations, 200-300 percent po talaga yung binigay naming lahat.
"If nagkataon na nakahawak ako ng mic, basta alam niyo na sobrang pinaghandaan ko din yun, prepared po talaga."
Dito'y muling nagpasalamat si Michelle lalo sa fans na hindi ininda ang ulan at nag-abang sa kanya sa airport.
Sabi niya, "Especially, sa mga fans na nabasa, I'm so sorry! Pero thank you so much sa patuloy na pagsuporta niyo sa akin. It means so much to me.
"You know, nakakuha talaga ako ng inspirasyon and strength because of all of you.
"I started doing this because of your push. I wouldn't have come this far without all of you.
"Siyempre, hindi lang ako nag-iisang lumalaban pero lahat, lahat tayo, 118 million Filipinos talagang lumalaban.
"Salamat. I love you all. Sana patuloy po ang suporta niyo. Maraming, maraming salamat."
MICHELLE DEE ON FRIENDSHIP WITH ANNTONIA PORSILD
Bahagya ring napag-usapang ang pagkakaibigan nina Michelle at ng kandidata mula sa Thailand na si Anntonia Porsild.
Maraming fans ang natuwa sa friendship na nabuo sa pagitan ng dalawa.
Lalong na-excite ang fans nang sabihin ni Michelle na muling magkukrus ang kanilang mga landas.
Sabi ni Michelle, "Both of us created such good friendships, as well as the other delegates.
"Of course, may mga things na nakalatag din. Abangan niyo po."
Dagdag nito, "May news kaming natanggap nung pauwi na kaming dalawa, kaya abangan niyo na lang."
Bago pa man makauwi sina Michelle at Anntonia, sa kani-kanilang mga bansa, excited na ang fans sa kanilang muling pagkikita.
Sa Instagram Live ng dalawa noong November 22, ibinahagi na ni Anntonia na naimbitahan siyang pumunta sa Pilipinas.
Ibinida naman ni Michelle ang Palawan sa kanya dahil sa "most pristine beaches, amazing biodiversity, great for scuba diving, free diving, snorkeling."
Pag-amin naman ni Anntonia, hindi nito masyadong gusto ang scuba diving.
Paliwanag nito, "I can swim in a pool but I'm not really into scuba diving because I'm scared of big fishes. I'll go into the ocean but don't let me see what's under there. Out of sight, out of mind."
WHAT'S NEXT FOR MICHELLE DEE?
Ano naman kaya ang mga aabangan kay Michelle sa pagbabalik niya?
Sagot ng beauty queen, "Marami po. A lot of things are in the works, crown or no crown. I know that we will all shine.
"Ako po, you know, I'm an actress, I'm entrepreneur, I'm a philatropist. Lahat po yun ipagpapatuloy ko lang po.
"Sana subaybayan niyo po yung journey ko kasi... we really have so much in store. Abangan niyo na lang po."
Excited ding ibinahagi ni Michelle na magbabalik-serye siya ngunit hindi pa muna nagbigay ng detalye.
"Meron po, may tini-tease ako na I will be returning on television very, very soon.
"I'm not authorized to say what show pero abangan niyo po. Sobrang nakaka-excite yung project. Very, very, very relatable po sa akin."
READ MORE:
- Michelle Dee National Costume winner ng Miss Universe 2023; Anne Jakrajutatip kinasuhan dahil sa pangungurakot
- Fake news: Michelle Dee bagong national director ng Miss Universe Philippines Organization
- Miss Universe 2023 judge Iris Mittenaere: “To be honest, Michelle was in my Top 5.”
- Miss Universe Philippines clarifies video of Michelle Dee's exit during TV guesting in Mexico
