“Asawa” na ang tawag ng YouTuber na si Ninong Ry sa kanyang girlfriend, ang ina ng kanyang magiging anak.
Sinuportahan si Ninong Ry ng kanyang “asawa” sa premiere night ng debut movie niyang Shake, Rattle & Roll Extreme noong Nobyembre 24, 2023, Biyernes, sa SM Megamall.
After giving birth, magpapakasal na sila. Kailangang magpa-sexy muna ang bride?
Read: YouTuber Ninong Ry inaming pagkakakitaan ang magiging anak
Tumikwas nang konti ang kilay ni Ninong Ry, “Hindi. Siya! Kung yun ang gusto niya, pero ako, sa akin, perfect na perfect siya!”
Dinampian kapagkuwan ni Ninong Ry nang masuyong halik sa pisngi ang kasintahan na katabi niya nang mga sandaling iyon.
ALL GOOD THINGS
Ano ang pakiramdam na maraming magagandang nangyayari sa kanya?
May pelikula kung saan agaw-eksena siya. Bumubuo na ng pamilya. Maganda ang takbo ng career.
Napabuntong-hininga si Ninong Ry, “Medyo ang hirap lang din i-comprehend. Kasi minsan, kapag tinitingnan ko lahat ng nangyayari sa akin, sobrang nao-overwhelm yung utak ko.
“Kasi parang kailan lang, wala naman lahat ito, e. Tapos sabay-sabay umano. Talagang when it rains, it pours, e, pagdating sa mga blessings talaga.
“So ako, para hindi ako ma-overwhelm, I try to take it day by day. Day by day talaga. Anong gagawin ngayon? Sige, gawin natin yan. Anong gagawin bukas?
“Kasi pag tiningnan ko lahat ng ginagawa ko, say for a month, nao-overwhelm ako. Kasi hindi ko naiintindihan, e.
“Siguro kasi meron akong ano, meron kasi akong parang mentality na kung ano yung trabaho sa harap ko, gagawin ko, huwag mo nang intindihin kung ano man yan para ma-execute mong mabuti kung ano ang trabaho sa harap mo.
“Kasi kung hindi ko gagawin yun, masusuka talaga ako sa stress.”
Read: Ninong Ry ayaw sabihin kung magkano ang kanyang net worth
Nagkakaroon ba siya ng takot o anxiety na ang saya-saya niya ngayon, baka ang susunod ay kabaligtaran naman…
“Alam mo, dati pinaniniwalaan ko yan, e. Dati naniniwala ako diyan, nung mga college siguro ako o high school,” pahayag ni Ninong Ry.
“‘Parang ang daming magagandang nangyayari, ah?! Siguro ang susunod nito, may bawi.’
“Ngayon, parang hindi ko na pinaniniwalaan yun. Kasi ano, ipe-prepare ko ba yung sarili ko para sa susunod na tatlong taon na puro pahirap naman?
“Parang hindi ganun, e. Parang hindi ganun. Kasi na-realize ko na parang you control your own destiny, parang ganyan.
“Nasa sa iyo yung kakayahan na gawing masaya yung buhay mo, malungkot yung buhay mo, stressful o madali yung buhay mo, parang ganyan.
“So it’s up to you to take action. Ngayon, kung ie-expect mo na may hindi magandang mangyayari sa yo, baka parang self-fulfilling prophecy yan na parang ganun.
“In-expect mo na, so mangyayari talaga. Ayaw natin nun siyempre! So ako, I try my best to keep my life happy, productive and engaging.”
NINONG RY IN 2024
Ano ang nakikita niya sa sarili niya next year? Parang andaming pagbabago sa buhay at career niya, ambilis ng mga pangyayari.
“Next year honestly baka mag-ano ako, mas mag-focus ako sa family,” sambit ni Ninong Ry.
“Mas mag-focus ako sa family kasi siyempre andiyan na si baby next year. Andiyan na siya.
“E, kailangan kong maging tatay, alam mo yun?! Kailangan kong ma-experience yun. Kasama sa character development natin yun.
“Kailangan kong maging mabuting asawa sa kanya, mabuting ama, di ba? And kasi nitong mga nakaraang taon, puro trabaho talaga. Puro puro trabaho talaga.
“And I think hindi lang naman trabaho ang mahalaga sa atin, e.”
Ano ang sabi ng nanay niya sa desisyon niyang iwan ang family business nila sa palengke ng Malabon, at mag-concentrate siya sa vlogging? Natutuwa ba siya?
“Oo naman, oo naman. Si Mama naman, kung saan ako masaya, kung saan ako productive, dun naman talaga siya,” saad ni Ninong Ry.
“Walang kahit anong… kahit konting sama ng loob na naano ako sa kanya mula nang umalis ako sa business. Wala. Wala! Wala talaga!
“Kung tutuusin siya pa nga ang nagpagawa ng kusina, e. So, alam mo yun. Talagang supportive talaga.
“Tulad ng lagi kong sinasabi dati, ang pinakamalaking asset na meron ako ay suporta ng pamilya.”
Read: Ninong Ry never imagined himself joining showbiz
ONCE A VLOGGER ALWAYS A VLOGGER
Maa-assure ba niya sa kanyang mga inaanak — 6.9M sa Facebook, 2.05M sa YouTube — na tuluy-tuloy ang pagva-vlog niya sa 2024?
“Oo, yes! Ano, eto lagi kong sinasabi, kahit anong mangyari, hindi ko iiwanan yung vlog!” bulalas ni Ninong Ry.
“Kasi kung hindi dahil dun, wala naman itong mga ibang opportunity na ito. Hindi ko gagawin na parang… ‘Ay! Mas mataba na ang lupa na ito, lipat na ako dito!’
“Hindi, hindi. Hindi ganun. Talagang kahit anong mangyari, maglalaan ako ng oras sa vlog talaga. Hindi ko puwedeng kalimutan yung bagay na yun. Yun ang priority pala.”
May mga bagong content ba siya na maio-offer sa vlog? Hindi ba siya nauubusan ng ideas?
“Hindi,” mabilis na tugon ni Ninong Ry, “kasi ano, e, dati akala ko, nauubusan na ako ng ideas.
“Pero kasi, food is universal. Alam mo yun, hindi lang naman ito… ang vlog naman namin, naman ito eto ang putahe, lutuin natin. Hindi ganun.
“Marami kaming puwedeng gawing parang location shoot. Pupunta kami sa ganitong lugar.
“Kasi food is more than what we eat, e. Food is history, food is the story of the people around it. “So mula sa idea na yun, kaya pa naming palawakin yun.”
NINONG RY AS COMEDIAN
Ano pa ang iba na gusto niyang gawin? Gusto ba niyang pasukin halimbawa ang pagnenegosyo?
“Negosyo will come, alam mo yun. Darating naman talaga yang pagnenegosyo na yan,” sabi ni Ninong Ry.
“Pero, say sa content creation, I really wanna do more comedy skits.
“Na matagal na naming pinag-uusapan nina Ian [Gimena], na hindi nami ma-execute kasi talagang andaming nangyayaring maganda sa buhay ko ngayon.”
Patok ang collab nila ni Ninong Cry (Michael V) sa 28th anniversary presentation ng Bubble Gang last Sunday.
Sino pa ang gusto niyang maka-collab sa comedy skits ngayong tapos na siya kay Bitoy?
Read: Ninong Ry overwhelmed ang utak sa collab nila ni Michael V
“Tapos na ako kay Bitoy, siguro ano, ang isa sa tinitingala ng team namin sa comedy na talagang tawang-tawa kami… Jose,” pagsisiwalat ni Ninong Ry.
“Natatawa kami kay Jose [Manalo], sobrang bentang-benta sa amin. Lumaki kasi kami sa ‘90s na comedy, alam mo yun. Lumaki kami dun, e.
“Redford White, Babalu. And I feel like si Jose, isa siya sa mga nagdadala nung ganung vibe in the modern era, parang ganun.”
E, kay Vice Ganda?
“Oo naman! Siyempre, Vice Ganda! Isang beses nga, nagkasabay kami sa isang event, nahiya lang akong lumapit, e,” pagtatapat ni Ninong Ry.
“Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Nahiya akong lumapit. Pero siyempre Vice Ganda, oo naman! Oo naman.
“Hindi ko lang alam kung kaya kong sabayan yung utak ni Vice Ganda. Ambilis kasi ng utak ni Vice Ganda, e, pag napapanood mo. Ang sharp ng mga sagot.
“Ewan ko kung kaya ko, baka hindi ako makasabay! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!”
Tampok si Ninong Ry sa “Mukbang” episode ng Shake, Rattle & Roll, na showing na sa mga sinehan nationwide umpisa ngayong Miyerkules, Nobyembre 29.
