Hanggang ngayon, aminado si Rabin Angeles na hindi pa rin sila makapaniwala sa tagumpay ng kanilang VIVA One series na Ang Mutya ng Section E.
Sila nga raw mismong tatlo ng co-stars niyang sina Andres Muhlach at Ashtine Olviga ay madalas na nagti-trending dahil dito.
Kaya tuloy sa May 1 at 2 ay magkakaroon na sila ng fan meeting sa New Frontier Theater, Quezon City.

“Nagugulat pa rin po kami palagi. Kasi, hindi namin alam na ganun kadami [ang fans]. Parang hindi po namin in-expect na ganun kadami, kaya super thankful lang po kami,” masayang lahad ni Rabin nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kamakailan sa Viva Café sa Quezon City.
At kahit sa ibang bansa, katulad ng India ay malakas na rin sila. Kahit siya raw ay nakakakita ng mga video na gawa ng mga ito.

NO PERMANENT LOVE TEAM
Bukod sa serye nila at music video, may iba pa silang ginawa ni Ashtine. Hindi pa nga lang mai-reveal ni Rabin kung ano ito.

Pero ang tanong nga sa kanya, ano ang masasabi niya na hindi lang silang dalawa ni Ashtine ang may shipper?
Ipina-partner din si Ashtine kay Andres.

Good or bad ba para sa kanya ang intense na pagsi-ship sa kanila?
“Okey lang naman po kung may mga nagagalit, pero sana po, wag silang magagalit. Kasi, kaming tatlo naman po, magtotropa po kami. Hindi naman po kami magkakaaway.
“Sila po, kung yung mga ship niyo, halimbawa, ayaw niyo po sa isa, nasa sa inyo po yan. Pero sana, suportahan niyo po kaming tatlo. Kasi, kami naman po talagang tatlo, wala naman pong permanent na love team. At wala rin pong competition.
Rabin likes riding with Andres
Nang dahil sa pag-endorse niya ng South Korean skincare brand na The Lab by Blanc Doux, nakabili na ng sariling sasakyan si Rabin. Malaking tulong ito sa kanya lalo na at umuuwi pa rin siya sa Pampanga.
Naisakay na nga raw niya ang mommy at kuya niya nung nagpunta sila sa Manaog.
Natawa ito sa tanong kung naisakay na niya si Ashtine.
“Sasakay po kami roon pag may event po. Pero palagi po akong sumasakay kay Andres, e.
"Kasi, tuwang-tuwa po ako sa sasakyan niya. Talagang, ‘Bro, sakay mo nga ako diyan.’ Ang hot po ng kotse niya, e,” paghanga pa niya sa sasakyan ni Andres.

what is rabin's formula?
Madalas sa isang artista, lalo na kung baguhan, ang hindi matukoy ang tamang formula para sumikat o matanggap agad ng publiko..
Tinanong namin si Rabin kung ano sa palagay niya ang meron siya at tila mas tanggap siya ng fans kumpara sa ibang mga baguhan o kasabayan niya lang din.
“Siguro po ang meron ako... or hindi ko po sinasabi na wala sila, kasi, makukuha rin po nila yan. Siguro po, kailangan lang nilang mahalin ang trabaho nila.
“Yun lang po talaga. Kailangang ibinibigay mo ang best mo palagi. At wag pong yayabang talaga. Yun po talaga ang iniiwasan ko."
So far, maayos ang takbo ng career ni Rabin sa sandaling panahon pa lang na nasa showbiz siya. Maayos at maganda ang kanyang attitude o pakikitungo sa lahat.
Pero ano sa palagay niya ang katagang puwedeng makasakit ng kanyang damdamin o makapagpabago sa kanya?
“Siguro po kapag sinabi po na hindi ako marunong umarte,” sagot niya.
“Yun po talaga ang ayokong mangyari. Kasi, gusto ko pong maipakita talaga na kaya ko pong umarte. Kaya rin po nag-aaral ako nang nag-aaral.”
May epekto rin ba sa kanya kapag sinabihan siya ng mga tao na nagbago na siya dahil sa kanyang kasikatan?
“Yun din po, hindi po talaga ko magbabago. Ayoko po talaga, sure po ako. Sure na sure po ako,” diin pa ni Rabin.
changes to rabin's life because of Ang Mutya ng Section E
Pero aminin man niya o hindi, malilnaw na malaki at marami ang nagbago sa kanyang buhay mula nang makilala siya dahil sa Ang Mutya ng Section E.
“Marami po, marami-rami na rin po. Tulad po kapag lumalabas po, may mga nakakakilala na rin po sa akin. At si Mommy po, nakakakapag-abot na rin po ako sa kanya minsan. Nailalabas ko na rin po sila.
“Nakakapunta na po kami sa mga places na gusto naming mapuntahan before. Tulad nga po ng Manaoag.
"Dati pa pong nire-request ni Mommy sa akin yun. Pero hindi ko po siya madala kasi, wala nga po akong pera."
career and mom as priorities, not looking for a girlfriend
Tahasang sinabi ni Rabin na sa ngayon, hindi muna siya naghahanap ng karelasyon. Mas gusto niyang i-prayoridad ang trabaho at matulungan daw ang kanyang ina.
Pero may mga katangian na siyang gusto kung sa maghahanap daw siya ng magiging girlfriend.
“Ang gusto ko po talaga sa babae, simple lang,” saad niya. “Ayoko ng parang ma-make-up, pabebe. Gusto ko yung polite po sa lahat ng tao, 'tapos maka-Diyos.”
Katulad ni Andres, hindi pa rin daw nagkakaroon ng girlfriend si Rabin. Kung meron man, matatawag lang daw niyang puppy love.
At sa tanong kung nakikita niyang girlfriend material si Ashtine, mabilis na, “opo” agad ang sagot niya.
“Si Ashtine po, nasa kanya na ang lahat, sa totoo lang. Makikita niyo po sa kanya kung paano niya tratuhin ang ibang tao. Napakabait niyang tao. Makikita niyo sa kanya na sobrang down-to-earth.
“'Tapos, parang lahat tinutulungan niya. Siya yung artista na hindi mo talaga makikitang lalaki ang ulo.”
